"Friends aren't supposed to leave when one fall. They should fall together."- Barksov Nievoise
"MAY IDEYA ka ba kung paano natin s'ya mahahanap?" tanong ni Barni na mababakasan ng inis sa tono ng pananalita. Pinipilit niyang maging kalmado kahit na kanina pa sila naglalakad dito sa gubat.Magkahalong pagod, gutom at pagkadismaya ang nararamdaman niya habang patuloy sila sa paghalughog ng isang duwendeng 'di nila kilala sa gitna ng isang mahabang kagubatan.
Buntong-hininga lamang ang naisagot ng dalaga sa kaniya na siya namang lalong nagpainis sa kaniya.
"Wala? Wala kang kaidi-ideya man lang pero nag-volunteer kang hanapin ang isang duwendeng nawawala?! Alam mo ba kung gaano kadelikado dito kapag tuluyan ng dumilim?" sunod-sunod na buwelta sa kaniya ng iritadong pusa.
Marahas na hinawi ni Marni ang kaniyang bangs na humaharang sa kaniyang mata bago humarap sa kausap. "Alam ko! Alam kong delikadong maglakad sa gubat kapag gabi. Alam kong anumang oras pwede tayong atakihin ng mga hayop at wala tayong sapat na lakas panlaban. Alam kong pagod ka na kakalakad. Alam kong kanina ka pa nagugutom. Pero sana naisip mo na hindi lang ikaw! Hindi lang ikaw ang pagod, hindi lang ikaw ang gutom. Hindi lang puro sarili mo! Kung gusto mong umalis, goooo," aniya sabay muwestra ng kamay bago itinuloy ang sinasabi. "hinding hindi kita pipigilan."
Sandaling tinignan ni Barni ang mukha nito. Kahit na nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa paligid ay malinaw niyang nakita ang mata ni Marni na wala ng balak pang bawiin ang sinabi niya.
Mas lalo siyang nakaramdam ng inis dito. Mabigat ang kaniyang mga hakbang na umalis at lumayo sa dalaga habang marahas na kinakampay ang kaniyang buntot.
"Ako pa ang naging makasarili ngayon," pagbubulong niya na hindi pa rin mawala ang inis na nadarama. "Mga tao talaga, pilit pinapasa sa iba ang mali nila kahit na alam naman nilang sa kanila ang putik. Pero kapag ginto o papuri ang ibato halos lahat ng nakapaligid sa kanila tinulak na nila para lang masarili ito." Napailing-iling si Barni habang ipinagpatuloy ang paglalakad.
Ilang lakad pa niya'y tuluyan ng kumagat ang dilim. Ang kaninang tahimik na paligid ay nagsimula ng umingay dahil sa mga kulisap. May narinig siyang umalulong pero tiyak niyang malayo iyon sa kaniya kaya't walang dahilan para matakot siya kung tama ngang isang lobo ang narinig niya.
Hindi normal ang mga lobo sa Dreamio, hindi katulad sa lugar na kinalakhan niya. Hindi niya alam kung bakit pero base sa naging obserbasyon niya'y naging mas mabangis ang mga ito at iisa lang ang galaw. Para bang may kung anong mahika na kumokontrol sa kanila.
Patuloy siyang lumakad hanggang sa napukaw ang atensyon niya sa isang punong tila ba pinaliligiran ng mga alitaptap. Nanlaki ang kaniyang mala-kwagong mata. Hindi niya akalaing may ganito pala sa Dreamio. Ang akala niya kasi ay sa lugar lang nila makakakita ng ganun. Lumapit siya rito at sinuri ito. Manipis na maliit na punong may mga malalaking dahon at ang bawat dahon ay umiilaw sa dilim. Wala ngang duda, ito ang Gleaf.
Hinubad niya ang suot niyang itim na maliit na lagayan na itsurang bag pack at kinuha ang maliit na garapon. Dahil bawat sanga nito ay may matutulis na may lasong tangkay na kayang magparalisa ng isang tao sa loob lamang ng limang minuto, maingat niyang pinutol ang isang manipis na sanga ng Gleaf at inilagay sa garapon. Balak niya kasi iyon gawing ilaw katulad ng ginagawa nila sa kinalakhan niya.
May binigay namang ilaw ang mga duwende sa kanila ngunit nakalimutan niya kung paano gamitin iyon. Basta ang alam niya ay isa iyong dilaw na bulaklak. Iyon lang, dahil si Marni na ang umintindi ng lahat ng paliwanag sa kanila kanina ng mga duwende kapalit ng pangakong siya ang magdadala ng mga gamit nila.
BINABASA MO ANG
Secret of Ina's Closet
FantasyMarni receives a closet from an old lady named 'Nay Ina she helped. At one look, it is just an ordinary closet not until one day, it suddenly turns out to be a passage and brought her to the other world. A world that is twisted; where truth is a lie...