Mga Luha ni Juana

76 5 2
                                    


Mga Luha ni Juana

"O ano iniiyak-iyak mo diyan?" Sabi ko sa babaeng nangangalang Juana. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Walang ginagawa, kung hindi ang umiyak. Kanina pa yan. Nakakasawa na. Nakakairita na. Ano ba?! 

"Kailan ka ba titigil?!" Sgiaw ko sa kaniya, pero katulad ng kanina, hindi niya ako sinagot. Nagpatuloy lang sa pag-iyak. Iyak, iyak, iyak. Parang ulan na patuloy ang pagbuhos sa tuwing darating ang isang habagat. Hindi alam kung kailan titigil. Basta't ibinubuhos ang nararamdaman hanggang sa bumaha na. 

Napabuntong hinihinga na lamang ako. Masiyado sigurong marahas ang aking pagsigaw. Pinilit ko siyang intindihin ngunit hindi ko pa rin maintindihan. 

Hindi ko maintindihan. Bakit siya umiiyak? Bakit ayaw niyang sabihin? "Dahil ba hindi ka nila maiintindihan?" Tanong ko sa kaniya, kahit alam ko namang hindi niya rin ako sasagutin. Baka dahil dun? Baka dahil kahit anong pagpapaliwanag niya sa kaniyang nararamdaman, sa kaniyang mga kwento, walang makikinig. Walang mangaahas na intindihin ang kaniyang kalagayan kung hindi ang kani-kanilang mga sarili. 

O baka naman dahil, kahit siya hindi niya rin maintindihan kung bakit siya umiiyak? Baka siguro kahit siya, gulong-gulo sa nangyayari sa paligid niya. Galit. Panghuhusga. Pagkaramot. Lahat-lahat ng ito... Bakit ba 'to nangyayaari? Bakit kailangan niya palaging masaktan? 

"Hindi mo na ba kinakaya?" Hindi na ba niya kinakaya ang lahat kaya ibinubuhos na lang niya sa pag-iyak? Hindi na niya kinakaya ang mga katanghan niya't mga panlalait ng mga tao sa kaniya? Hindi na ba niya kaya ang mga pagsubok na patuloy na ibinibigay ng isang sakim na tinatawag nating buhay? 

Nagulat na lamang ako nang bigla siyang may inilabas na lubid. Kumuha ng upuan at isinabit. Ilulusot na sana niya ang kaniyang ulo nang pigilan ko siya. "Teka!" Napahinto siya. "Huwag...Huwag..." Nararamdaman ko, gusto na niyang tapusin ang kasakiman na ito, ngunit nag-aalangan din siya. Ang kasakiman na hindi naman puro kasakiman. Minsan may mga bahag-hari rin naman sa kalangitan.

"N-N-Natatakot ka ba?" Tanong ko muli, umaasang kahit isa sa mga tanong ko ay kaniya ring sasagutin. Natatakot ba siya na ipakita ang pag-iyak niya kaya siya mag-isang umiiyak? Natatakot ba siya sa panghuhusga ng mga tao sa kaniya? Na sa bawat kilos na lamang ay may magsasabi ng mga mali. Na sa bawat paglakad niya ay may titingin ng masama. Na hindi siya sapat. Na "hindi kasi siya katulad ng iba." 

O natatakot siyang tapusin na ang lahat ng ito dahil kung gagawin man niya ang pagtatapos sa kaniyang buhay, walang kasiguraduhan kung totoong sasaya ba talaga siya. Walang makakapagsabi kung kasiyahan nga ba ang kaniyang makakamit matapos nito, o hindi kaya patuloy ang pagdurusa. Walang kasiguraduhan. Wala... 

Nagulat ako nang sa wakas sinagot niya ako. Bigla siyang tumango, ngunit patuloy pa rin ang pag-iyak. Yumuko siya sa kaniyang sarili at sinabing, "Duwag ako." 

"Hindi, hindi ka duwag." Agad kong sinagot sa kaniya. Nagtaka naman siya kung bakit ko yun nasabi. "Mali...Duwag ako." Pagpupumilit niya.

"Hindi..Hindi ka duwag." Mahigpit pa rin ang pagkakahawak nito sa lubid. "Hindi ka duwag, maniwala ka sa'kin. Maniwala ka sa sarili mo." Mas nagtaka siya at sa wakas ay nagawa akong tanungin ng, "Paano?" 

Paano? Ang simpleng pag-amin niya na natatakot siya ay isa nang katapangan. Katapangan na aminin na natatakot siya. Ang simpleng pag-iyak niya ay nagpapakita na siya ay may lakas ng loob. Lakas na loob na ilabas lang ang kaniyang saloobin sa pag-iyak. Hindi nahihiyang umiyak. Hindi pinapairal ang pagiging hambog kung hindi ang kaniyang mapagkumababa. "Gamitin mo ang katapangan mo sa buhay na ito. Mahirap, maraming pagsubok, maraming panghuhusga, pero harapin mo ito sa tulong ng tapang mo. Malalagpasan mo rin ang lahat ng ito. Lilipas rin ang lahat ng ito. Maniwala ka sa'kin, sa sarili mo." 

Bigla siyang napaupo sa upuan na kaniyang tinayuan kanina. Umiiyak pa rin, ngunit dahan-dahang tumatahan. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at sa unang pagkakataon ay ngumiti rin siya. 

Ako rin napaupo, nagpunas ng luha at ngumiti. Doon ko napagtanto, ako nga pala ang babaeng iyon. Ako si Juana.  

By Sugawr

ONE SHOT STORY CONTESTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon