Mga Matang Pikit

3 0 0
                                    

Mahal, nakita kita kanina.
Nakita kita kanina habang namamasyal kayo. Namamasyal sa dati nating pinupuntahan. Kumakain sa dati nating kinakainan.
Mahal, masakit.
Pikit-mata ko kayong tinalikuran.
Masakit makita na iba na ang kasama mo.
Masakit makita na iba na ang humahawak sa kamay mo.
Masakit makita na iba na ang nagpapatawa sayo.
Masakit makita na pinalitan mo na ako.

Mahal, hindi ko alam kung kailan ako maghihilom sa mga sugat na iniwan mo.
Masyado itong malalim at kung gumaling man ay sigurado akong mag-iiwan ng pilat.
Mga tanda ng paghihirap ko.
Mga tanda ng mga naisakripisyo ko.
Mga tanda sa kung gaano ako katanga.
Mga tanda sa kung paano mo ako ginago.

Ngunit Mahal, hindi lang puro sakit ang maaalala ko.
At iyon ang mas nagpapahirap sa akin dahil alam ko, kahit papaano ay minahal mo rin ako.
Na kahit gaano mo ako sinaktan, minsan mo na ring pinawi ang sakit na nararamdaman ko.
Na kahit gaano ako umiyak, minsan mo ring pinahiran ang mga luha ko.
Na kahit gaano ako mag-isa, minsan mo na rin akong sinamahan.
Sinamahan sa hirap at saya. Sa sakit at ginhawa.
Kaya mas masakit, Mahal, dahil minsan mo ring sinuklian ang aking nararamdaman.

Ngayon, may iba ka na. Hindi na ako. Hindi na tayo.
Hindi ko alam kung kailan ako makakaahon. Kung kailan ako maghihilom. Kung kailan ako makakalimot.
Kaya habang hindi pa iyon nangyayari, ipipikit ko lang muna ang mga mata ko. Tatalikuran ko lang muna kayo.
Dahil Mahal, patuloy kong naaalala.
Masyado pang masakit, na kahit nakapikit na ako, ikaw pa rin ang nakikita ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 03, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Tulang Para Sa'yoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon