UNANG KABANATA
Lunes ng umaga. Mamula-mula pa ang mga mata ko ng magising dahil sa ingay na galing sa kabilang bintana. Galing na naman yata sa adik naming kapit-bahay. Di ko naman mamura kasi mas magmumukha akong may sapak dahil sa pagpatol sa sira ulo. Kung anu-ano pinagsasabi. Yung tipong sinaniban ng pitong dwende. Dwende, kasi napakitining ng boses niya, sa pangkantong termino: ‘boses k*ke’. Bulabog talaga! “Mga putang ina niyo talaga! Wala ng laman ang kaluluwa ko! Kinain niyo na lahat ng karne! Mga gi-atay! ” Yan ang sigaw niya. Di ko maintindihan yung huli. Ayoko ko na ding tanungin kung ano.
Umagang-umaga pa lang ang gulo na ng bahay. Alam ko kung sino naman ang gumawa ng gulo. Kalat-kalat ang mga bedsheet, kumot at kulambo sa sahig. May mga nakatumba pang upuan. Ngayon ko lang din napansin na may papel na 1/4 pala na nakascotchtape sa noo ko. Si mama talaga. Umagang-umaga.
NOTE: Yan yan, alis lang muna ako kasi manghihiram lang ako ng pambaon mo. Ako na bahala sa mga kumot.
-Mama
Bumangon na agad ako sa lumang banig ko. May mga kalmot pa sa bandang paanan. Yung itim na pusa na naman. Pag nahuli ko talaga yun sa akto, lalaslasin ko ang tiyan at ibebenta ang mga internal organs. Pero siyempre mabait ako kaya dudukitin ko na lang yung nag-iisa niyang mata para tuluyan ng mabulag. Di ko naman masalvage kasi parang si Ping Lacson sa sobrang liksi. Anu’t-ano pa man, bilang isang estudyante, kailangan ko ng mag-almusal dahil ‘pag hindi ka kumain sa umaga ay mas mabagal ang function ng utak, dahilan kaya magulo ako magrecite palagi sa Values Education na una kong subject sa umaga.
Buhat ng tabo. Buhos. Punas-punas din ng libag. Nadulas pa yung sabon sa kamay ko habang hinahagod sa kilikili. Na-shoot talaga sa bowl. Ugali ko ring kasing tumae bago maligo kaya nakipag-batu-bato-pik pa ako sa mga dilaw at malalambot na mga bato. Walastik sa experience, pang walong beses na ‘to, sa iba’t ibang klaseng sabon. Buti na lang at hindi concentrated at pinatigas ang shampoo. Walang dahilan para mahulog sa bangin ng kababalaghan.
“Kumain ka na ‘nak, may corn beef pa diyan. Tira kagabi. Sa susunod ‘wag ka ng umuwi ng gano’ng oras ah, at baka maabutan ka pa ng tatay mo. Buti na lang at tulog na siya pagkadating mo. Tsaka delikado sa labas simula alas nuebe ng gabi, marami ng nang snatcher ngayon. Yung anak ng kumare ko na grumadweyt ng Accountancy,naku. Hinoldap nung’ isang araw, sinaksak. Hanggang ngayon nasa ospital pa din. Kritikal. Gragraduate ka na ah.” Nagsuklay ang nanay ko salamin na nakasabit sa pader, at saka pinagpatuloy ang habilin saken.
“Yung I.D mo nasa drawer ng mga brief mo. Hinulog mo kagabi. Osige, alis na ako ah.” Mahinahon akong sinermonan ng nanay ko, kalmado. Kaya hindi ko siya nasasagot eh, di tulad ng mga kapwa ko tinedyer na may kasama pang mura at dabog kapag pinagsasabihan ng mga nag-aalalang magulang. Yung boses ni mama, sa sobrang dalisay ay nakakahawa ang pagiging totoo sa mga sinasabi nito. Mga salita ng isang ‘Ina’ ika- nga.
Plantsado na ang uniporme ko na nakasampay sa hanger na isinabit sa doorknob ng CR namin. Inabot ko ang baon ko sa ibabaw ng pridyider habang inaayos ang kwelyo ko. P50. Ngayon ko lang napansin. 6:15 pa lang ng umaga. Pero sana’y na akong pumasok sa eskwelahan na mga guard at mga maintenance pa lang ang umuukupa. Nakasakay naman agad ako sa dyipney.
Tulad ng ibang tao pag nasa pang-umagang biyahe, ay tulala rin ako at kanya- kanyang titig sa mga kalsadang nadadaanan, mga bahay at tindahan o mga katabing dyip. Ngayon ko lang din napansin na kasabay ko pala ang kaklase ko na kakalipat lang ng pahina sa binabasa niyang libro.
“O’, andyan ka pala. Hehe. Namasahe ka na ba Bry?” Bati sakin ng matalino kong kaklase. Running for valedictorian ‘to. Pero hindi nagpapakamatay sa mga aralin. Hindi sipsip sa mga teacher, lahat ng grades niya ay produkto ng academical excellence niya sa klase. Dalawa lang ang eyebag. Isa lang ang ilong. Normal lang ang katawan. Siya si Rommel Guisihan.
“Ah, oo. Di pa nga ako sinuklian eh. Ano nga pala yang binabasa mo?” Lumipat ako at tumabi sa kanya. ‘The Echo’ by Minette Walters ang binabasa niya, mukhang maganda kasi kahit pauga-uga ang sinasakyan namin e binibigyan niya pa rin ng oras. Halatang interesado talaga sa libro. May bigla namang umakbay saken. Si Patrick John Herbert Del Mundo Buenavista. Pero joke lang yung ‘Del Mundo’. Dinagdag lang namin ‘to dahil bilog ang mundo katulad ng mukha niya. Tulad ng kakatwang kahabaan ng pangalan niya at na kanyang mukha na mukhang bayabas, makulit at maloko din ang kaibigan ko na ‘to.
“Oh ano naman yan ah? Porn? Kayo ang pag-asa ng bayan at ang inaasikaso niyo si Pamela Anderson…at si Christine Reyes. Hahaha.” Pang-aasar niya na dapat sa kanya ibato. Pinapagitnaan na ako ngayon ng dalawang kaibigan ko.
“Horror to par, Baka nga bangungutin ako dito eh. Ngayon ko na lang to’ tatapusin kasi di ko kinaya kagabi. Mapanghardcore to.” Paliwanag ni Rommel. “Nakakatakot talaga!” Sinarado niya ang libro at pinasok na sa bag. Agad ko namang nilipat ang usapan namin sa assignment sa trigonometry.
“Par, pakopya ng assignment sa trigo. Nakalimutan ko eh. At tsaka kahit maalala ko, kukumbulsyunin muna ako bago makapagsulat ng numero. Hehe.” Sabi ko sa matalinong kaklase.
“Osige sige, pagdating na sa skul. Mahaba pa naman ang oras.” Sabi ng kaklase sa matalinong nagtanong na estudyante. Joke.
“Par, ligawan mo na yung si Roselle. May nararamdaman na ako dun.” Pasok ni Patrick.
“Ano, may gusto ka na din sa kanya?” Pag-aalala kong tanong.
“Hindi. Ogag. Nararamdaman ko na may gusto siya sayo. “ Sagot niya habang nakangisi ng napakalapad.
“Di nga? Totoo par?” Abot bunbunan na ang ngiti ko.
“Joke lang. Hahahaha”. Bumulwak sa tawa ang alaskador. Sa bulwak na yun ay may kaunti ding sipon na bumulwak sa dalawang butas ng bulwakan sa gitna ng bilog niyang mukha. Nakitawa na ang drayber. Ang aleng katabi ko. Ang lalakeng mukhang holdaper tumawa na din. Agad namang pinunasan ni Herbert(Patrick) ang malagkit na tubig niya sa ilong. At may pahabol pa yatang biro. “Pero, maganda talaga si Roselle, kamukha ni Pauleen. Hehe.”
“Sinong Pauleen, Pauleen Luna?” Tanong ni Rommel.
“Hindi, Pauleenario Mabini. Wahahahaha!”
“Wahahahaha!”
“Wahahahaha”
BINABASA MO ANG
Sa Aking Demonyo
HorrorMay hindi naiintidihan si Bryan sa kung anong nakapulupot sa kanya. Ang totoo, kahit katiting ng katotohanan ay hindi pa nahahawakan ng kanyang ulirat. Anung pwersa ng kadiliman ang gustong angkinin ang kanyang lupang katawan, at kainin ang kaluluwa...