KABANATA I- Ang Aklat ng Puting Baylan

340 27 66
                                    

Isang malakas na kalabog ang gumising sa akin mula sa pagkakahimbing. Agad na bumilis ang pintig ng puso ko.

Habang nakatalukbong sa aking kumot at yakap ang isang unan, pinakinggan kong mabuti ang aking paligid. Baka kasi naaalimpungatan lamang ako kaya kung anu-ano na lamang ang aking mga naririnig.

Kung bakit pa kasi sabay-sabay pang nagsipagbakasyon ang mga ka-dorm ko. Wala tuloy akong kasama ngayon.

Isang kalabog muli ang aking narinig. Mas malakas, kaya naman napapikit ako at napayakap ng mahigpit sa aking unan.

"Ano 'yon?" bulong ko sa sarili.

Takot ako. Mali! Takot na takot ako, pero hindi ako magpapatalo sa takot ko!

Iniwaksi ko ang kumot at tumayo mula sa higaan. Inabot ko at isinuot ang aking jacket na nakasabit sa sandalan ng isang upuan na nakaharap sa aking salamin.

Nakaragdag pa sa takot at kaba ko ang pagiging sobrang lamig ng buong paligid dahil sa hamog.

Kung bakit naman kasi nasa bundok 'tong school namin eh.

Hanggang alas-onse lang din ng gabi ang kuryente sa buong lugar dahil hindi raw sapat ang krudo. Alas-kwatro pa ng umaga bumabalik ang supply ng kuryente.

Nang maisuot ko na ang aking sapin sa paa, mabilis kong kinuha ang kandelaria at sinindihan isa-isa ang mga kandila.

Nanginginig ang kamay ko habang nakahawak sa malamig na hawakan ng pinto ng kwarto habang hawak naman ng kabilang kamay ko ang kandelaria.

Isang malakas na hangin ang biglang umihip nang buksan ko na ang pinto na naging dahilan ng pagkamatay ng mga kandila. Mabilis kong kinuha ang lighter at sinindihan itong muli.

Nakiramdam ako sa paligid habang nag-aadjust ang aking paningin sa dilim. Pinagmasdan ko ang mahabang hagdanan mula sa aking kinatatayuan hanggang sa malapad na sala.

Mula sa kwarto ko na nasa ikatlong palapag, marahan akong humakbang pababa ng hagdan.

Walang ibang ingay sa paligid kung 'di ang mga pagaspas ng mga dahon sa labas ng bahay at ang palakas nang palakas na kalampag na tila nagmumula sa basement.

Teka, may basement? Kailan pa nagka-basement 'tong bahay?

Nang makarating na ako sa sala, sinundan ko kung saan nagmumula ang tila nagwawalang ingay. Animoy may mga nagbabanggaan at naglalaglagan sa kung saan.

Napahawak ako sa malamig na sementong dingding sapagkat tila nagmumula sa likod nito ang ingay. Patagilid akong naglakad hanggang sa makarating ako sa library.

Ito ang pinakaayaw kong parte ng bahay. Bukod sa ang creepy ng lugar, ayaw ko rin ng amoy ng mga lumang libro dahil nahihilo ako.

Napatakbo ako patungo sa pinakaloob sapagkat may kakaibang liwanag akong nakikita mula roon.

Nang makarating na ako, may isang 'di gaano kataasang bookshelf ang humaharang sa berde at dilaw na liwanag na tila gustong kumawala mula sa likod.

Mula sa gilid, itinulak ko ito ng buong kalakasan upang makita kung ano man ang nasa likod nito.

Saglit akong nabulag dahil sa sobrang liwanag.

Hindi ko maintindihan kung kaba ba o takot o pananabik ang aking nararamdaman habang nakaharap ako sa isa pang mahabang hagdan na tila patungo sa isang basement na hindi ko akalaing mayroon dito.

Matapos ang nakakahilong pagpanaog sa paikot na hagdan, sa dulo nito ay may isang silid na puno ng mga aklat at mga kakaibang kagamitan.

Muntik na akong maduwal sa amoy na nakabalot sa buong silid. Mga lumang libro at kakaibang amoy ng tuyong mga sanga, dahon at iba pang mga malalagkit at masasakit sa ilong.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 30, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Aklat ng Puting Baylan Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon