Paniniwala, panindigan, at pagmamahal ang naging sandigan. Isang huwarang pinunong nakipaglaban, para sa kaniyang bansang sinilangan. Subalit katulad ng iba'y hiram lamang ang kaniyang buhay, at ngayo'y tuluyan na itong binawi sa kaniya.
Mabilis na lumaganap ang balita. Naging usap-usapan sa buong bansa ang kinahinatnan ng pangulo. Maraming nagdalamhati, nakiramay, at nalungkot. Subalit ang pagpupugay ay habang-buhay nilang ihahandog dito.
Ngayon ang tanong nang nakararami: sino ang susunod na mamumuno?
Siya ba'y dalisay at mayroong mabuting adhikain sa bansa? O isang dugong bughaw na magpapalago lamang ng kayamanan?
"Nawa'y biyayaan tayo ng pangulo na mayroong mabuting puso," wika ng isang ginang sa tabi, ang asawa ni Baron.
Napalingon si Baron sa kabiyak, saka ito ginawaran nang isang malambing na ngiti.
"Kung ano man ang mangyari, ito'y kaloob Niya. At alam kong kahit kailan, hinding-hindi Niya tayo pababayaan."
Tumango ang ginang bilang pagsang-ayon.
Katulad nila'y ganoon din ang dalangin nang nakararami. Ang lahat ay pawang piping nagdarasal na maging matagumpay at katanggap-tanggap ang susunod na uupo sa puwesto. Hindi man katulad nang nakaraan na administrasiyon, subalit mas higit pa roon ang inaasahan nila rito.
Inilibot ng bilugan niyang mga mata ang kapaligiran. Tirik na tirik ang araw ngunit hindi iyon naging hadlang upang kumaunti ang bilang ng mga dadalo sa malakihang pagpupulong. Mababanaag sa mukha ng mga tao ang labis na pagnanasang malaman kung sino ang susunod na tatayo sa entablado. Pawisan ang kanilang katawan, ang iba pa'y mayroong kasamang bata na walang tigil sa pagngawa. Samantalang ang iba'y kaniya-kaniyang diskarte upang mapawi ang uhaw at gutom.
Ang marami sa kanila'y nanggaling pa sa iba't ibang probinsiya, nag-aksaya ng pera at oras para lamang makadalo.
"Tayo'y nagtipon-tipon upang saksihan ang susunod na pinuno ng ating bansa, walang iba kung hindi ang kapatid ng dating pangulo, Sibila Gomez!"
Ang kaninang maingay na paligid ay nabalot ng katahimikan.
Sino nga bang hindi mapatitigil sa pangalang iyon? Yaong pangalan na kinakatakutan at iniiwasan nang maraming tao.
Mistulang bumagal ang oras habang naglalakad papunta sa gitna ang lalaki. Taas-noo ito simula pagpasok hanggang pagtayo sa harapan; nagpapahiwatig na isa siyang mataas na tao. Maganda ang tindig ng lalaki, magkagayunpaman, halata sa mukha nito ang katandaan. Subalit hindi iyon nakababawas sa kaniyang kapita-pitagang hitsura.
Kung bibiglain ang tingin, ang mukha nito'y mayroong pagkakahawig sa dati nilang pangulo. Ngunit, alam ng lahat na malayong-malayo ang ugali nito roon.
"Sibila! Sibila! Sibila!" Pinangunahan ng mga mayayaman ang pagsigaw sa pangalan nito. Samantalang ang mga guwardiya sa tabi ay pinanlalakihan ng mata ang mga maralita upang sumunod sa pagsigaw.
Wala silang nagawa kung hindi ang maging masaya sa pasiyang wala naman silang kinalaman.
"Hindi naman siguro siya katulad ng iniisip natin, hindi ba?" wika ng isang matandang babae. May bitbit itong isang bayong na naglalaman ng gulay na inilalako niya sa bahay-bahay.
"Nakagawa nga siya ng mga bagay na hindi natin inakala noon, sa tingin mo, hindi siya magiging ganoon?" Sumunod naman ang isang babae na mayroong bitbit na sanggol.
Huminga nang malalim ang ginang at saka hinigpitan ang kapit sa kamay ng paslit.
"Hindi pa natin masasabi sa ngayon." Pumikit siya nang mariin.
