Tula

106 1 0
                                    

Mahal ko, patawad.
Oo, humihingi ako ng paumanhin sa madaming dahilan
At isa na doon, ang sayo ay pag-iwan.
Nais kong kumapit sa alay mong pag-ibig
Nais kong manatili sa iyong mga bisig

Ngunit mahal ko, patawad.
Patawad kung salungat na daan ang aking tinahak
Patawad dahil makailang beses kitang sinasaksak
Sinasaksak ng paulit-ulit at walang pagpapakundangan
At ni isang lingon sa aking pag-alis ay di ka ginawaran.

Mahal ko, patawad.
Nagising ako na ramdam ang tuluyan ko nang pagsuko
Sa laban na sinabi kong ako'y lalaban kasama mo
Oo mahal, sinukuan kita
Sinukuan kita kahit alam kong nais mong lumaban pa

Mahal ko, patawad.
Dahil sa tangkang kong pagnakaw ng tingin
Ay siya na namang pagtulak ko sa'yo sa bangin
Hindi ko na lubos maisip ang tunay kong dahilan
Basta ang alam ko bigla na lang kitang iniwan

Kaya mahal ko, patawad.
Patawad kung ngayon ay unti-unti pa rin kitang pinapatay
Ni hindi magawa na pag-ibig ko sayo ay ialay
Patuloy pa rin ako sa pagbato sayo ng sakit
Ni hindi ko man lang pinapansin ang pagsigaw mo ng hinanakit

Mahal ko, patawad.
Kung parang kita'y pinagsawaan na at itinapon
Kung pinangakuan kita ng pagmamahal noon
Kung sa bawat pagsilip natin sa nga tala sa kalangitan
Sinabi kong ang magniningning para sa akin ay ikaw lang

Aking mahal, patawad.
Dahil hindi ko nagawang panindigan ang bawat salita
Na binigkas ng aking puso upang awitan ka
Dahil nagawa kong bumitaw sa mahigpit mong pagkapit
Na kahit inilahad mo ang iyong kamay, hindi ako lumapit

Mahal, patawad.
Ngunit isa akong rosas na puno ng tinik sa isang hardin
Nakabibighani ngunit delikado kaya't huwag mo ng piliin
Isang patibong na binihisan upang makapanlinlang
Huwag ka ng tumuloy, pakiusap huminto ka na lang

Mahal, patawad.
Dahil sa puntong ito, kahit alam kong kaya pa ng aking puso
Hihinto na ako sa paglaban, tuluyan na akong susuko
Dahil sa bawat pag-unday ng espada ng pagmamahal ko
Ikaw ang pikit-mata kong pinapatay at tinatalo.

Mahal, patawad.
Kaya ko pang lumaban pero ako'y sawang-sawa na
Sawang-sawa na sa pagbibigay ng lason sa'yo, sinta
Kaya ko pang lumaban pero ramdam ko na ang pagod
At ang konsensya at awa, sa puso ko ay humahagod

Patawad.
Oo, hanggang patawad na lang ako
Patawad dahil hanggang dito na lang ako
Oo, humihingi ako ng paumanhin sa maraming dahilan
At iyon ay dahil sa aking tuluyan ng paglisan...

◇◇◇

Sa susunod na kabanata ay inyo ng mababasa ang liham na ipaparating na lamang ng hangin sa kanya...

Sanang LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon