Pagtutula II

22 2 0
                                    

"MAHAL PATAWAD"
Mga salitang nais kumawala sa aking bibig
Mula sa nga tanong na nabuo hanggang sa mga emosyon sa aking dibdib
Mga emosyon na hanggang ngayon sa aki'y bumabagabag
Uunahin ko na ang paghingi ko sa'yo ng tawad
Kaya mahal, patawad.

Hindi ko nagawang panindigan ang bawat binitawang pangako
Ni hindi ko alam ang isasagot sa bawat bakit at paano
Bakit lumitaw ang sapantahang hindi na kita iniibig
Paano ko nagawang bumitaw sa mahigpit mong pagkapit?
Kung kaya naman mahal, patawad.

Makailang beses kong sinaktan at pinaiyak ang iyong puso
Dahil hindi ako handa, dahil hindi ako sigurado
Dahil inuna ko pang inisip ang baka masaktan ako
Kaysa suungin ang panibagong mundo upang ika'y makapiling ko
Dahil doon mahal, patawad.

Kinakailangan kong lumaya mula sa humihila sa akin pabalik
Ngunit heto na naman ako at natatakot
Natatakot sa posibilidad na baka sa tuluyan kong paglaya
Ay siya ring tuluyan mong pagsuko at paglayo
Gayunpaman mahal, patawad

Kulang ang paulit-ulit kong paghingi ng tawad
Kulang ang naisulat na mga taludtod, maging mga saknong
Kulang pa ang mga ito kumpara sa bilang ng mga sugat sa puso mo
Kulang pa, kaya hindi mahahapo ang aking puso sa pagbigkas
Mahal, patawad.

Sanang LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon