ONE

69 0 0
                                    


Ipinaikot-ikot ni India ang hawak na ballpen sa mga daliri niya. Ang isip niya ay naroon pa rin sa nangyaring meeting isang oras na ang nakakaraan.

India will come with me...

Nalukot ang mukha niya nang maalala ang sinabing iyon ni Daniel, sabay tingin pa sa kaniya. Wala na siyang nagawa kundi tumango. Na siyang ipinagmamaktol niya ngayon. Bakit ba sa tuwing napapatingin siya sa mga mata ng lalaki ay nawawala siya sa cycle.

"Oh, tulala ka d'yan? Kumusta ang meeting?"

Napatingin siya sa kaibigan at kasama sa trabaho na si Miriam, sabay buntong-hininga. "Disaster."

Itinukod nito ang braso sa cubicle niya. "Bakit? Hindi approved?"

"Approved naman. Kaya lang sasama ako sa location."

Ngumuso ito. "Eh, 'di ang saya. Ang boring kaya rito sa office. Saka idea mo naman 'yon, kaya malamang ikaw ang dapat naroon at---."

"Tara na, lunch break na. Sa kabila na lang tayo kumain," aniya na ang tinutukoy ay ang cafeteria na nasa harap ng Legacy Publishing.

Tumango na lamang ang kaibigan. Ito na rin ang nag-order ng makakain nila, malamang na nahalata nitong wala siya sa mood. Nang ilapag nito ang pagkain ay bahagyang lumiwanag ang mukha niya nang makita na may ginisang talong, ang paborito niyang gulay next to upo.

Nang mangalahati na sa kinakain ay tumingin siya kay Miriam na abala rin sa pagkain nito. Halatang nagutom at napagod, ang dami kasi nitong inasikaso kanina. Galing pa ito sa PEV, ang sister company ng Legacy, na isang commercial television network. Mayroon kasing promotion for their new short story collection at kasali ito sa mga writer niyon.

"Mir, ikaw na lang kaya ang sumama sa Gailan?" aniya sabay paawa ng mukha.

"Tigilan mo 'ko, India. Alam mo namang idea mo 'yon."

"Oo nga, pero iyon din pala ang gustong project ni Sir Dan, kaya siya raw mismo ang pupunta do'n, kasama ako."

Tumigil ito sa pagkain ng in-order nitong macaroni. "Ah, so... ayaw mo kasi kailangan mong samahan si Sir Dan sa Gailan?" Tumitig ito sa kaniya. "Tigilan mo na 'yan, unahin mo ang trabaho mo."

Napasimangot siya. "Alam ko. Ito naman, sa pagkakasabi mo parang napaka-unprofessional ko. Hindi lang talaga ako komportable, okay? Saka nakasama mo na sa ilang projects si Sir Dan, ako, hindi pa. Kaya mas magiging maganda ang project na 'to kung kayong dalawa ang nandoon. Isa pa, for television 'to, sa publishing lang ako." Tatlong taon pa lamang siya sa Legacy, samantalang ito ay nauna na sa kaniya ng dalawang taon at nakapag-trabaho na rin para sa PEV.

Natampal nito ang noo. "Ang ganda nga nito para sa 'yo, 'di ba? Magkakaroon ka na ng trabaho for PEV? Magkaka-experience ka na on television? Ikaw na ang napiling head writer for Ghost Files, which... may I remind you na ipapalabas na in six months."

"Oo nga, pero puwede namang huwag na lang akong sumama at---."

"At ikaw rin ang photographer for this one."

"Hindi ko naman kasi alam na si Sir Dan ang kasama ko."

"Ayan, balik na naman tayo kay Sir Dan, ang sabi mo naka-move on ka na? Sumumpa-sumpa ka pa."

Napasandal siya sa inuupan, nawalan na siya ng ganang tapusin ang natitirang pagkain sa plato niya, kaunti na lang din naman iyon. "Oo nga, at totoo iyon. Pero kasi..." she sighed. Wala na siyang mairarason pa. Ayaw din niyang magmukhang engot sa harap ni Miriam, alam nito ang storya niya at sinabi niya ritong naka-move on na siya at totoo naman iyon, kaya ayaw na niyang makipagtalo pa tungkol sa pag-alis niya papuntang Gailan para sa proyektong gustong-gusto niya.

Heart Lullabies:  LOOKING FOR -GHOSTS- LOVE (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon