Forever i: James

1K 29 0
                                    

Nandito ako sa park kung saan kami huling nagkita ng boyfriend ko, pagkikita na humantong sa paghihiwalayan. Akala ko pangkaraniwang paghihiwalay lang 'yon dahil gano'n naman kami, patay-sindi na parang ilaw lang.


Pero pagkatapos naming mag-away sa walang katuturuang bagay ay naghiwalay kami. Gusto ko siyang habulin nang mga oras na 'yon pero mas pinanaig ko ang pride dahil alam kong hindi ako ang mali sa aming dalawa.


Pero dahil mahal na mahal ko siya kaya hinabol ko rin, ngunit huli na... naaksidente siya sa mismong harapan ko. Kitang-kita ng dalawa mata ko na nasagasaan ng isang humaharurot na sasakyan ang pinakamamahal ko, ang taong tumanggap sa akin ng buong-buo. Nakita ng dalawang mga mata ko ang kaluluwa ng kasintahan ko na nakatingin sa nakahandusay niyang katawan. Tumingin siya sa akin nang malungkot at humingi ng pasensya.


Siya... siya ang pinaka-nakakatakot na kaluluwa na nakita ko sa buong buhay ko. Siya na pinakamamahal ko ang pinaka-ayaw kong makita sa gano'ng ayos. Gusto kong sabihin sa kanya na bumalik siya sa katawan niya, na mabuhay siya ulit. Pero alam namin pareho na hindi na maaari 'yon dahil pumanaw na siya.


Bukod sa pamilya ko ay siya lang itong tumanggap sa akin kahit hindi ako pangkaraniwang tao. Isa ako sa mga taong bukas ang third eye. Siya lang ang hindi natatakot kapag sinabi ko na may ibang nilalang kaming kasama at tinatawanan lang ako kapag nagugulat ako sa t'wing may lumalabas na ibang kaluluwa sa harapan ko na ako lang ang nakakakita.


Sa kabila ng kakayahan kong makakita ng mga kaluluwa ng tao ay hindi niya ako iniwasan. Hindi niya ako kinatakutan. Hindi ko inaasahan na ang lalaking tulad niya na matatakutin sa gano'ng mga bagay ay magagawa akong samahan at pagtiisan.


Pero wala eh... wala na siya, wala na ang taong pinakamamahal ko.


Napatingala ako sa langit. Naramdaman ko na nagsisimula na namang mag-init ang mga mata ko. Ayoko nang umiyak dahil iyon ang pinangako ko sa kanya bago siya mawalan nang tuluyan sa akin.


***


Umiiyak ako habang nakasakay ng ambulansya, nakatingin sa duguang katawan ng boyfriend ko. Habang naka-upo sa tabi ko ang kaluluwa niya. Alam niya na nakikita ko siya pero hindi niya ako kinaka-usap. Tila ba hindi rin siya makapaniwala na nakikita niya ang katawang lupa niya sa mismong harapan niyang walang malay.


Kahit alam kong luhaan na ang mga mata ko ay tiningnan ko siya, ang kaluluwang nasa tabi ko. "Bakit ang daya mo? Akala ko temporary lang 'yong away natin kanina? Bakit naman nagpasagasa ka? Bakit mo naman ako iniwan ng tuluyan? Hindi ka ba naaawa sa akin? Hindi mo na ba ako mahal?" garagal na tanong ko sa kanya kasabay ng paghikbi.


Tumulo ang luha niya at niyakap ako, pero tumagos lang siya sa katawan ko. Lalo akong napa-iyak dahil kahit ang hawakan ako ay hindi na niya magagawa.


Sa pagkakataong 'yon ay tumulo ang luha niya. Niyakap pa rin niya ako kahit tumatagos ang kaluluwa niya sa katawan ko. Ang nararamdaman ko na ngayon ay hindi ang mainit niyang katawan kung hindi ay ang napakalamig na hangin na dumadampi sa balat ko.


"Uy Nicole, sorry na. Hindi ko sinasadyang iwan ka! Nagda-drama lang naman ako kanina nang iwan ka, pero matigas ka eh. Hindi mo man lang ako hinabol. Ang tigas mo talaga kahit kailan. Pinanindigan mo talaga ang mga sinabi mo na hindi mo ako hahabulin kapag umalis ako."


Napansin ko na pinagtinginan ako ng mga nurses na kasama namin sa loob ng ambulansya kaya umupo ako nang maayos at humarap sa katawan niyang nakahiga. "Tanga! Hinabol kaya kita pero bakit naman gano'n ang nakita ko? Bakit nagpasagasa ka sa walang kwentang kotse na 'yon? Dapat pumili ka ng mas mamahalin ah! Baka kahit pampagamot sa'yo ay hindi niya kayang bayaran!" sigaw ko sa kanya kahit nagmumukha na akong baliw sa mga nurse. "Baka kahit pampalibing ay hindi niya kayang ibigay sa 'yo," mahinang sabi ko. Ayoko man tanggapin pero alam ko naman ang mga nangyayari, sadyang masakit lang talagang tanggapin.


Chasing ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon