Ikalawang kabanata

240 21 13
                                    


Nagbabadya ang pagtangis ng kalangitan habang bumubuhos ang takot at pangamba sa puso ng mga nakasaksi sa unti-unting pagkukulay pula ng puting sementadong sahig ng entablado.

Matapos maikalabit ang gatilyo at bumagsak ang katawan ng pulubi ay kaagad na nagkagulo. Nagulo ang isip ng karamihan sa pag-aanalisa sa nasaksihan na biglang sinabayan ng kaguluhan sa paligid.

Nagkahawaan ng takot at reaksiyon ang karamihan. Parang sakit na lumaganap sa lugar. Unang pumasok sa isipan nila ang umalis at tumakas sa takot na baka kalabitin muli ang gatilyo atsa pagkakataong itomagpaulan ng bala sa mga naroroon.

Alam nilang iba ang takbo ng pag-iisip ni Sibila. Alam nilang wala siyang sinasanto. Prinsipyo ang bumubuhay sa kaniya. Handa niyang gawin ang kahit anokahit ang pagtapak sa prinsipyo ng iba.

Nagsitakbuhan ang iba palayo, may sapin man o wala ang mga paawala mang kasiguraduhan kung ano ang patutunguhan. Mayroong nadapa. Mayroong nadaganan. Mayroong nagyakapan sa takot na baka magkahiwalay sa alon ng mga tao. Nagsiiyakan ang mga paslit. Nagkandahulog ang mga bitbit. Ang ilan, tulala, nakaawang ang mga bibig. Habang ang mga maharlikang nasa harapan, napalingon sa likuran nila at hindi makapaniwala sa nangyayaring gulo. Ang iba, napataas pa ng kilay sa pagkadismaya.

"Hindi pa sila handa sa pagbabago," saad ng babaeng may kolorete ang mukha habang mahinang nagpapaypay.

Tumawa naman ang katabi nitong naka-amerikana. "Ganiyan iyan sa una, mahal. Hindi pa tanggap ng sistema nila."

"At hindi kalauna'y magiging parte rin sila ng sistema?" Hindi ito tanong na nangangailangan pa ng sagot. Alam niya ang gustong sabihin ng asawa. Konpirmasiyon lang ang gusto niyang malaman.

"Tama, mahal."

Muling pinagmasdan ng magkabiyak ang kaganapan. Mistulang nanunuod sila ng sine sa isang pelikula. Sa paningin ng mga ito, langgam ang mga taong nagsitakbuhan dahil takot sa taong bumubungkal ng lupang pagtataniman ng binhi.

Nairita naman ang mga unipormadong hanay sa nakita.

"Anak ng tupa naman, oo." Napahilamos ng mukha gamit ang palad ang heneral sa hanay ng mga guwardiya.

"Hulihin ang mga iyan!"

Isa-sa nilang hinuli ang mga nagsitakbuhan. Pagpupumiglas naman ang naisagot ng huli.

"Bitawan mo na ako! Parang awa mo na!" Mangiyak-ngiyak na sigaw ng isang ginang. Nagkalat sa paanan nila ang mga gulay na pinamili. Napadaan lang ito noon matapos makapamalengke. Ito lang pala ang mapapala niya.

Isang lalaki naman ang pinadapa ng isang guwardiya. Ipinatong nito ang kanang paa sa malapad na likod ng lalaki at hinila ang mga kamay patalikod upang mayakap nang malamig na posas.

"Ginoo... tama na. Payagan mo na akong makaalis. Pakiusap, ginoo... maawa ka." Nagkikiskisan na ang mga bagang nito dahil sa sakit sa likod. Iniangat nito ang paningin at hinanap ng mga mata ang paslit na kasama.

"Papa!" Walang tigil ang pag-agos ng luha sa mata ng bata habang pinagmamasdan ang amang nakadapa. Patuloy ito sa pagsigaw kahit pa nagsilabasan na ang mga ugat nito sa sentido at leeg.

"Papa!" Sa inosenteng mga mata, napagmasdan na nito ang kalupitan. Mahirap mang iproseso ng musmos na isipan, alam ng kalooban niyang hindi iyon tama. Tumakbo ang paslit papunta sa ama. "Tama na po..." isang inosenteng pagmamakaawa na tila dininig... ng kataas-taasan.

"Tigil!" isang maawtoridad na boses ang kanilang narinig sa mikropono. Pumutok ang baril pahimpapawid.

"Magtigil kayo kung ayaw ninyong gawin kong libingan ang inyong inaapakan!" Kaagad nagsitigil ang lahat dahil sa narinig na banta.

"Lahat ng nakatalikod sa akin, harap!" galit na sigaw ni Sibila sa mga tao.

Bumalik sa puwesto ang mga guwardiya at inayos ang pagkakatayo.

Habol ang hininga, dahan-dahan namang ipinihit ng mga taong nagsialisan sa puwesto ang paningin kay Sibila at dahan-dahang humarap. Dumadausdos pa ang pawis ng karamihan pero halata ang panlalamig na nararamdaman. Takot silang baka sila na ang isunod nito. Doon nila napagtanto na mukhang mali ang tumakas pa sila.

Marahas na ipinatayo ng guwardiya ang lalaking pinosasan. Kaagad nilapitan ng lalaki ang anak na hindi tumigil sa pag-iyak. Pinakawalan naman ang ginang.

"Lahat ng umalis sa puwesto, balik!"

Mula sa sulok ng entablado, nandoon si Baron at ang mag-ina niya. Bigla siyang napaigtad sa narinig mula kay Sibila. Tinanggal niya ang pagkakayakap sa mag-ina, tumitig sa asawa, at sumenyas na bumalik sa puwesto kahit labag sa kalooban. Napalunok siya ng laway habang naglalakad pabalik.

Nanahimik ang lahat. Kakaibang katahimikan ang lumunod sa lugar. Katahimikang nagsusumigaw ng pagkasindak sa taong nasa entablado.

"Sa lahat ng mga naririto," basag ni Sibila sa katahimikan, "gusto kong itatak ninyo sa inyong isipan ang lahat ng salitang sasabihin ko dahil ang mga ito ang maglalarawan sa magiging pamamahala ko sa bansang ito."

Naghintay ang mga tao sa sasabihin niya pero walang halong pagkasabik.

"Kawalan ng modo at disiplina. Isa mga kapintas-pintas sa mga Milimino. Ganiyan ba dapat ang ipakita ninyo sa harap ng pangulo? Sa harap ng pinakamataas na lider ng Miliminat? Kung may pagkakapareho man kami ng dating pangulo, iyon ay ang pangarap naming umangat sa putik ang nakaaawang bansang ito. Pero, sinasabi ko sa inyo, magkaibang-magkaiba kami ng pamamaraan. Magkaibang-magkaiba," ipinagdiinan niya ang huling salitang binanggit. Direktang-direkta ang mga titig niya sa mga tao.

Napakuyom ng palad si Baron dahil sa narinig.

"Ito ang mga dapat ninyong tandaan simula ngayong araw na iniluklok akong pinuno ninyo," dagdag pa niya.

"Una, sa pagbabagong-bihis ng Miliminat, may itatapon tayong pinaglumaang damit. Ano mang hindi nababagay, papalitan. Gusto kong maging saksi kayo rito. Pangalawa, mapalad ang marunong sumunod. Inuulit ko, ang marunong sumunod. Pangatlo, kinasusuklaman ko ang anumang aktibidad na may kinalaman sa mga diyos-diyosan ninyo. Naniniwala akong iyang walang kuwentang paniniwala ninyo ang pumipigil sa kaunlaran. Matuto kayong sumamba sa totoo at nakikita. Matuto kayong tumapak sa reyalidad. At pang-apat, ako si Sibila Gomez. Ako ang relihiyon. Wala kayong ibang sasambahin kung hindi ako. Sa ayaw at gusto ninyo, lalapit kayo sa akin, magmamakaawa, luluhod dahil ako lang ang makatutulong sa inyo. Ang sinumang lumabag sa mga nabanggit ko" Itinutok niya ang hintuturo sa kaniyang sentido at umaktong binaril ang sarili. Ngumisi siya.

Nagpalakpakan ang mga nasa harapan at ang mga guwardiya. Nanlaki naman ang mga mata ng mga maralitang hindi sang-ayon sa gusto niyang mangyari. Pero sa mga maralitang hindi naniniwala sa diyos na sinasabi ni Sibila, sisiw lang ang sumunod.

Palihim na ipinasok ng isang matanda sa bulsa ang hawak na rosaryo habang nakaalerto ang mga mata para siguraduhing walang nakakita.

Nagsimula ang bulung-bulungan.

"Natatakot ako..." wika ng asawa ni Baron.

"Hindi tayo pababayaan ng Diyos natin. Anuman ang mangyari, Siya ang dapat nating sundin," sagot naman ni Baron.

"Traydurin ninyo ako at tatraydurin ninyo ang Miliminat. Sa paghahanap ninyo ng langit ng sinasabi ninyong diyos, tunay na impyerno ang inyong mararanasan." Ngumiti si Sibila.

"Muli, magandang araw," pagtatapos na pananalita niya.

Tumalikod si Sibila sa madla at nagsimula ng umalis. Naiwang walang imik ang karamihan.

Tumingala si Baron sa langit at bahagyang iniangat ang mga kamay. Pumatak ang butil ng ulan sa palad ng lalaki.

Nagsimula na ang kaninang nagbabadiyang pagtangis ng kalangitan.

Nagsimula na ring magsiuwian ang mga dumalo. Umuwi si Baron dala ang pangamba habang bitbit pa rin ang pag-asang makakayanan nila ang lahat.

"Nagsimula na. Huwag mo kaming pababayaan, Ama."

Ang PaghuhukomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon