1 The Raid

94 6 32
                                    

Sleuth 1 - The Raid

Sa loob ng isang warehouse sa gitna ng madilim at tahimik na gabi ay makikita ang mga manggagawang menor de edad na nakahilera sa bawat panig ng tatlong mahahabang lamesa. Bawat isa ay may isinisimpan na character toys. Dalawang uri lamang ang mga laruan: ang sikat na tinatawag na Eggman at Super Burger. Ang mga iyon ay miniature version ng mga mascot ng kainang popular sa mga bata, ang Mighty Fast Food.

Maya't maya ay lumilibot sa warehouse ang isang binatilyong may hawak na folder. Siya si Poem. Disi-siete. Maangas at haragan ang dating. Laging magkasalubong ang mga kilay. Siya ang tumatayong bisor ng mga kabataang manggagawa.

Sa pagparoo't parito ni Poem ay nadaanan niya ang dalawang binatilyo na nasa edad disi-sais, may buhat-buhat na mga kahong may laman ng mga laruan.

"Saan ba namin ito ilalapag, Poem?" tila naiinip na tanong ng isa sa kanila. May pawis na tumutulo sa medyo bilugang mga pisngi. Iyon ay si Chubi.

Lumingon ang tinanong. Ang mga titig ay walang emosyon. "Bago ba 'yan o naka-pack na?" tanong-sagot ni Poem.

"Bago lang," tipid na tugon naman ng kasama ni Chubi na ang pangalan ay Sher.

"Bago lang? Galing sa truck?" paniniguro ni Poem. Tumango naman ang dalawang may buhat ng kahon.

"Saan ba ang destinasyon kapag bagong bagsak na laruan?" Napahagod sa batok si Poem. "Sa mga nakahilera sa unang lamesa, hindi ba? Mahirap bang kabisaduhin ang sistema ng trabaho ninyo o nananadya lang kayong asarin ako?"

"Sori naman. Baguhan ako," sarkastikong tugon ni Chubi sabay nag-make face.

"Ikaw Plump Face, baguhan ka," sabay duro sa nakasimangot na mukha ni Chubi. "Pero 'yang kasama mong mestisong mukhang anak-mayaman, hindi. Tama?" tukoy ni Poem kay Sher.

"Paumanhin," mahinahong tugon ni Sher. Seryosong tumingin nang tuwid kay Poem. "Ngayon lang ako na-assign sa pagbubuhat. Pasensiya na talaga."

Hindi tumugon si Poem. Sa halip ay taas-noo nitong sinalo ang titig ni Sher. Tila walang gustong pumatid sa kanila sa nanunulay na tensiyon sa mga mata nila, habang palipat-lipat ng tingin sa dalawa si Chubi.

"Chubi, Sher!" Ang tinig na iyon na pumukaw sa kanila ay mula sa isa sa mga kababaihang manggagawa. Iyon si Em, ang matalik na kaibigan ni Chubi. "Dito ninyo dalhin ang mga 'yan!" Sabay muwestra ng mga kamay nito sa direksiyon ng dapat lagakan ng mga kahon.

Napangisi si Poem, lalong nagsalubong ang mga kilay, palitang tinitigan sina Chubi at Sher sabay sabing, "Mabuti pa 'yong babae inaalam ang trabaho."

"Ow, there!" pakwela na lang na sabi ni Chubi. "Follow the leader, Sher."

Paglarga ng dalawa ay may humahangos na lalaking pumasok sa warehouse. Higit na may edad ito kumpara sa lahat ng mga manggagawa roon. Naka-uniporme ng security guard.

"Poem! Itigil muna ang trabaho."

"Oh, Bong... bakit?"

"May problema tayo."

"Anong problema?"

"May nagtimbre -- may mga parak daw na paparating! Tingin ko may mga umaaligid na sa labas."

Halos sabay-sabay na natigil sa pagkilos ang mga kabataang manggagawa. Kapansin-pansin naman ang palitan ng makahulugang tinginan ng dalawang dalagita sa lamesa ng mga packers. Sila sina Peach at Toni.

"Kayong lahat!" tukoy ni Poem sa mga kabataan. "Bitbitin ninyo ang mga laruang nataniman at magtago kayo sa basement. Bilis, sundan niyo ako!" utos ni Poem.

MISSION: SLEUTH- KabataanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon