★★★ Prologue ★★★

27 1 0
                                    

May mga pangyayari sa buhay natin ang biglaan. Mga kaganapan na kahit sa hinagap ay hindi natin naisip na maaari pala nating maranasan. Hindi ko inakala na maaari pa lang magbago ang takbo ng aking buhay sa loob lamang ng dalawang araw.

" Five years ago. "

" Jelai, tumawag ang Mama mo. Umuwi ka na daw." , bungad ni Enjo pagpasok sa classroom.

" Sinabi ba kung bakit?"

" Hindi eh. Pero parang nagmamadali. Medyo may nginig 'yung boses. May ginawa ka na naman siguro. Haha! Mukhang patay ka Men!"

"Shoot! Sabi ko na nga ba naiwan kong bukas'yung computer kanina sa kwarto.  Deads na naman ako nito.", naibulong ko sa sarili.  Agad kong kinuha ang aking bag at dali-daling lumabas ng pinto.

"Hoy! 'Wag mong kalimutan 'yung lakad natin bukas ha", pahabol na sigaw ni Enjo.

"Chokey! Bukas na lang Men!"

Ano kayang idadahilan ko kay Mama?

"Ma, malelate na po kasi ako sa klase kaya nagmamadali po ako."  (sobrang gasgas na)

"Ma, may dinadownload po kasi ako kanina." (iisipin nya online games na naman inaatupag ko)

"Ma, nag-uulyanin na po ata ako." ( kinse anyos nag-uulyanin? Imposible!)

Siguradong umuusok na naman ang ilong nun sa galit.  Bakit naman kasi napakamakakalimutin ko? Batman ikaw ng bahala sa'ken.

Mabilis akong nakauwi.  Inabutan kong nakagarahe ang sasakyan ni Papa sa tapat ng bahay. Nakapagtatakang maaga siyang umuwi ngayon.  Madalas kasi na dalawa lamang kami ni Mama ang naghahapunan dahil sobrang late na siyang umuwi.

"Ma! Pa! Nandito na po ako."

Inabutan kong nakaupo sa magkabilang dulo ng sofa ang aking mga magulang.  Parehong namumugto ang kanilang mga mata at di maikakailang kagagaling lamang nila pareho sa pag-iyak.  Dali-daling tumayo si Mama at lumakad palapit sa akin.  Dalawang hakbang ang layo ni Mama buhat sa aking kinatatayuan pero ramdam ko ang lungkot na bumabalot sa kaniyang buong katawan.

"Ma, I'm sorry kung naiwan ko na naman 'yung computer kong nakabukas.  Promise! Hindi na po mauulit."

Matagal na tumitig si Mama sa akin na para bang di nya ako narinig.

"Anak, maghihiwalay na kami ng Papa mo."

Bitbit sa magkabilang kamay ang dalawang malaking bag na lumabas ng pinto si Mama.  Hindi niya ko niyakap o nilingon man lamang.  Hindi ako nakapagsalita hanggang sa maramdaman ko na lamang ang mga braso ni Papa sa aking balikat. 

. . . limang minuto

. . . kalahating oras

. . . tatlong oras

Hindi ko na alam kung gaano katagal akong nakatayo.  Wala akong maramdaman.  Walang tigil sa kakaiyak ang isip at puso ko pero walang kahit isang patak ng luha buhat sa aking mga mata. 

Wala na ang sasakyan ni Papa sa garahe.  Madilim ang buong paligid.  Ang mga ilaw lamang buhat sa kapit-bahay ang nagsilbing liwanag ko.

Madilim ang buong bahay.  Sa di ko malamang dahilan ay iniwan na kami ni Mama.  Hindi ko alam kung saan sya hahanapin.

Naghintay ako magdamag pero di bumalik si Mama at di rin umuwi si Papa.  Naisip ko tuloy na baka pati siya ay iniwan na din ako.  Di ko namalayan na nakatulog na ako dahil sa sobrang pagod sa kakaisip.

Kriiiinnngggg!!! Kriiiiinnnnng!!!

"Hello!"  . . . Sana si Mama ang nasa kabilang linya. 

"Jelai! Bakit di ka pumasok sa school kanina? Sasama ka ba? Nasan ka na?", sunod-sunod na tanong ni Enjo.

"Try mo mag-imbestigador pag tanda mo, bagay sa'yo"

"Seryoso naman Men!", naaasar na sagot nito. 

"Hindi ako makakasama Men!  Bawi na lang ako next time."

"May problema ba?  Grounded ka na naman noh?!"

"Sabihin na lang natin na ganun na nga.  Basta, mag-usap na lang tayo soon. Bye!" 

Bestfriend ko si Enjo pero hindi ko pa pwedeng sabihin sa kanya ang pinagdadaanan ko ngayon.  Ayokong kaawaan nya ko.   Alam ko namang maayos pa 'to.  Hindi lang nagkaintindihan sila Mama at Papa.  Siguradong bukas magiging ayos din lahat.

Kriiiinnngggg!!! Kriiiiinnnnng!!!

Ang kulit talaga ni Enjo kahit kelan.  Sinabi na nga di ako pwede.

"Men, di talaga ko pwedeng lumabas ngayon.  May aayusin lang muna ko Enjo."

"Hello. Is this Angela Montemayor?"  sagot ng isang di pamilyar na boses sa kabilang linya.

"Ito nga po.  Who's this?

"This is Mr. Santos, katrabaho ako ng Papa mo.  I'm sorry pero naaksidente sya at kailangan mong magpunta dito sa ospital ngayon."

Tooot. . . Tooot. . .Tooot. . .

Hindi ko na nahintay pang patapusin si Mr. Santos sa pagsasalita.  Kailangan ako ni Papa.  Kulang na lang ay paliparin ni Manong Driver ang taxi dahil sa sobrang pagpapamadali ko sa kanya. Pero huli na ko.  Wala na si Papa pagdating ko sa ospital.  Tanging mga gamit na lamang niya ang nadatnan ko sa emergency room.

Magdamag nagpakalunod sa alak si Papa sabi ni Mr. Santos.  Wala daw siyang tigil sa pag-iyak.  Nagpumilit siyang umuwi sa kabila ng labis na kalasinggan dahil alam nyang wala akong kasama sa bahay.  Nakatulog si Papa habang nagmamaneho at di niya napansin ang kasalubong na bus.  Naisugod pa siya sa ospital pero hindi na sya nailigtas pa.

Wala pang 48 hours pero dalawang pinakaimportanteng tao sa buhay ko na ang nawala.  Hindi ko alam kung saan nagpunta si Mama. Wala kaming malapit na kamag-anak.  Paano na ko ngayon? Mag-isa na lang ako.

"Angela, nilalamig ka ba? Nanginginig ka.", tanong ni Mr. Santos.

"Ayos lang po ako.  Uuwi na lang po muna ako."

"Gusto mo bang ihatid kita?"

"Hindi na po. Kaya ko na po.", paalis na ako ng biglang hawakan ni Mr. Santos ang balikat ko.

"Iha, tutulungan kitang maayos ang libing ni Ruben.  Hindi ko alam kung anong pinagdadaanan ng pamilya nyo ngayon pero gusto kong malaman mo na nandito lang ako.  Nakikiramay ako Angela."

"Maraming salamat po Mr. Santos."

"Uncle June na lang itawag mo sa'ken. Tatawagan kita bukas.  Magpahinga ka na muna."

"Opo."

"At Angela 'wag kang matakot umiyak.  'Wag mong ipunin lahat ng sama ng loob sa puso mo."

Nailibing si Papa makalipas ang tatlong araw.  Hindi nagpakita si Mama.  Hindi ako umiyak.  Kahit anong pilit ko ay wala akong mailuha. Wala akong nararamdaman na kahit anong emosyon.  Ang tanging nais ko lamang ay mabigyan ng maayos na libing si Papa at dahil sa tulong ni Uncle June ay naging ayos ang lahat.

Marahil ay may mga bagay talaga na di kailangan ng rason para maintindihan.  Mga bagay na kailangan na lang tanggapin.  Pangyayari sa buhay na di kailangan ng dahilan para maunaawaan. Mga pagkakataon na wala tayong ibang option kung hindi ang maging matapang.

☆☆☆

"The Broken Angel"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon