MANANANGGAL

1.7K 6 0
                                    

OCTOBER 29, 2013

             Kapag manananggal na ang pinag-uusapan, agad sumasagi sa isipan ko ang pangatlong istorya sa Shake, Rattle & Roll noong 1984. Pinamagatan itong "Manananggal" na idinerek ni Peque Gallaga. Kuhang-kuha ng pelikulang ito ang mga katangian na nasaliksik ko tungkol sa isang manananggal.

Si Irma Alegre ay pumapapel bilang isang magandang babae na nakatira sa liblib na parte ng gubat. Di siya mahilig makihalubilo sa ibang tao. Nabighani sa kanya ang isang lalaking taga-barrio (Herbert Bautista). Di naglaon nalaman ng lalaki ang sikreto ng magandang dilag isang gabing kabilugan ng buwan. Nakita niyang lumabas ng bahay ang dilag at may ipinahid na langis sa bandang tiyan.

Kitang-kita niyang lumabas ang pakpak sa likod ng babae at unti-unting nahati ang katawan nito sa dalawa. Lumipad ang kalahating katawan sa himpapawid at naiwan sa lupa ang kalahating katawan. Nang nilapitan ng lalaki ito, naamoy niya ang masangsang na bituka na nakalitaw. Binudburan niya ng asin ang bituka at namilipit ang kalahating katawan sa sakit.

Hudyat ito ng pagkamatay ng kalahating katawan ng mananaggal. Nagalit ang manananggal ng nalaman niya ang kinahantungan ng kanyang iniwang katawan. Inatake ng manananggal ang lalaki at kanyang pamilya sa kanilang tirahan. Upang protektahan ang kanilang mga sarili, pinaghahampas nila ito ng palaspas na may bendisyon. Nang sumikat ang araw, namatay ang manananggal at natapos ang kanilang kalbaryo

 Ang manananggal daw ay mahilig lumipad sa gabi at dumapo sa bubong ng mga kabahayan upang maghanap ng butas kung saan maaari niyang isilid ang manipis at napakahabang dila sa paghahanap ng mabibiktima. Ang dila ang nagigiging instrumento ng manananggal sa paghigop ng dugo ng tao o di kaya ng sanggol sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao. Ito ay ikinamamatay ng biktima. Ayon naman sa ibang kuwento, maaari ding sundan ng manananggal ang biktima at kapag nahuling nag-iisa ay kanyang kakainin ang puso at iba pang mga laman loob nito.

Meron akong kakilala na pinagsabihan ng isang albularyo na maglagay ng asin, abo, at dinikdik na bawang sa tela at isabit sa bintana ng silid upang itaboy ang manananggal. Kasalukuyang buntis ang kanyang asawa noon. Tutal wala naman daw mawawala sa kanila, ginawa nila ang pinagbilin ng albularyo.

WAKAS

HORROR STORY (SHORT STORY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon