Ikaw Ang Puso Ko

44 2 0
                                    

Pangarap ko lang ito dati.
Ang mabuhayan muli ng pag-asa at makaramdam ng wagas na pagmamahal at ligaya.
Inakala kong wala ng sasagip sa pusong lunod na.
Hindi na rin ako umasang ako ay maging isang prinsesa.
Ngunit dumating ka.
Doon sa panahong hindi alam kung paano mag-uumpisa.
Tinuruan mo ako kung paano bumangon muli.
Yung tipong hindi ko kailangang matakot maglakad ng mag-isa sa gitna ng madilim na gubat na puno ng pangamba.
Tinuruan mo rin akong magtiwala sa mga bagay na maaaring makasakit muli ng aking damdamin.
Sinigurado mong kakayanin ko ang lahat sapagkat hindi na ako mag-isa.
Dahil kasama na kita sa mga laban ko.
Binigyan mo ako ng sapat na lakas upang talunin ang lahat ng pag-aalinlangan na gumugulo sa aking isipan.
Hindi ko na kailangang matakot.
Hindi ko na rin kailangang magtago.
Sapagkat napakasarap sa pakiramdam ang maging malaya.
Yung tayong dalawa lang.
Ang sarap pakinggan ng puso mo.
Ang mga awit nito ang lalong nagpapalakas ng loob ko.
Biglaan.
Hindi sadya.
Ngunit alam ko na nasa tamang panahon tayo.
Ating-atin ang sandaling ito.
Iniisip ko pa lang kung paano mo ako pahalagahan, napapangiti ako.
At marahil, kulang ang salitang, "Salamat!" para suklian ang lahat ng kabutihan mo.
Binuo mo ang puso ko.
Binuo mo ako.
Ginawa mo ang lahat para maibalik ang ning-ning sa aking mga mata.
Hindi ka sumuko.
Hindi ka nagpatalo.
Ipinaglaban mo pa rin ako kahit hindi sigurado kung may patutunguhan tayo.
Hindi mo ako inalis sa puso at isipan mo.
Sa katunayan ay mas inuuna mo ako kaysa sa sarili mo.
Minahal mo ako ng buong-buo.
At parati mong napapatunayan ito kahit hindi tayo nagkakaunawaan.
Away-bati, ganyan tayo.
Ngunit lagi mong pinapaalala na sa mga sitwasyong ganito, walang mapapala kung laging magtatalo.
At ikaw lang ang nakakaintindi sa akin kapag tinutopak ako.
Ewan ko ba.
Minsan kasi ang sarap mong asarin dahil palagi mo rin akong inaasar.
Hanggang sa umaabot na sa puntong ubo ka na lang ng ubo dahil sa sobrang tawa.
Napakasaya ko sa piling mo.
Wala akong pinagsisisihan.
Walang pag-aalinlangan.
Salamat at dumating ka sa buhay ko.
Salamat sa Panginoon at binigay ka Niya sa akin.
Hindi man perpekto ang kung ano man ang mayroon tayo.
Ngunit tandaan mo na ikaw ang puso ko.

CollectaneaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon