Unang parte.
Matagal ng panahon nang huli akong nakapasyal sa palitada ng Liwasang Bayan. Isang lugar na ganyak ng kariktan ng mga luntiang halaman at makukulay na bulaklak na pinasisigla ng malamig na hanging dumadampi sa aking balat na sadyang sinanay ng ginaw ng ibang bansa. Gayundin, kaysarap namnamin muli ng init na bigay ng sinag ng araw rito na nagdudulot ng karingalan at kataimtiman na nagpapanumbalik sa mga ala-ala ng isang batang naranasan ang tunay na halaga ng huwad na kasiyahan. Isang pook na nagpuno sa aking gunita ng mga panahong ako ay nasa kalagitnaan ng pagkagitla ng mga bagay na aking nais at bagay na nararapat ako ay maging.
Sa mga oras na ito, nakaupo ako sa isang sementadong hugis bilog na pinagtamnan ng puno ng mangga habang nag-iisip at nagmumuni-muni sa aking nakaraan.
“Lucas?” nawala ako sa aking ulirat ng marinig ko ang isang pamilyar na boses at ng makita ko ang isang pamilyar na mukha.
“Mikael?” patanong kong tugon ng makita ko ang dati kong kaibigan kasama ang isang babaeng naging parte ng aking buhay, “Kaytagal na nang huli kitang nakita, ang tikas mo na at mukhang masayang-masaya ka ngayon ah?”
“Ahahaha! Oo naman masayang masaya ako noh. Ito pala sa Shanaia, asawa ko, yung dati mong classmate.”
“Oo nga natatandaan ko siya,” sagot ko ng halong may pagkakagulo sa isipan.
Niyaya ako ni Mikael na sa kanila na maghapunan. Tumungo na lamang ako at ngumiti bilang senyales din ng aking pagsang-ayon.
Habang kami ay naglalakad patungo sa kanilang tahanan, hindi ko lubos maisip na ang aking matalik na kaibigan at dati kong kasintahang pinagmalaki ko pa kay Mikael ay ngayon ay mag-asawa na. Nakakabalisa, nakakaurat ang isang bagay na sumira sa aking mga ala-alang iniisip pa lamang kanina.
Sa harap ng hapag kainan ay napagtantuan ko pa ang hindi pa din nagbagong ugali ni Mikael, ang kanyang ugali ng pagiging magiliw sa kaibigan at pagiging makwento, ngunit sa harap ng hapag-kainan alam ko na siya na lamang ang naliligayahan sa mga kaganapang ito sapagkat sa mata ni Shanaia nakikita ko ang pagkailang sa mga oras na ito.
Bagamat sa kabila ng ilangan na nagaganap sa aming tatlo, ay napag-usapan pa din namin ang aming kabataan ni Mikael, ang mga nangyari sa akin sa ibang bansa, ang mga nangyari sa kaniya habang wala ako, at kung paano sila nagkatuluyan.
Tumingin ako sa orasang nakakabit sa dingding ng kanilang mumunting tahanan. Alas-otso na nang gabi at kailangan ko na din umuwi. Ako ay nagpaalam na sa kanila kasabay ng pagpaalam sa mga ala-alang kailanman ay hindi ko kinalimutan.
Nang gabi din na iyon, habang ako ay nakahiga sa aking makitid na kamang naluma nang panahon ay biglang sumagi sa aking isipan ang natatangi kong pag-ibig sa kanya. Ang pag-ibig na kailanman ay hindi naalis sa aking puso sa loob ng lagpas dalawang dekada naming pagkakakilala.
Sa batid kong iyon, ay bigla kong naramdaman sa aking pisngi ang unti-unting pagdaloy ng mga mumunting mga patak ng tubig na may dalang hinagpis at paghihinayang na sana ay hindi ko na lamang siya iniwan at baka sa huli kami pa ang maging magkasama sa bawat araw na dumaan at dadaan pa.
Ilang oras na din ang nagdaan ngunit hindi pa din dumadalaw sa aking balintataw ang pagkaantok. Iba’t ibang pagkakasala na ang pumaso sa aking ulirat kung paano ko mababawi ang dapat ay sa akin. Ngunit isa lang ang tunay na kaya kong gawin – ang maging isang kerido muna.
BINABASA MO ANG
Sintang Hanggang Dapit Hapon (Maikling kwento)
Short StoryPara sa mga mahihilig sa old formula of writing na nakaugaliang ilagay sa mga textbook sa Filipino simula high school hanggang kolehiyo. ito ay sulatin ng isang beginner lamang, wag ihalintulad sa mga may Palanca Awards na. Okay. Proyekto ko toh sa...