Eto na, wala nang bawian. Kasi kung hindi pa ngayon, Beatriz... Kailan?
At 'yun na nga, lumapit ako sa stage.
"Mic test. 1, 2, 3.. -" Mayroong nagtawanan sa magkabilang gilid ng bar pero hinayaan ko na. Minsan lang naman kasing magkaroon ng open mic dito at eto na nga ang pagkakataon ko.
Naaalala mo pa ba noong hiniram mo ang G-Tech ko?
Sabay sabing, "Sorry nakalimutan ko kasi 'yung sa 'kin pero thank you!"
At noong mga panahong iyon, lingid sa'yong kaalaman
Nakalimutan ko rin ang aking pangalan,
Ang makapagsalita,
At kung paano huminga.
Matagal na 'kong may gusto sa'yo
At matagal na rin akong magnanakaw -
Ng mga titig sa tuwing magkaharap tayo
Habang nagbabasa ng notes sa library,
Ng mga sandali sa tuwing nahahagilap ka ng mga mata ko
Habang naglalakad sa hallway,
At ng mga ngiting 'di ko mapigilang mai-ukit sa mga labi ko
Nang dahil sa kinikilig ako sa tuwing magtatama ang ating mga mata,
Nang dahil sa nasisiyahan akong nasusulyapan ka
Kahit pa na sa malayo ko lamang ito nagagawa;
Pero noong araw na iyon,
Nang kusa mo akong nilingon at kinausap,
Ang utak ko'y parang lumipad sa mga ulap
At parang sumakay sa rocket ship ang aking kaluluwa
Naabot ang langit sa sobrang tuwa.
Nagbago nang biglaan ang lahat
Dahil 'di naglaon ay mas nakilala kita't
Naging matalik tayong magkaibigan -
At diyan tayong nagmamahal laging napapahamak eh,
Dahil ang mga feelings nating naiipon ay 'di natin masabi-sabi -
Pero 'yun nga ang nangyari,
Mas lalong nahulog ang loob ko
At mas lalong lumalim ang pagtingin ko sa'yo
Habang unti-unti kong kinakabisado
Ang mga hilig at ayaw mo,
Ang oras ng pag-gising at pag-tulog mo,
Ang schedule ng mga subjects mo
At dahil dakila akong 'best friend'
Hindi lang G-Tech ang nahiram mo sa akin -
Pati knee pads tuwing practice natin sa BEG,
Pati headband ko na regalo sa 'kin ni ate Gretch,
Pati notes kong magdamag kong pinagpuyatan at isinulat
Dahil 'di mo maintindihan ang equation sa Stats,
Pati 'yung mga gestures at expressions ko
Kaya minsan napagkakamalan nang 'tayo'
At sa sobrang panunukso nila
Nahulog ako't pinahiram sa'yo ang puso ko.
Pinahiram ko nang 'di mo hinihingi,
Pinahiram ko nang 'di mo na gaanong kailangan,
Pinahiram ko at 'di mo naalagaan -
Kaya't nabasag at nadurog.
Ako'y nahulog
Pero 'di kita nasabihan,
Pero kung sinabi ko ba may magbabago?
Sasaluhin mo kaya 'ko?
Gaya noong pag-salo ko sa'yo makailang beses
Noong hinahabol mo 'yung bola para 'di maka-score ang kabila,
Gaya noong pag-salo ko sa'yo makailang beses
Noong tinuturuan kitang mag-bike sa kanto ng subdivision namin,
Gaya noong pag-salo ko sa'yo makailang beses
Noong nadudulas ka sa tuwing naglalakad tayo
Mula sa dorm papuntang BEG habang umuulan,
Gaya noong pag-salo ko sa'yo makailang beses
Noong umiiyak ka sa magkakaibang dahilan at magkakaibang lalaki;
Yakap-yakap ka at halos wala akong masabi
Dahil masakit para sa akin na makita kang nasasaktan
Pero ang pinakamasaklap diyan,
Kahit anong gawin ko 'di mo parin masusuklian
Ang pagmamahal ko.
At kung sakali man na sa akin mo ipinahiram 'yang puso mo...
Buong-buo - 'di ko aaksayahin ang pagkakataong ipinagkatiwala mo
Ang pinakamahalagang bagay na pwede mong ibigay kahit kanino
Nang dahil sa ako 'yung pinili mo'y pipiliin ko ring alagaan ito
At pahalagahan ang pagmamahal mo.
Pero 'di kita masisisi,
At 'di ko maipipilit ang ayaw at 'di pwede.
Pero salamat na rin dahil hiniram mo ang G-Tech ko
Dahil noong araw na 'yon ay natuto rin akong kunin ang dapat na sa akin,
Natuto akong bawiin ang mga ipinahiram,
Natuto akong maging matatag.
Mahal pa rin kita kahit lahat ng ito ay mga nakaw lamang na sandali,
Panandaliang kasiyahan sa pangmatagalang hinanakit
At kung sakali mang oras ay ibalik,
Wala akong babaguhin, wala akong ipapalit.
Hahayaan kong paulit-ulit mong hiramin ang G-Tech ko,
Hahayaan kong paulit-ulit mong paaasahin itong puso,
Hahayaan kong maranasan lahat ng sakit
Kahit pa kailangang kong bilangin nang paulit-ulit
Ang mga luhang hinayaan kong pumatak mula sa aking mga mata
O ang mga beses na ako'y naglasing at nasuka.
Hahayaan kong magpakatanga at malugmok
Dahil alam kong sa dulo ay babangon din ako;
Alam kong sa dulo ay may bahaghari at titila rin ang ulan,
Alam kong sa dulo ay may hangganan ang lahat,
Alam kong sa dulo ay ibabalik mo rin ang mga ipinahiram ko sa'yo
At alam kong sa dulo ay matatanggap ko ito nang buong-buo -
Kung hanggang saan lang tayo.
At bago ko pa makalimutan,
Salamat din sa lahat ng iyong ipinagkaloob -
Sa earpods sa tuwing may mahabang biyahe,
Sa bimpo sa tuwing ako'y namamawis,
Sa oras at attensyon lalo na noong ako'y nagkasakit,
Sa una't pinakahuli kong halik,
Sa lahat ng saya at sakit,
Sa lahat ng mga ngiti at luhang 'di ko na maibabalik,
Sa lahat ng mga natutunan ko sa pag-ibig nang dahil sa'yo.Huwag kang mag-alala, walang magbabago.
Ako pa rin ang 'yong matalik na kaibigan,
At kung kailangan mong hiramin ulit ang aking G-Tech,
Lumingon ka lang.Katahimikan. Kasunod ng masigabong palakpakan. Binigyan ko sila nang maikling bow at pagkababa ko sa maliit na entablado, may dalawang brasong kumapit sa aking baywang at niyakap ako nang napakahigpit.
"Pwede bang akin na lang ang G-Tech mo? Iingatan ko. Pangako."
-------- ---------- --------
Short piece. Spoken word poetry. Pasensiya na at 'di na 'ko nakakapag-UD.