The Girl Painted in Sepia

249 8 1
                                    

CHAPTER 1

May mga tao na matagal bago mahanap ang ecological niche nila. Minsan, dahil di nila alam kung saan sila lulugar kaya mas pinipili na lang nila ang makisama at makiayon sa galaw at agos ng kung ano ang gusto ng kasalukuyang mundo. Minsan din, may mga tao naman na sobrang naliligaw at kung saan saan pumupunta; mga taong hindi alam ang gusto at mga taong wala talagang gustong gawin kundi huminga at magnakaw ng hangin na sana'y binibigay na lang nila sa mga mas nangangailangan pa.

Kaya nga ang yabang ko eh, kase nahanap ko kung saan ko gustong manatili at patuloy na mabuhay-- sa mga alaala niya. Our memories are made up of selected events we tried to weave together to form a tapestry of something we don't want to forget. Sabe niya, hindi naman daw totoo ang alala ng bawat isa. Na ilusyon lang daw ang lahat. Naniniwala siya na ang memorya ng bawat tao ay malabo-- dinadagdagan ng kulay ang mga larawang iginuhit lamang ng lapis at hindi ng krayola; Pinapaganda ang pangyayaring hindi naman talaga. Pero doon, sa kanyang malabong depinisyon ng alaala, doon ako nabubuhay.  Doon niya ako patuloy na hinahayaang makapaglaro at ngumiti at tumawa.

6:30 am

I got a pocket, got a pocketful of sunshine

 I got a love and I know that it's all mine, oh, oh oh oh.. 

"Dear, gising ka na. Male late ka na naman sa school." Ang matamis kong bulong sa kaliwang tenga niya sabay hagod ng buhok na tila  mga dalawang buwan na ata niyang di napapagupitan.

Pupungas pungas siyang bumangon sabay ngiti sa kawalan. Kumpara sa ibang mga umaga, mas matino ang gising ni Cyan ngayon. Mukha siyang masaya, parang good mood hindi katulad nung mga nakaraang buwan na akala mo laging finals week sa sobrang haggard ng itsura. Medyo nawala na yung dalawang maleta sa ilalim ng mga mata niya, at saka lumiit na rin yung tigyawat na inaalagaan ata niya sa may bandang noo. Maniniwala na sana akong okay nga siya ngayon kung hindi lang niya kinuha yung litrato na nakalagay sa winnie the pooh na picture frame sabay sabeng;

"I miss you... "

"Lintek naman Cyan, umusad ka naman na. Mag-iisang taon na oh." Ang sagot ko sa kanya habang patuloy niyang tinititigan ang larawang hawak hawak sa kamay. Larawan ito ng isang babae na nakaupo sa damuhan at may hawak na gitara. Hindi ito direktang nakatingin sa lente ng kamera subalit mababakas mo ang pigil na mga ngting pilit ikinukubli sa labi at mga mata. At siguro kung ako rin ang nasa kalagayan ni Cyan, hindi ko rin marahil mapipigilan ang di mag second look dun sa litrato. Siguro understatement ang maganda sa paglalarawan dun sa babae. At kung numerical standards naman ang gusto mo, kulang ang 10 bilang pinakamataas. Happy. Ito ang description na nahanap ko sa libo libong salita sa Webster's Dictionary. Ewan ko ba, pwede bang pag masaya maganda na? Pero wala naman talagang batayan ang kagandahan sa mundo hindi ba? Na kung ang naging depinisyon ng mga sinaunang tao sa maganda noong unang pnahaon ay may pangong ilong at maitim na kutis, hindi sana nose lift ang tinatrabaho ni Dra. Belo ngayon, nose flattening. At marahil din, di uso mga whitening products at gluthathione ngayon. Anyway, maganda si girlie na nasa picture, di dahil nasunod niya ang makamundong batayan ng kagandahan subalit dahil sa mga ngiting alam na alam ng kahit na sinong nasubukan ng magmahal ang pinagmumulan: pag-ibig.

Siguro kung lahat ng tao kumikinang dahil sa pag-ibig, tuwing valentines day ay parang araw ng pasko dahil magmimistulang Christmas lights lahat ng taong inlababo. At syempre din obvious ang mga taong sawi sa pag-ibig, yung tipong akala mo tatlong buwang di nakapagbayad ng kuryente sa Meralco kaya naputulan, therefore laging brown out. Parang si Cyan. Ni isang kislap man lang kahit sa mga mata, wala akong masilayan. Maliban kapag gabi. Yung tipong patulog na siya at naghihintay na lang dalawin ng antok. Ito yung mga panahong madalas kong makitang tila may maliliit na lampara sa gilid ng mga mata niya. Tapos bigla itong mawawala kasabay ng pagpunas niya sa magkabilang pisngi at bahayang pagsinghot ng sipon.

Maya maya pa ay lumabas na siya ng kwarto at dumirestso sa kusina. Susunod na sana ako kaso mas pinili kong manatili muna sa loob ng kanyang silid at pagmasdan ito. Ang gulo ng kwarto niya period. Nagkalat ang lata ng mga alak sa may lapag kasama ang ilang mga damit na hindi ko din alam kung malinis o madumi. Nag uumapaw na din ang laundry basket niya at para na itong mga damit na naging bundok sa taas. Di nakatupi ang kumot. Magulo ang study table. Naiwang bukas ang unit ng computer. May box ng pizza sa lamesa malapit sa kama. Kasama niya sa pagtulog ang ilang mga damit, laptop at dalawang librong halata mo namang hindi din binabasa at umuukopa lang ng espasyo sa kama. Napansin ko ding hindi na umusad mula sa Mayo ang kalendaryong larawan ni Jinri Park ang nakalagay. At sa dalawang orasan na nasa kwarto niya, isang wall clock na nakasabit sa may bandang itaas ng pinto at isang alarm clock na halos malaglag na sa gilid ng kama dahil sa laki ng box ng pizza, wala ni isa dito ang gumagana. Nawalan ng saysay ang tanging kahulugan ng orasan at naging pang display na lamang ang mga ito katulad ng sa isang larawan.  

Tatlong araw sa loob ng isang linggo. Ganito lang kahaba ang kayang itagal ng pagiging maayos ng kwarto ni Cyan. Tuwing Lunes kasi, may pumupuntang kasambahay sila Cyan sa Condo Unit niya upang kunin ang gabundok na labada at mag general cleaning sa loob ng mahigit tatlong oras. Tuwing Wednesday magsisimula ang transition ng kawarto ni Cyan mula sa maayos patungo sa magulo. At pag dating ng Sabado, para na ulit dinaanan ng bagyo ang kwarto niya.  Tapos Lunes na ulit.  Note: Wag kang dadalaw sa kwarto niya ng Linggo. Alam mo na kung bakit.

Sa totoo lang, naging isang mahaba at nakakapagod na routine ng sayaw ang naging buhay ni Cyan simula ng tumigil sa pag palit ng mga buwan ang R-rated na kalendaryong nakasabit sa may likod ng pinto ng kwarto niya. Malapit ng sumapit ang Desyembre at sabi sa radyo: "52 days na lang pasko na mga ka buddy!". Alam nyo ba na may 52 linggo sa loob ng isang taon? Na sa isang piano keyboard, 52 ang white keys? At kung tatanggalin ang Joker sa isang deck ng baraha, naglalaman na lamang ito ng 52 na cards? Limampu't dalawang araw bago magpasko. Dalawa o tatlong linggo makalipas ang araw na ito, mawawalan na ng saysay ang mga Christmas tree at tuluyan ng malalaos ang mga kantang may lyrics patungkol sa isang matandang nagngangalang Santa Claus at sa isang reindeer na may pulang ilong. Patuloy na iikot ang mundo sa araw kasabay ng iba pang mga planeta at magpapalit ng taon ang mga kalendaryo. Mabubuhay tayo sa kasalukuyan at uusad patungo sa hinaharap. At katulad ng mga raffle tickets na ibinebenta sa school na never ko pang ma-try manalo, compulsory po ito. Subalit iba ang kaso ni Cyan; May 22, 2013 ng hulihin siya ng matinding kalungkutan at ikulong sa rehas ng nakaraan. Ito kasi yung araw na nawala si Arwen, yung babaeng may hawak nung gitara; yung babaeng masaya kahit nakakulong sa apat na gilid ng picture frame. Yung babaeng patuloy na nabubuhay sa mga alaala niya. Yung dahilan kung bakit di ko magawang iwananan siya.

The Girl Painted in sepiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon