IKAAPAT NA KABANATA : ANDI PAGASPAS AT ANG KWINTAS.

162 3 0
                                    

ANDI PAGASPAS AT ANG KWINTAS.

Oktubre taong kasalukuyan. Magaanim na linggo na mula noong masaksihan ni Andi ang pinaka-tatakutan niyang pangyayari sa tanan ng kanyang buhay. Sa unang pagkakataon ay nakakita siya ng mga bagay na di' niya aakalaing totoo at hindi niya rin lubos maisip na nagawa ng kanyang katawan na patayin ang kaibigan.

"Bakit mo pa ako binuhay Carita?" Madalas niyang kausapin si Carita. Halos araw-araw na ginawa ng may-kapal ay ito ang kanyang bukam-bibig. Minsan naman, sinusugatan niya ang kanyang sarili at ginagawa itong tinta para isulat sa ding-ding ang lahat ng mga nangyari sa loob ng bahay. Ang sinupa niyang bahay kung saan pagala-gala ang kaluluwa ng di' matahimik na si Carita. Gustong-gusto ni Andi na makita ang nilalang na sumanib sakanya. Marami siyang gustong itanong. Maraming gumugulo sa isipan niyang hindi masagot.

"Bakit mo ba ako dinamay sa kalokohang ito Carita? Patayin mo nalang din ako!" Tulala ang kanyang mukha habang sinasabi ang mga salitang iyon. Nakaupo na naman siya sa malamig na sahig ng kwarto at tinititigan ang kwentong isinulat niya sa ding-ding.

Parang bilasang isda na ang itsura ni Andi mula ng ipasok siya sa pagamutan ng mental. Halos wala ng laman ang kanyang katawan dahil sa di' niya pagkain ng maayos. Dagdagan pa ng mga gamot na pilit na pinaiinom sakanya para daw siya ay gumaling.

Ang katawan ni Andi ay nabalot ng puting tela. Manipis na telang nagpapalamig sakanyang gabi. Kapag umaga, pinaiinom siya ng doktor ng tableta at dinadala sa paliguan. Kung tanghali naman ay binabalik siya sa kwarto para kumain hanggang sa mag-alas dose na ng tanghali. Oras ng paglabas at pagpapahangin. Sa oras na ito niya nakikita ang kapaligiran. Ang mga kasama niya sa pagamutan na maituturin talagang baliw. May mga pasyenteng kinakausap ang sarili at maya-maya'y magagalit na tila may kaaway. Biglang sasapakin ang sarili at iuuntog sa puno o pader. Mayroon namang pasyente na lakad lang ng lakad at kapag pinaupo ay nagagalit. Magsasalita na ng mga bagay na puros kawirduhan.

Noong nakaraang araw nga ay sinaway ng isang pasyente ang lalaking lakad ng lakad. Pilit niya itong pinaupo kaya nagawa siyang itulak ng lalaki at sinabing, "Ikaw ang susunod na mamamatay." Dinuruan niya ito ng daliri na may panlilisik ng mata. Muli itong naglalakad habang may binubulong.

"Ako ang tagabantay. Kapag tumigil ako sa paglalakad ay may isang mamamatay." Mga salitang tumaliling sa tenga ni Andi nang dumaan ang lalaki. Kinilabutan siya sa mga pinagsasabi nito kaya hinayaan nalang niyang umalis.

Sa upuan na kahoy kung saan siya laging nakaupo kapag hapon, doon niya pinanood ang lahat ng pasyenteng may sira sa pagiisip. Sa upuan ding yoon niya iginuguhit ang araw ng itinagal niya sa pagamutan. Madami-daming guhit na rin ang mga naisusulat niya kasindami ng mga naranasan niya.

Matapos kumuha ng bato at gumuhit ng isang linya sa kahoy na upuan, bigla nalang naging magulo ang lahat. Huminto ang lalaking lakad ng lakad at pinanuod ang sumaway sakanya kanina na mamatay. Namatay nga ang babae! Totoo nga yata ang sinasabi ng lalaki ng kapag huminto siya ay mayroong mawawalan ng katawang lupa. Nagkagulo ang lahat ng mga nurse at doktor. Napatakbo sila sa babaeng nangingisay na parang may epilepsy. Kapansin-pansin ang pagngiti ng lalaki at nagpatuloy na muli ito sa paglalakad.

"Mga baliw lang sila." Bilin niya sa sarili. Pero may parti ng kanyang katawan na gusto niyang maniwala sa pamahiin ng lalaki. Kung totoo, sino ang susunod? Isa kaya ako sa nakahilerang mamamatay? O baka naman dahil sa pinigilan siyang magpatuloy sa paglalakad kaya naisipan na niyang wakasan ang buhay at paghihirap ng babaeng may tililing.

Sa sobrang kaba ay napatayo si Andi sa kinauupuan at nagtago sa likod ng puno na sinasandalan ng kahoy na upuan. Muli na naman niyang naramdaman ang takot habang nakikita ang babaeng baliw na naghihingalo. Bumabalik sakanyang isipan ang pagkamatay ng apat niyang kakilala. Ang trahedya ng nakaraan na pilit pa rin siyang ginugulo.

Perfectly EngravedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon