CHAPTER 1

4 0 0
                                    

ISANG NAPAKASILAW NA SINAG NG ARAW ang sumalubong sa akin nang ako'y gumising sa ikatlong linggo ng bakasyon. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit gustong-gusto ko ang bakasyon sa tag-araw. Malaya akong gumigising na hindi nariring ang tunog ng aking alarm clock. Hindi na rin ako napapagod dahil wala nang mga takdang-aralin at mga proyektong dapat gawin. Sa ibang salita, walang problema. Ang plano ko sa araw na ito ay sisimulan ko na ang pagbabasa sa bagong librong nabili ko. Nang nasa bookstore ako kahapon at nakita ko ang libro, binasa ko ang banghay nito na nasa likod. Naging interesado ako dahil ito ay tungkol sa isang bampirang nagngangalang Caius. Siya ay nabighani at umibig sa napakagandang dilag na si Amara. Si Zaius ay may kapangyarihang magmanipula ng isipan ng tao, ngunit hindi niya ito magawa kay Amara, kaya sinubukan niyang kaibiganin ang dilag upang ito'y mapatay dahil siya'y nanghihina kapag hindi tumatalab ang kanyang kapangyarihan sa tao. Nang umabot sa puntong naging matalik silang magkaibigan, akala niya'y magagawa na niyang patayin ang dilag, ngunit siya'y nabigo sapagkat nahulog ang kanyang loob kay Amara at habang lumilipas ang panahon, unti-unti na niyang nakakalimutan na siya ay isang bampira na pumapatay ng tao at gumagawa ng kasamaan. Dahil kay Amara, natuto siyang magmahal ng tunay at higit sa lahat ay nakilala na niya ang Poong Maykapal. Tatlong taon silang naging magkasintahan bago nalaman ng Volturi ang kanilang relasyon. Ang Volturi ay ang pagtitipon ng mga pinakamakapangyarihang bampira na may sinasambang tatlong diyos na si Marcus, Aro, at Nimbus. Sila ang tagagawa ng batas ng mga bampira at kung sinuman ang lalabag sa batas nila'y paparusahan o papatayin. Ipinagbabawal nila na ang pagmamahalan ng isang bampira at isang tao, kaya hinanap nila si Zaius upang patawan ng kaparusahan. Nang nalaman ni Zaius na ipinapahanap siya ng mga makapangyarihan, agad niyang itinago si Amara sa napakalayong lugar upang hindi siya matunton ng ibang bampira at tumungo na siya sa templo ng Volturi. Isinuko niya ang kanyang taglay na mga kapangyarihan upang makapakasalan niya ang minamahal niyang si Amara. Hindi naman ako hilig sa mga libro tungkol sa pag-ibig. Binili ko lang ang librong ito dahil sabi ni Veronique sa akin na magpapalabas daw ng isang pelikula sa susunod na buwan at ang librong ito ang gagawing basehan. Si Veronique ang matalik kong kaibigan na nag-aaral sa Sivan Scholasticus University. Magkaiba kami ng pinapasukang paaralan, ngunit walong taon na kaming magkakapitbahay sa Empyrean Hills at magkaibigan rin ang aming mga magulang. Parati kaming magkasama tuwing bakasyon. Marami na rin kaming mga alaalang nabuo at naipon. Bukod sa aking ina at nakababatang kapatid na si Saskia, si Veronique lang ang tanging kaagapay ko mula pa noong una. Nakahiga pa rin ako nang may kumatok sa pinto. Agad akong bumangon sa higaan upang buksan iyon.

"Margaux," tawag niya habang naglalakad pa ako patungo sa pintuan. Malayo kasi ang aking higaan sa pinto dahil hindi lamang ito ang nasa loob ng kuwartong ito. Nandito rin ang aking malaking walk-in closet, ang liguan, at ang aking sariling maliit na sala na kung saan ako gumagawa ng mga importanteng gawain. "Gising na, anak. Paborito mo ang niluto ni Yaya Theresa." Nang narinig ko ang sinabi ni Mommy, nagmadali akong lumabas. Hindi ko namalayang gutom na gutom na pala ako. Anong oras na ba? Tanong ko sa aking sarili. Tiningnan ko ang wall clock. 8:16AM. Naku, kaya pala sumasakit na ang tiyan ko. "Good morning, Mommy," bati ko sa kanya nang binuksan ko ang pinto sabay halik sa pisngi. Ang kintab ng ngiti ng aking ina. Para sa akin, siya ang pinakamagandang babae sa buong mundo. Mahal na mahal ko talaga si Mommy. "Good morning. Ang ganda naman ng anak ko," sabay haplos niya sa aking mukha. "Syempre naman, Mommy. Mana sa 'yo, e!"

Pumasok na kami sa home elevator ng aming bahay para bumaba sa ground floor. Oo, may elevator dahil sa isang 5-storey mansion kami nakatira. Nang-aamoy chicken curry sa kusina. Nasa hapag-kainan na ang buong pamilya; si Daddy Trystan, si Saskia, at ang bunso naming si Jax. Ako nalang pala ang hinihintay nila. "May niluluto pang sauteed shrimp at cranberry glazed pork si Yaya," nakangiting sinabi ni Saskia. "Paborito mo." Umaga pa, pero ang rami nang nilulutong pagkain ni Yaya Theresa. Araw-araw parang may okasyon dito sa amin. "Wow, mahal na mahal talaga ako ni yaya," sabi ko sabay yakap sa kanya habang siya'y nagluluto. "Upo ka na, anak," hinila ni Daddy ang aking upuan. Ang daming pagkain. May sizzling fish, lobster meat, calamari, roasted beef, Italian style spaghetti, macaroni soup, at napakaraming desserts. Pasko na ba? Kulang nalang talaga hamon at quezo de bola, e. "Magdasal na tayo, 'nak," sabi ni Mommy kaya umupo na ako at sinimulan na ang pagdarasal. "Mahal na Ama, maraming salamat po sa araw na ito. Nawa'y patnubayan niyo po kami sa lahat ng gagawin namin at panatilihin niyo po kaming ligtas. Salamat po sa pagkain na iyong ibinigay sa amin. Nawa'y makakatulong ito sa pag-ambag sa aming kalusugan. Lahat ng ito'y hinihingi ko sa ngalan ni Hesus. Amen."

Pagkatapos naming kumain, bumalik na ako sa aking silid upang maligo. Muli akong sumakay sa elevator. Nang pumasok ako, hindi ko alam kung totoo ba iyon o nagmamalik-mata lang ako, pero may nakita akong maitim na ulap na lumabas galing elevator. Ang aga namang gumising ng multo dito, sabi ko sa aking sarili. Tumitindig na ang mga balahibo ko. Nasa second floor lang ang kuwarto ko, pero ang tagal bumukas ng elevator. Ah! Ang bagal naman ng elevator na 'to! Paulit-ulit kong pinindot ang button ng second floor. Kinakabahan na ako. Hindi ko kakayaning ma-trap dito. Mahihimatay talaga ako. Pinindot ko na naman ang button, pero hindi pa rin bumubukas. Bakit ba hindi ko dinala ang cellphone ko? Hindi ko matatawagan sina Mommy. Hindi na ako makakalabas dito! Nawawala na ako sa sarili ko. Nawawala na ang liwanag. Unti-unting dumidilim ang aking paningin.


Minsan Sa Isang IslaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon