EPILOGO
Ang Miliminat ang isa sa pinakapayapang bansa sa buong mundo. Mayaman ito sa yamang-lupa, yamang-tubig, at mineral. Karamihan sa karatig-bansa nito ay hindi maiwasang makaramdam ng paninibugho sa tuwing nakahaharap nila ang mga naging pinuno nito. Malaki rin ang bilang ng mga malalakas ang pananampalataya, kaya naman laganap ang kapayapaan, nagkakaisa ang mga tao at masagana ang buong bansa.
Subalit sino ang mag-aakala na sa likod pala nitoy nagtatago ang mga lihim na organisasyong taliwas sa mga nagaganap sa pamahalaan? At ang pinaniniwalaan nilang oras na nakatakda upang silay maglabasan ay ang pagkakaluklok sa puwesto ni Sibila Gomez.
Sila ang mga maharlika.
Wala pa ring humpay ang tawanan at sigawan ng mga mayayaman sa kanilang puwesto habang pinanunuod na maghirap ang mga taong patuloy na nananalig. Mas lalong lumakas ang kantiyawan nang makita nilang sabay-sabay na lumuhod ang mga indio: nakadaop ang mga kamay, nakapikit ang mga mata habang walang katapusan ang pag-agos ng luha, saka nagdarasal nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.
Sa putok ng isang baril, nagpakawala nang mababangis na hayop si Sibila. Pinuntirya ng mga iyon ang kinalalagyan ng mga maralita.
Muling nagmulat ng mga mata si Baron. Tila bay may bumulong sa kaniyang tainga upang agad na malaman ang kinaroroonan ng anak. Kahit na parang isang lantang gulay ang kaniyang katawan, pilit siyang tumayo. Sa 'di kalayuan, natanaw niya ang pigura ng isang bata. Tumatangis ang paslit, malikot ang ulo na pawang may hinahanap.
Anak, wika niya sa mababang tinig. Isang milagro kung maituturing sapagkat huminto ang ulo nito sa kaniyang gawi. Nababalot man ng luha ang buong mukha ng bata, kitang-kita niya ang pagkislap ng mga mata nito at ang pagpaskil ng ngiti sa maliit nitong labi.
Tumaas ang dalawang kamay ng bata, isang palatandaan ng pagyakap at pagpapabuhat.
Papa!
Kasunod ng sabik na sabik na tinig na iyon ang putok ng isang baril.
Na sinundan pa ng isa.
At isa pa.
PAPA!
Tuluyan nang nagdilim ang kaniyang paningin. Kasabay ang mabilis na pagbagsak ng kaniyang katawan sa lupa.
Panginoon, mapatawad mo po sana ang aming mga kasalanan.
---
"Vengeance is Mine, I will repay"
Romans 12:19
Unti-unting natabunan nang makakapal na ulap ang liwanag na nagmumula sa araw. Dumagundong ang napakalakas na tunog ng kulog na sinabayan pa ng sunod-sunod na pagkidlat.
Natigil ang tawanan ng mga maharlika. Maging silay nakaramdam ng kaba.
Kasabay ng pagbuhos nang napakalakas na ulan ay ang pagyanig ng buong kalupaan. Nagbagsakan ang mga palamuti, nasira ang pataas na upuan ng madla, at gumuho ang palasyo ni Sibila Gomez.
Sumasabay ang sigawan ng mga tao sa ingay na nagmumula sa hagupit ng kapaligiran.
Dahan-dahang nagkaroon ng linya sa gitna ng lupa habang unti-unti itong humahaba nang humahaba. Kasunod niyon ang mabagal nitong pagbibiyak. Mistulang mga bagay na walang buhay na basta na lamang itinapon sa kung saan-saan ang kalagayan ng mga tao. Ang malaking bilang nila ay tuluyan nang nahulog sa nagbabagang apoy na matatagpuan sa gitna ng mundo.
Wala silang matakbuhan. Wala silang mataguan.
Walang sinuman ang magawang makatakas.
Walang nagawa ang kanilang kayamanan at kapangyarihan.
Panginoon, tulungan ninyo po kaming makatakas sa delubyong ito, umiiyak na bulong ng matandang lalaki habang nakakapit ang dalawang kamay sa puno ng isang sanga.
Masiyado siyang abala sa pagdarasal kayat hindi niya napansin ang isang papalapit na lalaki. Tabi! Tumabi ka riyan! Si Sibila. Si Sibila ang nagmamay-ari ng tinig na iyon.
Wala na siyang nagawa sapagkat buong puwersa nitong hinila ang kaniyang mga paa, upang ito naman ang pumalit.
Mabilis na tumakbo papalayo ang matanda. Napahinto lamang siya nang marinig ang isang nakabibinging ingay. Muli niyang nilingon ang kinalalagyan ng pangulo.
Ang kaninang hitik na hitik sa dahon na makikita sa bandang itaas na bahagi ng puno ay nalagas na. At ang matayog nitong katawan ay nababalutan na ng kulay itim, habang dahan-dahang gumuguho.
Wala nang makaliligtas sa poot ng Diyos. Ama, patawad. Nakapikit ang mga matang sinalubong ng matanda ang dambuhalang tubig mula sa karagatan.
"They will be thrown into the fiery furnace, where there will be weeping and gnashing of teeth."
2 Corinthians 13:42
Sa kabilang banda, tila mayroong dagibalniig liboy ang loob ng araw. Hinihila nito ang mundo ng tao papalapit sa kaniya. Unti-unting dinilaan nang walang kasing-init nitong katawan ang mundo.
Nang matapos ang pagwawala ng karagatan. Bigla namang uminit ang kapaligiran. Kasunod niyon ang pag-ulan nang malalaking tipak ng bolang apoy sa buong kalupaan.
Sa isang iglap, nasunog ang lahat ng pinaghirapan ng tao sa loob nang maraming dekada. Bumalik sa pagiging alabok ang mga tao, mapa-bata man, matanda, dalaga o binata. Nawala ang mga naglalakihang gusali. Maging ang mga likas na yaman.
Walang natira, ni isa.
A N G P A G H U H U K O M
f i n
