Drabble #1: ENCANTAR

131 7 9
                                    

Malimit akong kunin ng kakaibang liwanag at dinadala sa napakagandang lugar. Ihinihiga sa malambot na higaan na napalilibutan ng mga bulaklak.

Tagaktak ang aking pawis. Nanginginig. Binabayo ng kaba ang dibdib. Anumang sigaw ko'y walang tinig na maririnig. Hindi ko naigagalaw ang aking katawan.

Naaaninagan ko ang isang lalaki at mga lambanang palipad-lipad sa paligid. Nauulinigan ang kanilang tawanan at magandang musikang nagmumula sa kung saan. Napapapikit na lang ako habang lumuluha at inuusal ang mga banal na salitang nilimot ko na.

Nagigising ako sa aking silid. Alam kong mayroon akong kasama. At ngayo'y may pusong pumipintig sa aking sinapupunan.

Wild Card RoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon