Bus 3624 [2]

11.2K 599 231
                                    

Bus 3624
Written by: Xenon
- - -

Mabibigat ang hinga ko nang makasampa na ako ng bus. Dala-dala ang bag na mabigat ay mas lalong kinakabahan ang sarili't walang humpay sa pagkabog ang puso ko.

Gagawin ko ba ito? O hindi?

Nagtatalo ang puso't isipan ko kung gagawin ko ba talaga ito. Pero nang maalala ko ang kawawang mukha ni Mama at Papa ay nanalo ang isip ko sa pagdedesisiyon.

Kailangan ko talagang gawin ito.

Sumampa na ako ng bus at napatayo sa gitna, isa-isa kong tinignan lahat ng mukha nila. May matatanda, mga bata, buntis, sanggol, dalaga't binata. Ang bus na 'to ay isang representasyon o maliit na halimbawa ng isang kumunidad.

Nang makita ko ang isang bakanteng upuan sa likod ay agad ko itong binagtas at napaupo.

Napansin kong umiiyak ang babaeng katabi ko, nakadungaw lang siya sa bintana habang walang humpay sa pagtulo ang mga luha nito, na siyang nagpaantig ng puso ko. Nakakaawang tignan ang babaeng umiiyak.

"Miss, okay ka lang." Nang makatanong ay agad na kinuha ko ang aking panyo sa loob ng bulsa at inilahad sa kaniya.

Lumingon siya sa 'kin at agad itong tinanggap at ipinahid sa luhang tumutulo. Napangiti na lang ako, sa lahat ng pagsubok at paghihirap na bumuhos sa 'kin ay may natitira pa palang kabutihan sa 'king puso.

Napamura ako sa 'king isipan nang naiihi ako, wala akong ginawa kung hindi ang magpaalam muna sa kondoktor at tumayo't lumabas muna saglit ng bus, iniwan ko muna ang bag at panyo sa tabi no'ng babaeng umiiyak. Tinungo ko ang C.R. na nasa malapit lang, at nagbayad ako ng tatlong piso at umihi bago pa maiwan ng bus.

Sa kalagitnaan ng aking pag-iihi ay umalingawngaw ang tunog ng aking ringtone ng aking cellphone. Tinignan ko ito at sinagot kaagad bago mabulyawan niya.

"B-boss Amanda. Bakit p-po?"

"Siguraduhin mong hindi ka papalpak ha? Buhay ng pamilya mo ang nakataya rito."

"O-opo ma'am." Nanginginig kong sagot sa kaniya, kahit na araw-araw kaming nag-uusap, hindi ko talaga maiwasang hindi matakot.

Kumaripas ako nang takbo pabalik at papasok ng bus, sinungitan pa ako no'ng kondoktor dahil napakatagal ko raw, pati ibang pasahero ay mahinang nagrereklamo. Dahil sa inis sa kaniya at takot mula kay Ma'am ay sa harap ako napaupo. Wala na akong lakas pang maglakad pabalik.

Huli na nang maalala kong nasa likod pala 'yong bag ko. Panay ang paglingon ko sa likod at napapatingin sa bag na nasa tabi ng babae, sana lang ay hindi niya ito bubuksan. Sana'y magtatagal siyang nakadungaw ng bintana.

Makalipas ang ilang oras, nang dumaan na kami sa tahimik na daan at wala masyadong tao ay pumara na ako pababa. Mabibigat ang paa ko nang magsimula akong humakbang pababa, nilingon ko sa huling pagkakataon ang bag at babae, at mapait akong napangiti.

Patawad.

Hindi na ako nagtagal pa't bumaba na ng tuluyan.

Nagsimula kong pindutin ang talapindutan ng cellphone at nag-dial ng numero *3624, ilang sandali ay natapos ito. Sa tantiya ko'y nagsisimula na ang pagtakbo ng 10 seconds countdown ng bombang nasa loob ng bag ko.

Umatras ako ng konti at sinundan ng tingin ang kakaalis na bus. Tatalikod na sana ako nang may mahagip ang aking mga mata, labis akong nagimbal dahil nito.

Sina Mama at Papa nasa loob ng bus, natutulog.

Hahabulin ko pa sana ang bus pero hindi ko na ito kaya pang maabutan, wala akong magawa kung hindi tignan itong sumabog, umapoy at mawasak sa gitna ng daan.

...

Bus [One-Shots] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon