TWO

14 0 0
                                    

"ONE SHEEP, two sheep, three sheep... hey, Macarena..." Napabuntong hininga si India sabay bangon mula sa pagkakahiga sa kama niya. Nilakasan niya ang aircon sa kuwarto niya. Gusto niyang mangaligkig sa lamig para makatulog na siya. Bumalik siya sa pagkakahiga, pero ilang minuto na ang nagdaan ay parang ayaw pa rin makisama ng utak niya. Parang may meeting pa sa loob niyon.

Kinuha niya ang isang unan at itinakip iyon sa mukha niya. Maaga pa siyang gigising mamaya para sa four AM flight nila ni Dan. Nang tingnan niya ang bedside clock niya ay malapit nang mag-alas dose ng madaling araw. Napabuntong-hininga siya at lumipat sa kaliwang bahagi ng kama niya.

Nang muli niya ipikit ang mga mata ay dumaloy lahat ng alaala noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Pinilit niyang itaboy iyon pero tinalo pa ang Iguazu Falls sa pagdaloy niyon.

"Might as well..." sumusukong wika niya.

NAMAMANGHANG iginala ni India ang tingin sa kabuuan ng Ives University. Isa iyon sa pinakamalaki at pinaka-respetadong unibersidad sa buong Pilipinas. Ni sa panaginip ay hindi niya inakalang makakatuntong doon. Pero hayun siya, nasa rooftop ng College of Arts building kung saan tanaw niya ang buong paligid. Matapos hangaan ang buong campus ay nagmamadali na siyang bumaba. Maagang natapos ang unang araw niya sa eskuwelahan. Nang tingnan niya ang suot na relo ay three thirty na ng hapon.

Patawid na siya sa kabilang building nang makita niyang palabas ng canteen ang kanina pa niya hinahanap. Hayun, sobrang guwapo sa suot na puting t-shirt at gray na pants. Kasama nito ang mga kaibigan nitong kilala rin niya ang mga pangalan, pero ang mga mata niya ay nasa isang lalaki lang--- kay Daniel James Lowel. Si Dan na parang sobrang lambot ng buhok, si Dan na matangkad, si Dan na magaling mag-piano, si Dan na may dalawang dimples, pero mas malalim ang nasa kaliwang pisngi, si Dan na palangiti, si Dan na palaging mabango, si Dan na sobrang guwapo, si Dan na... perfect na yata sa paningin niya.

"Hey," pansin sa kaniya ni Dan nang dumaan ang mga ito sa harap niya.

Huh? "H-Hi."

"India, right?"

Tumango siya.

"Buti na lang namukhaan kita, okay ka lang ba?"

Ngumiti siya, sana lang ay hindi tabingi iyon. "O-Oo. Okay lang."

"Mga kaibigan ko nga pala."

'I know. Alam ko halos lahat ng bagay tungkol sa 'yo.' Nais niyang matawa sa naisip, kung malaman lamang iyon ni Dan ay malamang na tawagin siyang creep o stalker. Pero alam din naman niya na hindi ganoon ang binata. Mabait ito. Ramdam niya na hindi ito katulad ng ibang mayayaman. Mana ito sa ama nito.

Nag-hi sa kaniya ang mga kaibigan nito at nagpaalam na. Isang napakagandang ngiti pa ang iniwan ni Dan para sa kaniya. Lihim siyang napailing. Hindi lohikal na sabihing para sa kaniya ang ngiting iyon dahil ganoon naman talaga ngumiti ang binata, warm at friendly.

Tinanaw niya ang papalayong binata. Malamang na magpa-praktis ang mga ito. He was in a band called Faded Jeans, high school pa lamang ang binata nang magsimula iyon. Nagpunta na rin siya nang palihim sa dalawang pagtatanghal ng mga ito. Ang mga kaibigan kasi niya noong high school ay gustong-gusto rin ang Faded Jeans.

Naglakad na siya palabas ng eskuwelahan, kailangan pa niyang tulungan ang nanay niya na tapusin ang mga nilalabhan nitong kurtina, nangako siya. Dala-dala pa rin ang saya na kinausap siya ni Dan. Hindi na siya nagtaka nang makilala siya nito. Isa ang tatay niya sa mga drivers ng ama nito. At nang magpunta siya sa mansiyon ng mga ito para personal na magpasalamat sa ama nito sa ibinigay sa kaniyang scholarship sa Ives University ay naroon ito at ipinakilala siya ng ama nito rito. Sandali pa itong nakipagkuwentuhan sa kaniya at sinabing Business Administration din ang kukunin nitong kurso. Naaalala pa niya kung paanong nanginginig ang tuhod niya nang mga sandaling iyon. Mula pa noong magsimulang magtrabaho ang tatay niya sa ama nito noong first year high school pa lamang siya ay crush na niya ang binata. Una niya itong nakita noong fiesta sa bayan. Nang tanungin niya ang kaibigan ay sinabi nitong anak ito ng may ari ng PEV.

Heart Lullabies:  LOOKING FOR -GHOSTS- LOVE (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon