Ikaapat na parte

222 2 0
                                    

Ikaapat na parte.

       Nakatayo ako sa ibaba ng rumaragasang agwa mula sa dutsa at aking namamalayan ang aking buhay na parang tubig na dumadaloy sa aking katawan patungo sa kasilyas na walang patutunguhan kung hindi ang karungisan katulad ng kanyang mga kahalitulad.

            Tumingin ako bigla sa salamin habang nakatungkod ang aking mga kamay sa lababo ng aking palikuran at nakita ko ang isang lalaking may palatandaan ng pagiging baligho. Isang lalaking nakikipagbakbakan sa isang huwad na pagmamahal na dulot ng desperasyon at pagkamakasarili.

            Tunay ngang tumatak sa aking isipan ang mga binitawang salita ni Mikael, mga salitang hindi ko dapat idamay ang taong wala namang kasalanan. Nababalisa ako at kinakabahan sa kung ano man ang maaring mangyari. Naawa ako sa kanya, pero paano na lang ako?

            Biglang lumabas ang aking luha kasabay ng aking pagbukas sa gripo ng hugasan, hindi ko kinaya ang mga konsensyang bumabalot sa aking isipan ngayon kaya ako ay bigla na lamang bumagsak at tuluyan na lamang humagulgol sa pag-iyak kagaya ng nasasayang na tubig mula sa gripong patuloy na tumutulo.

            Ilang araw din akong hindi nagpakita sa mag-asawa ngunit alam kong hindi pa din nila nakakaligtaan ang mga mga ginagawa ko sa bawat isa sa kanila. Nakakulong lang ako dito sa aking silid at umiiyak pa din at nababagabag kung dapat ko pa din pang ipagpatuloy ang pagwasak sa kanilang simpleng pagmamahalan.

            Sa katahimikan ng aking pagsasarili, ay naririnig ko ang mga yapak ng paa na patungo sa aking silid ngunit wala akong pakialam. Bumukas ang pintuan at nagulat ako sa taong dumating, si Shanaia.

            Sabay sa tunog ng makina ng aking bintilador, biglang niyang binungad sa akin ang mga salitang, “Buntis ako, Lucas. Anong gagawin natin?”

            Nasira ang buo kong diwa kakabit ng mabagal na pagbagsak ng bote ng alak sa sahig ng aking silid, hindi na ako nagsalita. Umiyak na lamang ako sa kanyang harapan at nagsisi.

            “Huwag mo akong iyakan, Lucas,” nanginig na paghihinging tugon sa akin ni Shanaia, “hindi pwedeng malaman ito ni Mikael, kasi baog siya. Baog siya Lucas, naiinitindihan mo ba ‘yun?”

            “Wala akong pakialam, patawarin mo ko kung nasira ko ang relasyon niyo,” sambit ko habang buong dusa akong nakatingin sa kanya, “napakasama ng ugali kong gamitin ka para sa pansarili kong kapakanan na kung tutusin hindi ka naman kasali talaga.”

            Makikita sa kanyang mukha ang kulay ng pagkabigla. Parehas na lamang kaming umiyak at nagdusa sa aking tirahan. Magkalayo man ang agwat naming dalawa sa loob ng aking silid ngunit walang kahit anong pagitan ang pagkakasalang buhat sa aking pag-iimbot.

            Umabot na sa dapit-hapon nang wala ni isa man sa amin ang nakaisip ng paraan kung paano lulusutan ang aming ginawang pagkakasala. Hinatid ko na siya sa labas ng aking bahay ngunit nabigla na lamang kami ng makita ko si Mikael na nakatayo sa tapat ng tarangkahan.

            Wala ni isa ang sumubok magbukas ng bibig at magsalita ng kahit ano. Napuno na lamang ng katahimikan ang buong paligid sa isang sandali ng aming pagtititigan ni Mikael, katahimikang nakakabingi, katahimikang walang halong kahulugan sa kahit sino pa man sa amin. Lumipas na ang mga madaming segundo ng walang pagbabago sa nakalipas na saglit ng dalisay na titigan. Napakasit. Napakahapdi. Mga tinging may bahid ng galit at pighati na sumusugat sa aking puso at kaluluwa.

            Nauna akong umiwas ng tingin na marahil senyales ng paghingi ng kapatawaran sa taong napakahalaga sa akin na higit pa sa aking sariling buhay. Tuluyan pang muli lumabas ng mga natitira ko pang luha kasabay ng paglabas ni Shanaia sa tarangkahan at ni Mikael sa aking buhay.

            Muli akong nagkulong sa aking kwarto hanggang umabot ang dako ng buwan sa kanyang tunay na trono sa kalangitan. Mag-isa akong nagdurusa, mag-isa akong nasasaktan.

            Ngayong gabi sa gitna ng malamig na buga ng bintilador at wagayway ng kurtinang dilaw, namamataan ko ang Liwasang Bayang nagpasimula sa mga motibasyon ko upang mabuhay ngunit mga gunitang nagpasimula sa bagay na maghahatid sa aking katapusan.

            Saksi ang buwan at mga talang nakadungaw sa bintana ng kalangitan sa mga ginawa ko upang mapasa-akin ang taong kailanman ay hinangad ko buong buhay dalawang dekada na ang nakakaraan. Mga bagay na tetestigo sa walang hanggang pagsisinta ko sa kanya hanggang sa aking huling hininga, ngunit sila din ang naging patunay sa katotohanang kailanman ay hindi siya mapapasaakin.

            Binuksan ko ang isang aparador sa gilid ng aking kama at kinuha ang isang bagay na tatapos sa lahat ng aking pagdurusa. Sapagkat alam ko na ilang saglit mula ngayon ay darating na ang taong huhusga sa aking pagkakasala. Siyang nilalang na kakanta ng mga ritmo ng awiting nilikha para sa mga taong makasalanan.

            Maliliit na tunog ng yapak ang bumabakas sa aking mga tainga at maitim na aninong sumasagi sa durungawan ng aking silid patungo sa hagdanan ng aming tirahan, ramdam ko na ang presensya ng benggansa mula sa kanya.

            Naisin ko mang makita sa huling pagkakataon ang kanyang mukha ngunit hindi ko maaaring hayaang siya ang magbigay nang huling hatol sa aming dalawa. Kailanma’y hindi ako papayag na dungisan niya ang kanyang sariling budhi ng tintura ng taong nagkasala dahil lamang sa makasariling pagmamahal. Sa huling sandali, naririnig ko ang pagbukas ng kandado ng aking pintuan. 

            Nakapikit akong ginugunita ang mga huling sandaling madadama ko ang hangin na nagbigay sa akin ng taimtim na pakiramdam at simula ngayon ay hindi ko na ididilat pa ang mga ito.

            “Mahal kita,” bigkas ko sa malimit na tinig na kaya ko, “isa, dalawa, tatlo.”

🎉 Tapos mo nang basahin ang Sintang Hanggang Dapit Hapon (Maikling kwento) 🎉
Sintang Hanggang Dapit Hapon (Maikling kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon