pg. 10

99 18 31
                                    

I K A L A W A N G
K A B A N A T A

Minsan naisip kong ihinto na ang pakikipag-usap kay Jesse.

          Ang sakit na ang ulo ko sa kakakunot ng noo. Ang mga daliri ko akala mo hinahabol ng tren sa bilis ng paglapat sa keyboard. Sumisigaw na nga ang mga letra, nagmamakaawang dahan-dahan lang ang pagpindot ko sa katawan nila.

         Wala akong magagawa, si Jesse ang kausap ko. Kahit gaano kahaba ang pasensya ninuman, kung ang kumag na 'to ang kausap, mapipigtal 'yon.

Jesse: masyado ka kasing mapanghusga brader. changed man na nga raw yung tao

Ako: anong mapanghusga? sabi ko lng hindi ako matutuloy kahit anong gawin ko. kapag nalaman ng nanay kong ex con yon hindi na niya ako palalabasin ng bahay

Jesse: napaka easy. edi wag mong banggitin. ano namang alam ng nanay mo sa background ni warden. baka nga di niya kilala yun

Ako: kialla yon ng ate ko. mahilug magbasa yon.

Jesse: easy. idispatsa si kapatid.

Ako: -.-

Jesse: meron pa kong isang solusyon. alam mo na yun haha!
seen

Jesse: sabi sayo wala lang oag-ibig yang si venice kaya laging nakikisawsaw sa buhay mo. ako na nga lang gustong magmahal sa kanya ayaw mo pa?

Ako: qagu ka nanginginig kalamnan ko sa pinagsasabi mo.

Jesse: kinikilig ka samin pre?

          Sumandal ako sa upuan at pikit-matang hinilot ang aking sentido. Bakit may mga taong siraulo kahit sa anong sitwasyon? Ang sarap upakan nito ni Jesse e, kahit ilang minuto lang hindi marunong magseryoso.

          Tumunog uli ang computer, tinatawag ako para mag-reply kay Jesse. Hindi ko muna pinansin 'yon, nanatiling nakapikit ang mata ko.

           Gusto kong sumali. Wala naman akong inuurungang contest. Isa pa, sikat 'tong si Warden kahit na adik at may saltik. Kung makapasa ako sa standards niya, walang duda na makikilala ako.

           Dumilat ako at nakipagtitigan sa puting kisame. Tumunog na naman ang computer. At isa pa. Napabuntong hininga ako. Wala talagang ibang kaibigan 'tong si Jesse kaya ako lagi ang binubulabog e. Umupo ako nang maayos at binasa ang mensahe niya. Hindi na ko nag-reply nang makitang wala pa rin 'yong kwenta. Sarap i-unfriend ng isang 'to.

          Binalikan ko na lang ang video ni Warden. Dalawang beses ko 'tong pinanood bago nakipag-usap kay Jesse pero nadudumihan pa rin ako sa mukha ni Warden. Maitim ang balat niya, mahaba ang buhok na kumakalat sa kanyang mukha, may bigote at namumutla ang kanyang manipis na labi. Mukha siyang naka-drugs kahit sabi ng iba tumigil na raw siya. Sino ba kasing maniniwala kung wala pa ring pinagbago sa itsura niya?

          Plinay ko ulit ang video. Tahimik lang ako habang dina-digest ang lahat ng sinasabi ni Warden. Pangatlong beses ko na 'to pero natitigilan pa rin ako sa parteng binabantaan niya lahat ng manunulat na nagbabalak sumali.

          "Dudurugin ko ang puso ng mga susubok, kung sino mang matira, kung mayro'n man," parang baliw siyang tumawa, "susubukin ko kung hanggang saan ang kanilang puso't pangarap."

Litterateur's CurseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon