Vanelope Shiv’s Story
Isang mundo kung saan malaya kang gumawa ng mga bagay na gusto mo. Yun ang pagkakaintindi ko sa larong Widst Online kung kaya’t sinubukan kong makalaro nito kahit na limang libo lang ang mabibigyan ng CyberRing sa buong bansa. At sa wakas, nakita ko na din ang mundong ito. Mundo kung saan walang makikialam sa iyo, kung saan walang manggugulo, sa lugar kung saan sa iyo naka dipende kung ano ang iyong gagawin. Gusto na dito tumira. Mas gusto ko na dito kesa sa tunay na mundo kung saan puro hirap at sakit ang mararamdaman mo. Kung kaya’t sa pagdaan ko sa CyberPortal na nasa harap ko ay magiging one-way ticket papunta sa mundong pinapangarap ko.
Kung titingnan natin ang paligid, iisipin mong nasa loob ka ng isang stadium ngunit walang bubong dahil sa dami ng mga players na nasa loob ng Wids Central. Aaminin kong napakalaki nito kaysa sa aking inaasahan. Mahigit dalawang oras na akong nalate bago makapasok ngunit marami parin ang namamalagi sa lugar na ito. Siguro para makipagkaibigan sa iba. Hindi ko balak makipagkaibigan sa iba kung kaya’t magmamadali nalang akong pumunta sa kabilang siyudad kung saan mas konti ang tao. Kung saan tahimik akong mabubuhay sa mundong ito. Kalahating milya bago marating sa gate ay may nakita akong kakaibang babae. Hindi siya kagaya ng ibang babaeng gamer na nakikita ko noon.Mga 10 o nine siguro ang edad. Para siyang isang Artificial Inteligence o AI. Naglalakad na parang isang prinsesa. Ngunit kahit na tinitingnan siya ng mga kalalakihan ay umaalis ang mga ito sa kanyang dinadaanan. Mukhang malakas ang appeal ng babaeng iyon.Sabi ko sa aking isipan. Sinubukan ko muna siyang sundan kasabay ng ibang mga lalaki na nakasunod na sa kanya. Papunta ang babae sa WidstPlaza at mukhang may hinahanap na tao. Hindi nito pinapansin ang ibang mga taong nakapaligid at nakatingin sa kanya. May isang lalaking lumapit sa kanya.
“Miss. Pwede bang makipagkilala?”
Hindi ito pinansin ng babae at itinuloy ang kanyang paghahanap sa paligid. Napikon ang lalaki at hinawakan nito ang kamay ng babae. Doon ay napatigil ang babae at tumingin ito sa lalaki.
“Pasensya na po pero pwede po bang bitiwan nyo ako?”
“Gusto ko lang naman malaman ang pangalan mo. O kaya gusto ko lang makipagkaibigan sa iyo.”
“Hindi pwede dahil may hinahanap akong tao.”
“Sino ba iyon? Boyfriend mo?”
“Asawa ko.”
“Huh? Masyado ka pang bata para magkaroon ng asawa. Huwag mo nga akong pinagloloko.”
Hindi parin binitiwan ng lalaki ang kamay ng babae hanggang sa nasasaktan na ito. Pahigpit ng pahigpit. Ang mga lalaking nakapaligid ay nakatingin lang sa dalawa. Wala ni isang gustong tumulong sa halip ay inaantay lang nila na sabihin ng babae ang kanyang pangalan.
“Bitiwan mo na ako parang awa mo na.”
“Ayaw ko hangga’t hindi mo sinasabi ang pangalan mo.”
Nanghingi na ang babae ng tulong ngunit walang gustong tumulong sa kanya. Ilang hakbang ang layo ko sa kanya ngunit hindi ko na mapipigilan ang sarili ko. Tumakbo ako ng mabilis palapit sa kanila habang ang aking kamao ay dumaretso sa pagmumukha ng lalaking iyon. Wala akong pagsisisi sa aking ginawa dahil gusto ko lamang tulungan ang babae. Nabitawan na ng lalaki ang kamay ng babae kung kaya’t ako ang pumalit at humawak sa kanya. Nakahiga ang lalaki sa sahig habang tinitingnan ang aking mukha. Tiningnan ko siya ng masama upang mapigilan ko siyang tumayo at saka hinila ko ang babae palayo sa kanila.