Kabanata 4
Siguro iniisip mo na kung sino ako.
Ako 'yong kanina pa nagkukwento. At dahil nakaabot ka na sa parteng 'to ng kwento, deserve mo rin naman na sigurong makilala ako.
Ako si 3. Technically, ako ang guardian ng tatlong pares ng taong nakuwento ko na kanina. Guardian lang. Hindi ko alam kung qualified akong tawaging angel.
Siguro nagtatanong ka na rin kung bakit ako nagkukwento. Paano ko naisulat ang lahat ng 'to. Sana tapusin mo ang mga salaysay na 'to. Maiintindihan mo kung bakit.
Guardia ang tawag sa amin ng mga nakakataas. Hindi ko alam kung kailan ako nagsimulang maging guardia, at kung bakit ako naging guardia, at maging sino ako. Basta naging ganito na ako.
Hindi nila ako nakikita, gaya mo. Pero hindi ako kaluluwa. Astral siguro ang mas tamang term. Ginagabayan namin ang mga nabubuhay upang mangyari ang mga dapat mangyari.
Tulad ng pagtatagpo ni Marco at Elidia. Nakasulat.
Ang pagpunta ni Ef sa bahay nila Lissa. Nakasulat.
Ang paghihiwalay nila Eryel at Marck. Nakasulat.
Ang pagkawala ng preno ng driver ng kotseng bumangga kay Marck at sa isa pang tao sa loob ng coffee shop. Nakasulat.
Madalas tagapagmasid lang kami. Ngunit may mga pagkakataong kailangan na namin mangialam. Dahil kung hindi, hindi masusunod ng ayos ang mga nakasulat na sa Aklat.
---
Bumangon na si Marck sa pagkakahiga niya. Bumangon siya, pero nakahiga pa rin. Mahirap isipin sa isang taong tulad mo. Pero normal na ito sa aking paningin.
Pansin mo ng hilo pa ang binata, dahil wala pa sa kanyang ulirat na humiwalay na ang kaniyang kaluluwa sa kanyang katawan. Tiningnan ko ang sobreng lalagyan ng aking mga time cards. Parang mga mumurahing daily time record sheet lamang ang mga time cards. Ang pinagkaiba lamang ay nakalista dito kung kailan, saan, paano, bakit, at ano ang gagawin mong mga kilos sa loob ng dalawampu't apat na oras.
Maliit lang ang sakop ng time cards. Isang araw lang. Dahil sa bawat desisyon na gagawin ng tao, may dalawa o higit pang desisyong susunod. At mas marami pang susunod. Ngunit kahit lumaki man ang pagkaka-sanga sanga ng mga tadhanang pwedeng tahakin ng bawat isa, may punto sa buhay ng tao na babalik sa kaunti ang mga sangang ito. Hanggang umabot na ang tao sa dulo. Ang kamatayan.
Tiningnan ko ang time card ni Marck.
Wala pang nakasulat ng time of death. Wala pa ring cause of death.
Bakit?
Napasilip ako kung saan tuluyang huminto ang sasakyang rumagasa kani-kanina lang. Nakatayo ang isang binata na may mahabang piraso ng bakal na nakatusok sa kanyang tadyang. Alam na ng binatang may nakatusok sa kanya, nagtataka na lamang ito kung bakit wala siyang maramdaman. Walang maramdaman si Marco.
Nagulat ako sa mga nangyayari. May mali ba sa records ko?
Tiningnan ko ang records ni Marco. Nabura ang lahat ng nakasulat sa time record niya.
Iniisip ko kung ano ang dapat gawin sa mga ganiton pangyayari. Pero sigurado akong wala ito sa mga rules and regulations ng langit.
Ano ba talagang nangyayari?
Lumiwanag ang paligid ang mula sa mga bulaklak na daisy sa coffee shop ay nagsilutang ang mga petals nito, na siyang hudyat sa paglabas ng isa pang katulad kong guardia. Si 9.
YOU ARE READING
Choose Me
RomanceTatlong kwentong hinabi ng tadhana, pinilas ng panahon, at muling itinahi ng pagkakataon.