CHAPTER 2

3 0 0
                                    

"GISING NA SIYA, MOMMY! DADDY!" sigaw ng isang bata. Dumilat ako at nasilaw sa napakaliwanag na ilaw. Nasaan na ba ako? "Margaux," may halong lungkot sa kanyang boses. "Margaux, anak," hinahaplos niya ang aking mukha. "Anak, okay lang ba, anak?" unti-unti ko nang nasisilayan ang mukha ng aking ina, umiiyak siya. "Mommy," sambit ko. "Inom ka muna ng tubig, anak." Dahan-dahan akong bumangon at uminom ng tubig. "Kamusta ka na, 'nak? Halos tatlumpu't anim na oras ka nang natutulog mula pa kahapon. Mabuti na ba ang pakiramdam mo?" Hindi ko kayang paniwalaan ang sinabi ni Mommy. Tatlumpu't anim? Ang naaalala ko lang ay may nakita akong itim na ulap galing sa elevator tapos hindi ako makalabas dahil hindi bumubukas ang pinto, tapos bigla na lang dumilim ang paningin ko. "Okay na po ako." Nahihilo pa rin ako, ngunit ayaw ko nang maabala si Mommy. "Ano bang nangyari sa 'yo sa elevator? Bakit ka ba nawalan ng malay?" tanong niya. Hindi ko na gustong ibahagi sa kanya ang pangyayaring 'yon kasi hindi naman 'yon malaking isyu para sa akin. Baka imahinasyon ko lang ang nakita kong itim na ulap. "Bigla lang po akong nahilo." May kumatok sa pinto ng aming mini-clinic. Pumasok si Daddy kasama si Saskia at Jax na nagdadala ng mga tray na may maraming prutas. "Kain ka muna, anak," sabay halik ni Daddy sa aking noo. "Sasabayan ka namin, Ate Margaux."

Gabi na pala. Nakikita ko na ang sinag ng buwan. Full moon. Sabi nila, kapag kabilugan daw ng buwan, lumalabas ang mga nakakatakot na nilalang o mga multo. Ano ba 'yang iniisip mo, Margaux? Itinapon ko ang diwa na iyon at kumain na ng mansanas. "Mas mabuti kung dito ka muna matutulog, anak," payo ni Mommy. "Para mabantayan ka ni Nurse Ellie kung sakaling mahilo ka ulit." Naku, paano na 'to? Baka makita ko na naman ang ulap na 'yon. "Okay po." Natatakot pa rin ako, ngunit kailangan kong maging matapang para sa aking sarili. Pinatay na ni Mommy ang ilaw. Si Nurse Ellie naman ay nasa kabilang silid natutulog. Nag-iisa lang ako sa clinic. Nanghihina pa rin ang buong katawan ko, ngunit hindi pa rin ako makatulog. Tumago ako sa makapal na kumot upang maiwasan ko ang sinag ng buwan. Lalo lamang itong bumibilog. Tick tock, tick tock, tick tock. Tumatakbo ang oras.

2:29AM. Lumalamig ang buong paligid. Hindi ko na kaya 'to. Gustong-gusto ko nang magpahinga, ngunit hindi ako komportable sa higaan. Inabot ko ang telepono na nasa gilid na mesa at tinawagan si Nurse Ellie. Tatlong beses itong nag-ring at biglang naputol, kaya sinubukan kong i-dial ulit ang numero. Sa pang-anim na beses kong tawag, sinagot na niya ang telepono. "Nurse Ellie, pasensya na po kung naistorbo ko kayo." Hindi siya sumagot. "Nurse? Hello, po? Naririnig n'yo ba ako?" Parang walang tao. Ibinaba ko ang telepono at tiningnan ulit ang home directory namin. Baka mali ang natawagan ko. NURSE'S ROOM: 446-7875. Tama naman ang nai-dial ko. Dahan-dahan kong pinindot ang bawat numero para hindi ako magkamali. Ring, ring, ring... "Hello, hija. May kailangan ka ba?" Nang marinig ko ang boses ni Nurse Ellie sa kabilang linya, nakahinga ako ng maluwag. Hay, salamat. "Nurse, maaari n'yo po ba akong samahan dito? Hindi po kasi mabuti ang aking pakiramdam." Nahihiya ako. Para akong isang batang natatakot matulog dahil hindi nakasindi ang ilaw. "Pasensya na po talaga sa istorbo." 2:42AM. "Walang problema, hija. Babantayan kita d'yan. Ititimpla muna kita ng gatas sa baba para makatulog ka na ng maayos." Gusto ko siyang pigilan. Hindi ko kailangan ng gatas, kailangan ko ng kasama sa silid na ito. "Sige po, Nurse Ellie. Maghihintay po ako dito."

2:57AM. Hindi naman siguro siya matatagalan sa pagtimpla ng gatas. Baka nakatulog si Nurse Ellie, kaya nagdesisyon akong bumangon at puntahan siya sa kabilang silid. 2:58AM. Namamanhid ang buong katawan ko. Hindi ko maramdaman ang aking mga paa't kamay. 2:59AM. May naririnig na akong mga hakbang patungo sa clinic. Malapit na siya sa pinto, kaya hindi ko na lang sinubukang bumangon. May nakikita akong anino ng mga paa. Natitiyak kong si Nurse Ellie na ito, ngunit huminto siya doon. "Nurse? Hindi po naka-lock ang pinto. Maaari na po kayong tumuloy." Nakatitig ako sa kabilugan ng buwan habang binibigkas ko ang mga salitang iyon. Nakakatakot. Nanlilisik ang mga mata ng buwan. Tila nagagalit ito dahil tinitigan ko siya. 3:00AM. Dahan-dahang bumukas ang pinto. "Margaux, hija, gising ka pa ba?" Nurse Ellie. Salamat sa Diyos, nandito na siya. "Nurse." Kahit nanghihina ako, pinilit ko pa ring ngumiti. "Paumanhin, hija. Natagalan ako. Ayaw kasing gumana ng heater, kaya pinaandar ko nalang dispenser at naghintay ako hanggang uminit na ang tubig," paliwanag niya. "Okay lang po, Nurse. Akala ko nga po na nakatulog kayo pagkatapos ng pag-uusap natin sa telepono dahil baka napapagod pa po kayong bumangon. Naiintindihan ko naman po 'yon. Madaling araw pa kasi, tapos buong araw pa po kayong nagtatrabaho." Nagpapasalamat pa rin akong nagtiyaga si Nurse Ellie na puntahan ako doon sa mga oras na iyon. Tumawa siya ng kaunti at tumabi sa akin. "Hindi naman, hija. Siyempre, alam ko ang aking trabaho. Responsibilidad kong alagaan ka kapag nagkasakit ka." Napansin niya siguro na hindi pa rin ako nakakagalaw. "Kamusta na ba ang pakiramdam mo? Inumin mo muna 'tong itinimpla kong gatas." Sinubukan ko na namang bumangon, ngunit manhid pa rin ang buong katawan ko. "Nurse, maaari n'yo po bang patayin ang aircon? Ang lamig po kasi. Hindi na ako makagalaw." Kumunot ang kanyang noo, sabay tingin sa air conditioner. "E, nasa 29 degrees celsius lang naman ang temperatura ng aircon, hija." Talaga? Pero bakit napakalamig? Dinampo niya ang akong leeg upang maramdaman niya ang temperatura ng aking katawan. "Naku, hija. Ang taas ng lagnat mo! Teka, ikukuha kita ng gamot." Nagulat si Nurse Ellie at agad niyang binuksan ang malaking cabinet na may nakapaloob na mga drawer kung saan nakalagay ang mga gamot para sa mga karaniwang sakit. 3:07AM. Nakatitig ako sa bintana nang biglang may itim na bagay na tumagos doon. Ang itim na ulap. "Hija, wala akong makitang gamot para sa lagnat dito," nag-aalala niyang sinabi. "Baka nasa kabilang silid. Kukunin ko muna, ha? Magmamadali ako." Tumango lamang ako sa kanya at pinilit na itago ang nararamdaman kong kahinaan. 3:10AM. 3:14AM. 3:17AM. Hindi ko na kaya. 3:19AM. "Margaux, hija." Tinatapik niya ang aking mukha. "Hija, inom ka na ng gamot, hija." 3:20AM. "Ang taas na ng lagnat mo. Tatawagan ko si Ma'am Zahara." 3:21AM. Nasa likod niya ang itim na ulap. "Nurse Ell- may itim na u-" Dumidilim na ang paligid. Nawawala na ang aking paningin. 3:22AM. "Sa likod niy-"


Minsan Sa Isang IslaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon