Chapter 1

690 26 9
                                    

Six years ago...

Grade VI: Section A (Room 204)

"Putok sa buho! Putok sa buho! Putok sa buho!"

Nagsisigawan na naman ang tropa ni Kiko. Hobby na nila ang asarin ako tuwing umaga. Putok sa buho yan ang tawag nila sa akin. Pero kasalanan ko ba kung walang asawa ang nanay ko?

Sabi ni Nanay, patay na daw ang tatay ko pero nang marinig ko si Nanay na kausap ang tita ko na nasa Maynila, doon ko nalaman na nabuntis pala si Nanay at tinakasan ng sinumang tatay ko.

"Manahimik nga kayo! Nandyan na si Mam!" banta ko sa kanila.

"Eh ano ngayon kung dumating si Mam?! Putok sa buho ka pa rin! HAHAHAHAHA!" Mas lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagtawa hanggang sa tumawa na lang din ang iba ko pang mga kaklase. Tumungo na lang ako. Hangga't maaari ayoko na silang pansinin dahil sanay na naman ako sa mga patutsada ng barkada ni Kiko pero naramdaman ko pa ring may tumulo mula sa mga mata ko.

"Avie, dapat masanay ka na. Avie, wag mo silang pansinin. Avie wag mo silang pakinggan." bulong ko na lang sa sarili ko. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko dahil alam kong walang ibang gagawa nito para sa akin. Wala naman kasing gustong makipagkaibigan sa isang putok sa buho na katulad ko.

Biglang tumigil sa pagtawa ang mga kaklase ko dahil pumasok na sa room ang adviser namin. Kinusot ko ang mata ko para matanggal ang mga namuong luha dito.

"Good Morning, Mam! Jesus Loves You!" tumayo kaming lahat para batiin siya dahil simula na ng ikalawang linggo ng klase ngayong school year. Napansin kong may kasama siyang batang lalaki.

Sino kaya siya? Mukha siyang mayaman dahil sa tangos ng ilong niya tapos maputi at makinis pa ang balat niya. Samantalang ako, kayumanggi dahil malapit lang ang bahay namin sa dagat. Kahit suot niya ang uniporme namin, mukha pa ring malinis at mayaman ang dating niya.

"Good morning, class! Ngayong umaga, mayroon kayong bagong kaklase. Sige iho, magpakilala ka na." wika ng adviser namin.

"Hi classmates," bati nito at kumaway pa, "Ako nga pala si Jordan, kadadating ko lang dito galing Maynila. I hope we will all be good friends."

"Ang cute naman ni Jordan." Narinig kong sabi ni Sheena mula sa aking likuran. Siya ang class muse namin.

"Jordan, san ka nakatira?" tanong ni Eddie, ang class president namin.

"Nakatira kami doon sa bahay katabi ng simbahan." sagot ni Jordan.

"Ibig mong sabihin yung malaking bahay dun sa tabi non?" tanong muli ni Eddie. Tumango naman si Jordan.

"Oh! Pang-mayaman yon di ba? Eh bakit ka pumasok sa public school?" usisa ni Nicole, ang numero unong tsismosa sa klase namin.

"Secret!" diretsong sagot ni Jordan at napatawa na lang ang buong klase maging ako.

"Oh, mga bata may itatanong pa ba kayo sa kanya? Baka naman gusto na ninyong paupuin na siya." wika ng adviser namin. Tumahimik na ang buong klase. Napatingin naman ako kay Jordan at nabigla dahil nakatitig siya sa akin.

Saglit lang, sa akin nga ba?

Napatingin ako sa likod ko at nakita ko si Sheena na may kinukuha sa kanyang bag. Ah, baka kay Sheena nakatingin. Nabigla na lang ako nang sa bakanteng upuan sa kanan ko siya umupo.

"Ay, kay putok sa buho pa tumabi!" bulalas ni Kiko at pigil ang pagtawa ng tropa nito.

"Mam, ano po yung putok sa buho?" tanong ni Jordan ng marinig sina Kiko.

Napangiti na lang ako. Mabuti na lang hindi niya alam dahil siguro kung alam niya umalis na siya sa tabi ko.

"Kiko, ano ba yang sinasabi mo? Niloloko nyo pa rin ba si Avery?" tanong ng adviser namin.

LIFE LESS THAN PERFECTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon