Ikalawang parte

192 2 0
                                    

Ikalawang parte.

          Hinirang na muli sa kalangitan ang bagong pagsikat ng araw ng ako ay magising sa aking payak na silid-tulugan, bumalot muli sa aking konsensya ang isang balak na dudungis sa aking dangal bilang isang lalaki.

            Agad-agad akong pumaroon sa kanilang tirahan upang hanapin si Mikael dala ang bola upang gawing dahilan ang paglalaro namin ng basketbol. Ngunit sa aking pagdating ang naabutan ko ay ang babaeng naging parte din minsan ng aking pagkatao.

            Nang mga oras din na ito, kami ay magkaharap na ni Shanaia, alam kong lungkot ang kanyang nadadarama, at sa akin ay hinagpis. Pinilit ko siyang kausapin kung mayroon pa ba siyang nararamdaman sa akin ngunit hindi siya sumagot. Bagamat tumingin siya aking mga mata at aking natatanaw ang bakas ng mga bahagyang luha na may kapanglawan gayundin sa kanyang labi na nanginginig at pinipigilan ang paglabas ng bawat singhal. Nahihiya ako sa nais kong gawin ngunit kailangan ko para makamit ko ang kasiyahang artipisyal sa paningin ng karamihan.

            Paunti-unting ang aking mukha ay dumidikit na sa kanyang mukha at ang aming mga labi ay sadyang nagdampi sa isa’t-isa. Muli kong nalalasap ang halik na may minsan ko din natikman, halik na may habas ng pagkakamali.

            Naganap ang hindi dapat mangyari sa aming dalawa, isang umagang nagdulot ng init sa bawat katawan ng isa’t-isa. Nakakalungkot ngunit sa aking isipan ay kailangan ko silang paghiwalayin dalawa kahit ano pa man ang mangyari.

            Ilang araw na din ang lumipas katulad ng mga dahong dahan-dahang nahuhulog mula sa puno na kanilang pinagsilangan, ay dahan-dahan din namin nasasanay ang aming mga sarili sa kalagayang aming dalawa ay pinasok. Ramdam ko na ang aming relasyon ay nanatili pa din lihim sa pagitan namin ni Shanaia.

            Halos lagi akong naririto sa kanilang tahanan at nakaramdam na ako ng pagiging parte ng kanilang payak na pamilya kaparehas nang pag-alis ng aking hiya sa bawat imoralidad na aming ginagawa ni Shanaia sa likod ng matalik kong kaibigan na si Mikael.

            Nang gabing si Mikael ay hindi pa umuuwi buhat sa kanyang trabaho, nakaupo kaming magkaharap sa hapag ng kanilang tahanan at magkausap ng mataimtim tungkol sa kanila ni Mikael.

            “Ayos pa naman kami, mukhang hindi naman siya nakakahalata sa atin,” bigay tugon ni Shanaia ng may bakas nang pagkaawa sa kanyang asawa.

            “Ipagpatuloy lang natin yung dapat ay sa atin.”

            Tumayo ako ng kaunti mula sa aking pagkakaupo sa mesa tsaka yumuko ako patungo sa mga labi ni Shanaia at ako ay nagpaalam na.

            Sa kalagitnaan ng maliliwanag na ilaw ng mga posteng nakatayo at liwanag ng buwan sa ilalim ng kadiliman ng gabi sa may Liwasang Bayan, nakita kong nakaupong umiinom, naninigarilyo at nag-iisa si Mikael, nakatingin sa mga nagdaraanang mga behikulo sa kalsada. Nakaramdam ako ng awa sa kanya, nakaramdam ako ng kahuwadan sa aming matagal na pagkakaibigan.

            Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung may mukha pa din ba akong maihaharap sa kanya. Tatawagin ko ba siya? Ang tanong ko sa aking sarili.

            Hindi naglaon, ang aking mga paa ay hindi na napigilan pang umandar patungo sa kanya, ngunit sa aking paglapit, nakita ko ang mga binurang kasiyahan sa kanyang mukha at pinintahan nang dawis sa kawalan ng pag-iimbot sa kanyang sinisinta. Pumipintig ang aking puso kasabay ng mga hanging iniluluwas sa kanyang bibig, dama ko ang mga luhang nagmamarka nang asul na kulay sa damdamin ng mga taong nakakaalam.

            Nakatayo ako sa kanyang gilid na nakatingin sa kanya, nais kong hawakan ang kanyang balikat at tawagin ang kanyang pangalan ngunit ako ay napigilan nang bigla siyang nagsalita.

             “Bakit ganito?” tumingin siya sa akin ng buong katapangang ipakita ang kanyang kahinaan “Bakit ako naiinggit sa iyo?”

            Hindi ako nakasagot, bagkus ay bumagsak na lamang ang luha sa aking mga mata. Luha ng simpatya, pagpapahalaga at pagmamahal. Pinilit kong sagutin ang kanyang tanong ng buong katapatan pero hindi ko alam kung paano ko aaminin sa kanya.

            “Wag ka ng sumagot,” sabay pawi sa kanyang luha ng muli niyang ibalik ang tingin sa dagat ng sasakyang humaharurot at paglagok sa likido ng alkohol.

            Lumapit ako sa kanya ng walang pasabi at tumabi sa kanyang inuupuan, biglang inagaw ko ang kanyang boteng hawak at uminom ng kaunti. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin, habang inuubos ang isang litro ng alak na salitan naming pinaghahatian.

         Nagbago na ang dako ng buwan at mga bituin sa langit ng napagdesisyunan na naming maghiwalay ng landas, nauna siyang tumayo at nag-unat ng mga braso senyales na siya ay handa ng umalis sa lugar na aming tambayan.

            Nilapit niya ang mukha niya sa mukha ko sabay nagpakita ng ngiti ng pasasalamat sa lunsuran ng kalungkutan. Hinawakan niya ang aking pisngi sabay pawi sa mga luha na aking inialay para sa aming pagkakaibigan at tuluyan na niya akong iniwang nag-iisa at nababagabag sa banketa.

Sintang Hanggang Dapit Hapon (Maikling kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon