prologue

150 21 18
                                    

Humigop ako sa baso, hindi na iyon mainit, marahil dahil sa lamig ng hangin dito sa labas.

Kusang nangunot ang aking noo nang maramdamang muli ang pagtibok ng ulo ko dahil sa kape. Napamura ako nang mahina habang inilalapag ang baso sa katabi kong lamesa.

Dumadagdag pa 'tong utak ko sa stress. Tangina, akala mo may pulso kung tumibok. Kailangan ko ng kape sa sistema ko ngayon, pasensya siya kung ayaw niyang tanggapin kahit isang patak lang ng Kopiko 78°.

Kinapa kong muli ang keyboard. Isang matinding quotation na lang at tapos na ako sa challenge ng matandang 'yon. Manalo man o matalo, wala na akong pakialam. Gusto ko lang mapatunayang kaya kong isulat 'to.

At kung mabasa man niya 'to, bahala na. Hindi ko naman 'to sinulat para gustuhin niya rin ako, malabo namang mangyari 'yon.

Naramdaman kong may kumurot sa puso ko. Umungol ako at nagmura uli. Ano, lahat ng organs ko lalagyan niya ng pulso? Noong isang araw naramdaman kong tumibok ang palad ko nang dumaplis ang braso niya sa aking kamay.

Hindi ko maintindihan kung bakit gusto ng mga tao ang gan'to. Para akong naiihi, lagi akong nate-tense kahit wala naman siya sa tabi ko at nasa isipan ko lang. Para akong ginagago ng sarili kong katawan, pakiramdam ko pati dugo ko may glitters. Hindi ako sanay na ganito kasensitibo ang lahat sa'kin. Lahat gustong gumana at magpapansin.

Pumikit ako, kinakalma ang sarili. Mukha akong tanga na humihinga nang malalim habang nakapikit. Buti na lang walang ibang tao rito. Abala rin ang mga 'yon sa sari-sarili nilang istorya. Mabuti nga hindi na naglalakad-lakad si tanda ngayong gabi para mangupal. Baka mahimbing na 'yong natutulog, may ngiti sa labi dahil alam niyang nahihirapan kami.

Binalik ko ang isip sa sinusulat. Isang quotation lang para pang-umpisa. Iyong nanununtok sa sobrang totoo.

Umupo ako nang diretso nang may mga salitang dumaan sa'king isipan. Mabilis akong nagtipa.

because oftentimes
writers are cowards
for they hide their monsters
behind the characters.
oftentimes,
they use fiction to fight-
to justify who they are.

Pakiramdam ko may kulang pa. Pinilit ko ang sariling utak para kapain kung ano man 'yon. Nasa'n ka na. Nasa'n ka na. May mabilis na salitang tumawid. Napangisi ako. Huli ka.

writers,
writers are the saddest,
the happiest,
and the most fearful-
writers are cursed,
and not talented.

Napatitig ako sa isinulat ko. Minsan, maski ako nabibigla sa galaw ng aking daliri. Para silang otomatikong gumagalaw kahit hindi pa ako nagbibigay ng instruction kung saan tutungo.

At minsan-madalas- napapahinto ako dahil nasapul ako ng sarili kong suntok.

Litterateur's CurseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon