ASWANG

954 6 0
                                        

                 Matagal ng usap-usapan na ang mga aswang ay nagmula sa mga probinsya ng Capiz, Iloilo, at Antique. Ang aswang daw sa umaga ay mukhang ordinaryong tao ngunit pagsapit ng gabi, ito ay nagiging halimaw na kumakain ng lamang-loob ng tao, lalo na ng atay. Tulad ng manananggal, ang aswang ay may mahaba at malasinulid na dila na isinisilid nito sa butas ng bubong upang mahigop ang sanggol sa sinapupunan ng isang buntis.

Paborito daw ng aswang ang mga buntis. Maaring magbalatkayo ang aswang bilang isang hayop tulad ng ibon,paniki, baboy, o aso.

Sabi ng aming kasambahay na taga-Capiz, ang aswang daw ay may alagang ibon. Ang tawag daw dito ay tiktik o wakwak. Pag malapit daw ang tunog ng tiktik o wakwak, ibig sabihin malayo ang aswang. Pero mag malayo ang tunog ng mga ito, marahil nasa malapit lang ang aswang. Ito daw ang paraan ng aswang para malito ang mga tao.

Nung ako ay buntis, nakarinig daw ang yaya ko ng tiktik na dumaan sa tapat ng bahay namin pero wala naman akong narinig. Pero natakot ako at di halos nakatulog. Awa naman ng Diyos, wala akong nakita o naramdamang di karaniwan noong gabing yun. Minsan talaga, ang takot ang nagpapalala ng sitwasyon.

Sa Panay ipinanganak at lumaki ang mga magulang ko pero kahit kailan daw di naman sila nakakita o nakaramdam ng aswang. Tinanong ko din ang mga pinsan ko na doon ipinanganak at lumaki na nagsabi na hindi pa din siya nakakita ng aswang. Nung nabubuhay pa ang lola ko, malimit kaming magpipinsan magbakasyon sa probinsya. Sabi ng lola ko meron silang taga-baryo na binansagang aswang. Di daw niya alam kung totoo yun pero yun daw ang sabi sabi sa lugar nila. Ang taong ito daw ay napakabatang tingnan para sa edad niya at itinuturong dahilan ng pagsakit ng tiyan ng ilang mga dayo sa lugar.

Naisip ko tuloy na kawawa naman ang mga taong tulad niya. Hindi biro na pagbintangan kang aswang ng mga tao sa iyong paligid.

Sa Reporter’s Notebook – Halloween Special na ipinalabas noong 2006, ipinakita ang isang babaeng taga-Panay na nagngangalang Annabelle Barrera. Siya ay naghihinagpis dahil siya ay pinagbibintangang aswang ng kanyang mga kapitbahay. Nilalayuan daw siya ng mga tao sa kanila. Di naman daw yun totoo at ang sakit na nararamdaman niya sa pagbibintang ay mas ay higit pa sa pisikal na sakit.

WAKAS

HORROR STORY (SHORT STORY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon