Madilim na ng natapos ang usapan naming tatlo nila Sir. Madali akong nag-ayos para humabol kina Daren.
"Saglit lang Jairus, pwede?" hingal na paghabol sa akin ni Cearo. Siyempre, di ko na lang pinansin.
*Baka wala na akong maabutan, sana di pa tapos maglaro sina Daren.*
Napatigil ako sa walkathon ko nang biglang hawakan ni mokong yung kanang braso ko, aba nakahabol talaga to. "Jairus..."
Malakas na singhap ang isinagot ko sa kaniya. Humarap at pinakita ang pinakatamad kong mukha. "Cearo, kung wala ka namang magandang sasabihin, aalis na ako ha." Pinilit kong hilain pabalik ang aking braso para makaalis na pero mahigpit niya itong hawak.
"Wala ka man lang bang sasabihin sa akin? Magalit ka. Saktan mo ako. Okay lang." napakawirdo talaga ng mongoloid na to. Nagdadrama nanaman.
"Sus, okay lang yun. Hayaan mo na, maliit na bagay." bakit ba ayaw pa akong pakawalan na ulol na to. "Kita na lang tayo sa Sabado."
"Bakit ka ba nagmamadali?" pinilit ko pa ding ibitaw ang braso ko sa mahigpit na pagkakahawak nitong mokong na 'to.
"Bitawan mo na nga ako Cearo. Kailangan ko nang umalis at baka wala pa akong maabutan. Kanina pa ako hinihintay nila Daren." pagmamaktol ko. Bakit ba ang kulit kulit ng taong to.
"Maglalaro ka nanaman? Ano bang napapala mo diyan sa DOTA na yan?" biglang galit niya.
"Cearo, yung braso ko. Pakibalik." sabay turo ko sa kamay niya.
"Umuwi na tayo." utos niya.
"Anong uwi ka diyan? Di naman tayo nakatira sa iisang bahay." pagtutol ko. "Lagi naman akong umuuwi ng late, kaya bitawan mo na ako. Please." pilit ko pa ding binabawi ang braso ko sa pagkakahawak niya.
"Hindi pwede." at mas hinigpitan pa niya ang paghawak sa akin.
Aba! "Anong hindi pwede? Hinihintay na ako nila Daren." Kung di pa ako bibitawan nito baka magkapasa ako bukas. Nubayan.
"Tinexan ko na sila, sinabi kong ihahatid na kita sa inyo." nakangiting pagsabi niya.
"Ano?! Bakit mo nanaman ginawa yun?"
"Umuwi na tayo Jairus. Sinabihan ako ni Tita Mommy, may overtime daw sila sa office kaya kailangan mong bantayan si Mengmeng sa bahay. Kaya tara na." dahan-dahan akong hinila ni Cearo papunta ng bike stands. Oo nga, nalimutan ko. Kailangan palang mag-overtime nina Mama ngayong week.
Di ko namalayang, isinusuot na pala ni Cearo ang bike helmet ko. Mabilis kong tinabig ang mga kamay niya at isinuot ng mag-isa ang helmet ko. "Wag mo nga akong binibeybi beybi ulet. Kaya kong isuot helmet ko ng mag-isa."
Nakangiti lang na tinatanggal ni Cearo ang kadena ng bike ko. *Saglit lang? Paano nito nakuha yung susi ng bike chain ko?*
"Kinuha ko sa likod ng bag mo. Kung saan mo laging nilalagay yung susi at pitaka mo."
"Sinasabi ko na nga ba, mando ka talaga eh." ibinigay niya ang bisekleta ko at umangkas na din siya sa bike niya.
"Uy! Tinititigan mo nanaman ako. Tara na!"
"Mukha mo!"
"Oh, uuwi na ba kayo mga ading?" si Kuya Lester, security guard sa school. Nasalubong namin malapit sa may gate.
"Opo manong, hinahanap na 'tong si Jairus sa kanila eh. Wala pang kasama yung ading niya. Kawawa naman." mabilis na sagot ni Jairus habang nag-aayos na din ng helmet at bag niya.
Kita mo 'to. Gawin ba naman akong masamang kuya.
"Ah, ganun ba? Sige, sige at nang di naman kayo masyadong gabihin sa daan. Ikakandado ko na din yung gate ng school pagkaalis niyo. Maglilibot-libot lang ako saglit at baka may mga nagtatago nanamang estudyante sa mga klasrum." ang sabi ni Kuya Lester habang unti-unting paalis.
******************************************************************
Habang binabagtas namin ang daan pauwi, biglang huminto si mokong sa harap ng isang ice cream shop. Bibili nanaman ng pansuhol kay Mengmeng.
"Hindi pwedeng kumain si Mengmeng ng matatamis ngayon. Wag mo ng ituloy yang binabalak mo." pagbabawal ko kay Cearo. Alam niya namang di pwede sa maasukal si Mengmeng bago matulog at hirap siya sa pagtulog.
"Tinanong ko si Tita Mommy, ok lang daw na kumain siya ng konti basta wag susobra. Di bale bibilhan din kita kaya wag ka ng magselos diyan." sagot niya habang kinakausap yung tindero.
"Yung matcha flavor."
"Opo, makakalimutan ko ba naman ang paborito mo." nakangiting balik ng tingin sa akin ni mokong.
"Antagal! Akala ko ba nagmamadali kang umuwi."
"Oh Jairus!" pagtawag sa akin ni Mang Jojo. "Wag kang mag-alala, bagong gawa lang yung paborito mo. Halika kasi dito at nang makita mo."
"Ah sige lang po Mang Jojo. Alam ko naman po na laging sariwa binibenta niyo kaya nga lagi kami dito. Eto naman kasing si Cearo, pinagmamadali akong pauwiin kanina tapos paghihintayin din pala ako."
Malakas na tawa ang sagot sa akin ni Mang Jojo. "Hayaan mo na, di ka na nasanay dito sa nobyo mo. Eh parati niya namang inuuwian ng pasalubong yung ading mo di ba."
Naramdaman ko ang biglang pag-init ng aking mukha habang malakas na humahalakhak ang mokong.
"Oh buti pa 'tong si Mang Jojo, alam kung bakit ko 'to ginagawa. Konting intindi naman mahal."
Kung nakakamatay ang matalas na tingin, kanina pa naging abo 'tong mokong na 'to. Humanda 'to sa akin mamaya.
"Oh siya. Ayan, tapos ko ng balutin lahat ng ice cream niyo. Binalot kong mabuti nang di naman malusaw sa daan." sabay abot ni Mang Jojo kay Cearo ang apat na baso ng ice cream.
"Binilhan ko na din si Tita Mommy para pag-uwi niya eh may makain naman siya."
"Napakamaaalalahanin talaga nitong nobyo mo Jairus. Ang swerte mo talaga dito."
"Hindi naman po, mahal ko lang talaga 'tong si Jairus. Lahat gagawin ko para sa kaniya." ang pang-aasar na saad ni Cearo habang nakangiting nakatitig sa akin.
Nginitian ko na lang si Mang Jojo at di na umimik pa. Ayoko namang gumawa ng eksena dito. Nakakahiya. Pag-uwi lang talaga namin!
"Sige po Mang Jojo, bukas ulet." pamamaalam ni Cearo. "Pakamusta na lang po kami kay Manang Pasing."
"Sige mga nakong, ingat sa pag-uwi!" nakangiting pamamaalam ni Mang Jojo habang kumakaway pa.
Nilingon ko na din at kumaway habang paalis kami sa tapat ng ice cream shop.
Bubuntalin ko na talaga 'to eh.
BINABASA MO ANG
Hagdan Patungong Wala
RomanceNalilito na si Jairus. Simple lang naman ang gusto niya, makatapos ng high school at enjoyin ang huling taon niya dito. Pero bakit kung kailan pa siya nagsenior high school, saka nagkandabuhol buhol ang buhay niya. Buhay nga naman.