Bus 2156
Written by: XenontheReaper- - -
"Malayo pa ba Ma?" Panay sa pagtanong si Kaizer na nakatangila sa 'kin habang tinatahak ng bus ang paliko-likong daan. "Excited na akong makita si Papa."
"Ako rin naman anak." Sagot ko sa kaniya at ginawaran ito ng halik sa noo.
Ibinaba niya ang kaniyang tingin at mas tinuon ang sarili sa daan. Inayos ko na rin ang pagkakandong sa kaniya't umayos sa pag-upo sabay sandal sa inuupuan.
Malalim na ang gabi. Madilim na kakahuyan ang nadadaraanan namin, ni isang street lights ay wala akong naaaninagan. Tanging ilaw ng sinasakyang bus namin ang nagsisilbing tanglaw para sa lahat. Tulog na rin ang lahat, batid kong ako na lamang at ng anak ko ang gising sa oras na ito.
Medyo marami-rami pa rin ang pasahero, ngunit do'n sila nagsama-sama sa harapan kaya kap'wa nag-iisa lamang kami ng anak ko sa pinakalikurang bahagi.
Sa kalagitnaan ng pagbabiyahe'y pinukaw ang lahat ng pasahero ng isang malakas na ubo. Ubong nakakadiri sapagkat may halong kung anong laman ito.
Hinanap ko ito, kung kanino nagmula. Palinga-linga ako't hinanap ito. Isang malutong na ubo muli ang umalingawngaw sa buong bus. Nakakapangilabot dahil sa mas lumakas ito't parang may nasama ulit na laman.
Do'n ko na ito nahanap, ito pala'y nagmumula sa drayber ng bus. Ang kaliwang kamay niya'y nakahawak sa manibela samantalang ang kabila nama'y nakatakip sa sariling bibig.
Nakakaawa panoorin si Manong na kumakayod pa kahit na nagkakasakit na. Ang gaya niyang mister ay nararapat lang na makatanggap ng parangal.
Ngunit hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari.
Isang ubo pa'y masaganang dugo ang lumabas mula sa kamay nitong nakatakip. Halos masuka ako sa 'king nakita. Hindi lang kasi normal na dugo ito dahil sa may halong berdeng plema na medyo nagiging brown na.
Kahit nasa pinakalikurang parte ako'y kitang-kita ko ang walang humpay niyang pag-ubo. Walang tigil at patuloy sa pagluwa ng dugo't plema.
Nakakabahalang makita si Manong, nakakapag-alalang makita siyang walang humpay sa pag-ubo at nawawalan na ng pukos sa pagmamaneho.
Balak ko sana siyang lapitan pero 'di ko magawa. Nakakandong kasi ang anak ko at ayoko rin siyang galawin at iwan. Baka magising ito't magwala na naman.
Mas pinili kong magbingi-bingihan na lang at nagbulag-bulagan kahit na labag sa 'king kalooban.
Sinubukan kong umidlip pero 'di ko magawa. Bigla kasing tumigil sa pag-ubo si Manong at dama kong parang gumigewang ang takbo ng sasakyan.
"Manong?!" Kinakabahan kong tanonh sa kaniya. "Manong anong nangyayari?!" Sigaw ko sa kaniya't gumising naman sa mga kasama kong pasahero at kay Kaizer.
At namalayan ko na lang na wala nang kontrol si Manong sa bus.
Nagsimula na ring magkagulo ang lahat. Sigawan, iyakan, at panalangin ang umaalingawngaw sa loob ng bus. Mas lalong nakakatakot at nakakapangilabot na makita silang nagkagano'n.
"Manong!" Isang sigaw ang nangibabaw mula sa dulo.
Habang yakap-yakap ang anak kong takot na takot ay nakita ko kung paano nila sinaklolohan ang drayber na nakahiga na sa sahig at walang humpay sa panginginig at pagluwa ng dugo. Mayroon ding nagmamaneho at sinusubukang kontrolin ang takbo ng bus.