MRT Araneta-Cubao Station
Ambilis ng tibok ng puso ko. Likod pa lang natakot na akong baka ikaw na nga. Nakaupo ka sa pangatlong hakbang ng hagdanan, samantalang nasa tuktok naman ako. Isang hakbang pababa, napatigil na ako kaagad. Kinakabahan kung ikaw ba talaga 'to. Paano? Imposible. Pero simula nang iwan mo ako wala na akong ibang hiniling kundi bumalik kang muli, na kahit sa panaginip gabi-gabi kong hinahangad na makita ka. Pero heto na nariyan ka, kung ikaw nga ba ito.
Itinuloy ko ang paglapit sayo. Paglapit na tutupad sa kagustuhan kong makitang kong muli ang mukha mo, ang mga mata mo, kung paanong nawawala ang mga ito tuwing ngumingiti ka. Ang ngiting nagpapanginig sa buong pagkatao ko. Mahawakan kang muli na nagpaparamdam sa akin na parati kang andyan at hindi mo na ako muling iiwan.
Nakakatuwang isipin na sa lugar ding ito tayo unang nagkita. MRT Araneta-Cubao Station. Kung paanong tadhana ang nagpakilala sa ating dalawa. Kung paanong ang pagkakakilala natin ang bumuong muli sa pagkatao ko noong malungkot ako't nag-iisa.
Ilang hakbang na lang ang layo ko mula sayo, at sigurado na akong ikaw na nga ito, hindi mo lang alam kung gaano ko kagustong bigkasin muli ang pangalan mo, "Japhet," sabay hawak ko sa balikat mo.
•••