Chapter One

3.1K 35 3
                                    

Habang nakasunod sa lola niya ay naiiling na iginala ni Shin ang mga mata. Gaya nang nabanggit ng ama kanina, doon na siya titira sa lugar na iyon. Lugar na malayo sa kinalakihan niyang magulo at maingay na eskinita sa Maynila. Ilang sakay lang naman iyon mula sa bahay nila sa Tondo ngunit dahil may sarili nga siyang mundo ay hindi niya nakukuhang bumisita sa abuela. Sampung taon pa lamang siya nang huling makasama ang lolang si Sally na tumagal lamang ng isang linggo. Nang pumanaw ang kanyang ina dahil sa kanser sa obaryo may dalawang taon na ang nakakaraan ay lalong naging malayo ang loob niya rito sapagkat nakikita niya sa matanda ang ina. Mabait ito at mag-isang namumuhay habang pinapamahalaan ang may di-kalakihang karinderya at apat na pintong bahay-paupahan.

Solong anak lamang ang kanyang ina kaya naman nang mawala ito ay gumuho ang kanyang mundo. Sa madaling salita ay napariwa ang buhay niya at naging sakit sa ulo ng amang muling nag-asawa pagkalipas lamang ng anim na buwan mula nang ilibing ang kanyang Mama, bagay na lalong nagtulak sa kanya upang magrebelde sa buhay. Dalawang beses siyang naexpelled sa magkaibang eskwelahan dahil sa pangunguna sa mga rambol.

Kaya siya nandito ngayon. Bagong paligid. Bagong pakikisalamuha ngunit balewala iyon sa dalagita. Para sa kanya, wala nang dahilan pa para ipagpatuloy niya ang mga pangarap na binuo nila ng kanyang ina. Sa pagkawala nito ay tuluyan na ring nawala ang anumang pagsisikap niya upang maging matagumpay. Mas gusto pa niyang magbabad sa maiingay na bars at makipagbasagan ng mukha sa mga kalabang grupo kaysa mag-aral at ayusin ang buhay. Bagay na gusto namang baguhin ng matandang ngayon ay nakangiting nakaharap sa kanya.

"Ipinagluto kita ng paborito mo, Apo. Akina yang mga gamit mo at ilalagay ko sa kwarto. Mamaya ay pupuntahan natin ang bagong eskwelahan mo para ka makapag-enrol."

"Hindi ako nagugutom. May pera ka ba? Kung lilipat ako ng eskwelahan, kailangan ko ng bagong uniporme. Bibili ako." Saad niya. Halata naman ang pagkagulat sa mukha ni Lola Sally dahil sa tahasan niyang pagsasalita.

"Pero-"

"Malinaw naman siguro ang pagkakaintindi ko sa gusto ninyong gawin ni Papa sa buhay ko. Malinaw na ayaw niya na akong makita at nasusuka silang lahat sa akin sa bahay kaya ako itinapon dito. At dahil mula sa araw na ito ay nasa pangangalaga mo na ako, ang ibig sabihin noon, ikaw ang magpapakain sa akin, magbibigay ng pera at sasalo sa responsibilidad niya. Bigyan mo ako ng pera."

Naiiling na napayuko ang matanda. Napabuntong-hininga ito nang malalim saka nanginginig ang kamay na dumukot ng pera sa bulsa ng duster na suot at iniabot sa kanya. Agad niya iyong kinuha saka bahagyang yumukod at tinalikuran ito. Hindi na niya nakita ang pagbalatay ng sakit at kalungkutan sa mukha nito habang sinusundan siya ng tingin. Apo ko. Ano ba ang nangyari sa iyo?

======================

"Lola?" Kunot-noong bati ni Rae sa matandang nakatingin sa malayo habang nakaupo sa upuang nasa gilid ng hanggang beywang na gate.

"T-teacher Rae, ikaw pala. Maaga ka yata ngayon? Nakapagpananghalian ka na ba?" Bahagyang garalgal ang boses ng matandang landlord kaya naman lalo siyang napakunot-noo.

"May urgent meeting ang school board. Hindi naman na ako kailangan doon kaya umuwi na po ako. Magpapalit lang po ako ng damit. Balak ko sanang mag-ikot sa mall para sa bibilhin kong gamit sa classroom ko. Doon na ako kakain. Bakit po mukhang malungkot kayo? Ngayon ang dating ng apo ninyo na dito na pipisan hindi po ba?"

Malungkot na nangiti ang matanda. Lumapit siya rito saka naupo sa tabi nito.

"Kanina pa siya dumating, Teacher Rae."

"M-may problema po ba, Lola?"

"Wala, hijo. Nagluto ako ng mga paborito niya pero may importante siyang pinuntahan, eh. Samahan mo na lamang akong kumain, Teacher Rae. Sayang naman ang mga niluto ko." Malungkot na wika ng matanda. Nakangiting ginagap ni Rae ang kamay ng kausap saka marahang tumango. Pilit niyang pinasaya ang tinig saka hinila si Lola Sally.

Doctor Crush (a TAGALOG version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon