Dedicated ito sa cyber mommy ko na si Mommy Jen! :*
Note: Pagpasensyahan niyo na. Bigala nalang itong pumasok sa utak ko.
___________________________________________________________
Simula ng naging parte ako ng mundong ito isang bagay lang ang itinatak ng mga magulang ko sa aking utak, "walang masayang katapusan."
Walang diwata na gagamit ng mahika para pakawalan ka sa hirap ng buhay na kinagisnan mo na.
Walang prinsipe na bubuhatin ka at dadalhin sa kanyang palasyo.
Walang mga mahiwagang bagay ang bigla na lang lilitaw sa harapan mo at tutulungan ka sa mga pangangailangan mo.
Walang paghiling sa mga bituin ang matutupad.
At higit sa lahat walang Diyos na naaawa sayo at laging nandyan para gabayan ka.
Wala ang lahat ng mga iyon.
Sabi nila, gawagawa lang daw yun ng mga mayayaman na walang magawa sa buhay dahil lahat ng kailangan nila ay abot kamay.
Ang mundo daw ay puno ng hirap at hinagpis.
Maraming masasamang tao ang pagalagala lang. Hindi mo alam baka isa na pala sa nakasalubong mo ang nakapatay na ng tao, o nagnakaw.
Sabi nila kailangan ko daw utakan ang mundo.
Kailangan kong mauna mag-isip, kailangan bago pa ito makaatake ay may panangga na akong nakahanda.
Kailangan ko daw maging tuso, kailangan sila ang walang malay sa mga gagawin ko.
Kailangan mulat na ang mga mata ko sa lahat ng karahasang masasaksihan ko pa lamang.
Ganoon ba talaga iyon?
Kailangan ko bang manlamang ng tao para hindi lang ako malamangan?
Kailangan ko bang pahirapan ang iba para lang hindi ako maghirap?
Kailangan bang bumagsak sila para lang hindi ako tumuba?
Kailangan ko ba talagang mauna para hindi ako maging kawawa?
Ganoon ba talaga ang kalakaran sa mundo?
Siguro nga totoo ang sabi ng mga magulang ko, dahil sa araw-araw na nilagi ko sa mundong ito ay iyon na mga bagay na nakikita ko.
Hindi ito tumitigil at patuloy lang sa pag-ikot, parang bilog na walang simula at walang wakas.
Hindi mo alam kung kailan, kanino o paano ito nagsimula at kailan to matatapos.
Kapag nakikita ko ang mga ito ay parang wala na sa akin.
Tinaggap ko na ang ganoong kalakaran.
Tatlong taong gulang palang ako ng pinakawalan ako ng mga magulang ko sa marahas na mundo.
Sinabihang kailangan kong magtrabaho dahil kung hindi ay wala akong kakainin.
Pinagpalimos nila ako sa kalye. Kalabit dito, kalabit doon.
Minsan uupo sa isang tabi at maghihintay ng lalapit para bigyan ako ng konting biyaya.
May mga taong sadyang bukal ang loob na bibigyan ako ng limos pero mas marami ang walang puso.
Itataboy ka, pagsasalitaan ng masama at kung mamalasin ka sasaktan ka ng walang habas.
Para sa konting perang makukuha ko tiniis kong lahat ng iyon, para may makain ako pagdating ng gabi.
Hindi lang sa kalye ako nakaranas ng bigat ng kamay.
Pati sa loob ng barong-barong namin mistulang manika lamang ako na sinasaktan ng walang habas ng mga magulang ko kapag wala akong naiuwing kahit sinko.
Suntok, sipa at sampal kung saan saan ang natatanggap ko.
Ang maliit kong katawan ay laging puno ng pasa, o mga sugat.
Pero anong magagawa ko isang hamak na paslit lang ako.
Wala akong laban.
Noong naging pitong taong gulang ako ay pagtitinda naman ng kung anu-ano ang pinasok ko.
Sampaguita, kandila, rosaryo o mga bulaklak sa harap ng simbahan.
Mga yosi at kendi sa terminal ng jeep.
Lahat ng pwedeng itinda ay tininda ko at lahat ng perang kinita ko ay inuuwi ko sa bahay.
Ayoko na ulit maranasan ang bigat ng kamay ng mga magulang ko kaya lagi akong kumakayod para magkapera.
Hindi rin ako maka-angal kapag hindi sa pagkain namin napupunta ang perang naiuuwi ko.
Sa sigarilyo at alak ng tatay ko o sa pagsusugal ng nanay ko nagagastos iyon.
Pero walang lumalabas sa bibig ko. Tahimik lang ako sa tabi at tinitiis ang kalam ng tiyan ko.
Umabot sa pagkakataon na hindi na sila kuntento sa kinikita ko at bumalik ang pananakit.
Sampung taong gulang na ako noon.
Wala na akong iba pang alam na pagkakakitaan pa kaya nauwi ako sa panggagantso.
Pangdurukot ng mga pitaka o alahas sa mga dumaraan sa kalye, pagkupit ng mga pagkain sa mga tindahan, at pangloloko sa mga mabubuting loob na gustong tumulong.
Minsan kapag napadaan ako sa harap ng eskwelahan galing sa kung saan ay naiingit ako sa mga estudyante na nakakapag-aral.
Hindi kasi ako pinayagan ng mga magulang ko na pumasok sa eskwelahan dahil wala daw kaming pera at wala daw akong mapapala roon.
Noong umabot ako sa edad na kinse, lumayas na ako sa amin.
Hindi ko na kinaya, sa labing limang taon kong nakatira doon puro sakit ng katawan at mura lang ang natanggap ko.
May nakilala akong tumulong sa akin para makahanap ng raket.
Hindi ko man nasikmura noong una ay wala na din akong nagawa.
Malaki ang kita doon at kahit kailan hindi ako nagutom.
Tuwing gabi ay nagkasya na lang ako sa pagkuskos sa katawan ko hanggang maramdaman ko na lang ang hapdi sa mga balat ko.
Dahil din sa napasukan kong trabaho at sa mga naging kasama ko dito, at para na rin magkalakas ako ng loob, ay natuto akong gumamit ng bisyo.
Ginagawang kendi ang sigarilyo at tubig ang alak.
May panahong gumagamit din ako ng droga.
Alam ko wala ng patutunguhan itong buhay ko.
Simula pa lang naman alam ko na, ito na ang kakahinatnan ko.
Sa marahas ng mundo ng kahirapan ay hindi na ako kailan man makakawala pa.
Ginawa na niya akong bilanggo, at kailan man ay hindi na niya ako pakakawalan pa.
Sana kung naging totoo lang ang mahika o ang Diyos na sinasabing gawa-gawa lang ng mga magulang ko, hihiling ako.
Hihilingin kong sana hindi na lang ako iniluwal ng mundo at ng hindi ko naranasan ang mga hirap na ito.
Na sana naging isang walang muang na kaluluwa na lang ako na pakalat kalat ng hindi ako nakaramdam ng sakit.
Sa kwento ng buhay ko tingin niyo ba karapat dapat pa ba akong tumuloy o dapat wakasan ko na itong paghihirap ko?
BINABASA MO ANG
Marahas na Mundo
Teen FictionAlam mo ba kung gaano karahas ang mundo na ginagalawan mo?