Habang ako'y mag-isa ay parang mga tubig na rumaragasa ang mga alaala ng kahapon.
Ang kahapon na puno ng saya.
Ang kahapon na puno ng pagmamahal.
Ang kahapon, na hanggang ngayon ay patuloy akong nangungulila.Habang ako'y mag-isa ay nagbabalik-tanaw ako sa mga tawa mo. Sa mga yakap mo. At sa mga pangako mong naipako na dito sa puso ko.
Ang mga maliligayang araw na patuloy na bumabalik kapag ako'y nakaupo sa dilim.
Ang mga pagsambit mo ng "Mahal kita." "Hindi kita iiwan." "Parati akong nandito." at "Mag-iingat ka."Habang ako'y mag-isa, paulit-ulit kong naririnig ang iyong mga pagmamakaawa.
Pagmamakaawa na patawarin kita.
Pagmamakaawa na bumalik ako sayo.
Pagmamakaawa na maniwala ako na ako ang mahal mo.
Paulit-ulit. Parang sirang plaka.
Mahal, mababaliw na ata ako.
Mababaliw na ata ako dahil kahit saan ako tumingin, ikaw ang nakikita ko.
Mababaliw na ata ako dahil kahit anong panggagago mo ay nagpapagago ako.
Mababaliw na ata ako dahil kahit may mahal ka nang iba, ikaw pa rin ang mahal ko.Habang ako'y mag-isa, hindi ko maiwasang malungkot.
Malungkot na ikaw lang ang naaalala ko.
Malungkot na kahit umalis ka na ay nanatili pa rin ako.
Malungkot na kahit bumitaw ka na ay patuloy pa rin akong kumakapit. Kumakapit kahit wala nang makapitan.
Pero mahal, hindi naman ako habang buhay na magmamahal sa 'yo.Habang ako'y mag-isa, maghihilom ako.
Habang ako'y mag-isa, gagapang ako para makatayo.
Habang ako'y mag-isa, siguradong may darating na iba.
May darating para daluhan ako sa dilim.
May darating para punasan ang aking mga luha.
May darating para palitan ka.
At sa oras na magkita tayong muli,
Mahal, hindi na ako mag-isa.