_________
Hindi ako makapaniwala na natapos ko na kaagad agad ang matagal ko ng pinipinta.
Masyadong napakadali talaga ng panahon at oras. Ni ayaw ko ngang matapos pa. Dahil alam kong mas maaalala ko na naman ang nakaraan natin. Yung araw na una palang kitang nakita. Yung mapang-asar mong ngiti. Yung mga matatamis na katagang binibitawan mo.
Yung sakit na hindi man lang tayo napagbigyan. At oo napakasariwa pa.
Pebrero 13. Yan yung araw na nakilala kita. Umuulan noon, at medyo madulas ang kalsada. At sa mga oras na yun nagmamadali ako dahil marami pa akong kailangang ihatid na mga bulaklak. Yun yung trabaho ko diba? at alam kong alam mo yun dahil madalas akong nagkukwento sayo.
At sa hindi inaasahan, muntikan pa kitang masagasaan noon. Nagtaka talaga ako noon kung bakit bigla bigla ka na lang sumulpot sa daan. Ni wala akong matandaan na may naglalakad na lalaki.
Sinigawan kita noon, sa sobrang inis dahil sa sobrang pagmamadali ko.
Imbis na pakinggan mo ako. Hindi ka umalis sa daan at nilagay mo pa ang kamay mo sa bulsa mo. Tandang tanda ko pa na natatakpan pa nga noon ng kulay pulang payong ang mukha mo. Kaya hindi kita makilala.
'Hoy lalaki! ano ba?! Kung gusto mong makipaglokohan, maghanap ka ng iba na kayang sakyan ang trip mo. Kaya utang na loob tumabi tabi ka na!' yan yung sabi ko sayo.
Tinaas mo ang payong mo noon at tiningnan ako ng diretso. Nakakunot ang noo mo pero agad namang napalitan ng mapanglokong ngiti.
'Kakaiba tong lalaking 'to'yan yung nasabi ko sa sarili ko ng makita ko na ang mukha mo.
Oo aaminin ko, para ka talagang diyos na bumaba sa lupa para hanapin ang isang mortal na katulad ko at ipakilala sa nanay mong si Aphrodite.
Lumapit ka sakin at dumungaw sa bintana.
'Sa wakas nakita rin uli kita.Ligaya'
Yan yung sinabi mo na paulit ulit na bumubulong sa isipan ko noon.
Uli?Ligaya?Hindi kita maintindihan. Ibig sabihin kilala mo na ako, dati pa?
Lumipas ang maraming araw. May mga bagay na hindi ko na maintindihan. Madalas na kitang makita kahit saan ako mapunta. Minsan nahuhuli kitang nakamasid sa kinaroroonan ko at kumakaway pa. Minsan nawawala rin ng pabigla bigla.
Una akala ko guni-guni ko lang ang lahat ng 'to. Pero isang araw. Bigla bigla nalang may nagsalita sa utak ko. Boses lalaki. Alam kong hindi naman yun galing sa mga iniisip ko.
Kaya napaisip ako. May kakaibang nangyayari talaga sakin.
Napagpasyahan kong kausapin ka. Sa dating tagpuan kung saan palagi kitang nakikita. Nilapitan kita noon para maliwanagan ako at dahil sa tingin ko ikaw lang ang makakasagot.
Tumawa ka pa nga noon at sinabi sakin ang mga bagay na mas lalong nagpagulo sa utak ko.
'It's the matter of love, sinadya ko talagang magpakita sayo'
Hindi na naman kita maintindihan. Sa isip ko siguro may sayad ka na sa pag-uutak pero dahil sa nararanasan ko,naiisip ko rin na hindi 'to pangkaraniwan. Kakaiba, at baka totoo rin nga.
Para maunawaan ko ang lahat napapadalas narin akong napapadpad sa lugar kung saan kita laging nakikita. Sa dating pwesto kita kung saan lagi kitang nadadatnan na nakaupo sa tabi ng puno at ipinapaliwanag ang mga bagay na hindi ko maintindihan.
Kinukumbinsi mo ako palagi na ikaw talaga si Eros ang anak ni Aphrodite na pinarusahan at ibinaba sa lupa upang magdusa. Hindi ako naniwala sayo dahil hindi naman yun totoo at baka nagbibiro ka lang. Iiwasan na sana kita noon kaso medyo napalapit na rin ako sayo. At naging komportable na ako kapag kasama ka, na pakiramdam ko mapagkakatiwalaan kita.