Kinagabihan. Tahimik ang buong bahay. Tahimik ring nakaupo ang magkapatid kasama ang bata.
"Kanina pa ba namatay si Lola?" Panimula ni Carlos, ang tanong nito sa kapatid.
"Kanina pa. Mga sampung minuto bago ka dumating." Ang sagot ni Bernadette.
"Anong ikinamatay niya?"
"Inatake sa puso. Di na nakayanan ni Lola."
Nagkaroon ulit ng katahimikan sa kanila. Maya-maya'y nagtanong nanaman si Carlos kung anu na bang balita kay Paolo, "Nakita na ba siya? Si Paolo?"
"Hindi pa..."
Ang sakit ng nararamdaman ng magkapatid. Nakakaawa ang matanda. Mas doble pa ang sakit na pasanin ni Aling Sally kaysa sa magkapatid. Bukod sa namatay na ang inaalagaan niyang matanda, nawawala pa ang anak niya, lalong nawawalan ng pag-asa habang umuusad ang mga minutong nawawala ang binata.
"Tara na, Kyle, matulog na..." Nang subukang buhatin ni Bernadette ang anak ay biglang kumirot ang hinlalaki nito sa kaliwang kamay, "Aray!"
"Oh?! B-Bakit?"
"Wala. Kumirot lang ang daliri ko."
"Bakit? Ano bang nangyari dyan?"
"Di ko alam. Siguro sa mga halaman, nasugatan ako." Hinawakan na lamang ni Bernadette ang bata, "Tara na, Kyle." At dumiretso na sila sa itaas sa kanilang kwarto.
Napag-isa doon si Carlos. Kung anu ano ang pumasok sa isipan ni Carlos. Naalala niya ang matandang nakilala niya doon sa lumang bahay, si Nanay Lucinda. Nagtatalo pa rin sa isipan ni Carlos kung totoo ba siya o hindi, kung guni guni lang niya iyon na nakinig siya sa isang taong gawa lamang ng isipan niya. "Ay teka..." May naalala siyang isang bagay, "Ang jacket ko!" Oo nga't nakalimutan niya nga ang jacket niya sa bahay na iyon. Kaya wala siyang magagawa kundi balikan na lang iyon bukas at kunin.
Kinabukasan. Hapon. Kausap ni Aling Sally ang mga pulis ukol pa rin sa nawawala niyang anak. Natapos ang usapan. Madaling nilapitan ni Carlos ang malungkot pa ring nanay.
"Hindi pa rin po ba nahahanap si Paolo?" Tanong ni Carlos kahit alam na naman niya ang sagot.
"Oo, Carlos, wala pa ring balita sa anak ko. Di pa rin siya nakikita." Ang naluluhang sagot ni Aling Sally.
"Wag po kayong panghinaan ng loob, Tita Sally, makikita po natin si Paolo. Manalig lamang po tayo sa Diyos. Makikita't makikita po ang anak niyo at sinisigurado kong maayos na maayos ang lagay niya." Sambit ni Carlos upang pagaanin ang loob ng Tita Sally niya.
"Pinangangambahan ko kasi na baka..."
"Baka ano po, Tita Sally?"
"Sana naman kung nasa kanya ang anak ko, ibalik naman niya."
Hindi maintindihan ni Carlos kung sino ba ang tinutukoy ni Aling Sally, "Sino po, Tita?"
"Ang madre." Sagot nito, "Nangangamba ako na baka nakuwentuhan niya ang anak ko."
Naalala ito ni Carlos. Yun yung ikinuwento sa kanya ni Paolo. "Nakuwentuhan? Gaya ng nangyari sa kababata ko? Si Benjo?"
"Oo." Napalunok si Aling Sally, lubha siyang nangangamba, dahil posible talagang ganoon nga ang nangyari kay Paolo, "Pero sana naman hinde. Sana hinde!"
BINABASA MO ANG
Madre Lucinda ✔
HorrorMakinig ka upang mabuhay ka. Makinig ka at tapusin ang kwento ni Madre Lucinda. Dahil sa oras na ibuka niya ang kaniyang bibig at magsimula, Wala ka ng magagawa kundi makinig sa istorya. Tuklasin ang kababalaghang bumabalot sa isang bayan sa probins...