pg. 25

71 9 20
                                    

I K A L I M A N G
K A B A N A T A

Nai-imagine ko na ang nanggagalaiting mukha ng nanay ko kapag nalaman niyang nakikisalamuha ako sa isang adik.

         "WARDEN! HINDI AKO NAGBIBIRO! BABASAGIN KO TALAGA 'TONG BINTANA MO!"

         Walang umimik sa amin. Walang may lakas ng loob na magsalita, pakiusapan si Warden na papasukin na ang babae.

          Sa labas, naririnig ko ang mahinang pakiusap ni Mary na itigil na nung babae ang pagsigaw. Walang wala ang halos bulong na boses ni Mary kumpara sa bulyaw nung babae—hindi ko maalala kung anong pangalan niya.

          Mula sa pinto ay lumipat ang paningin ko sa mukha ni Warden. Nanatili siyang nakatayo, ang isang kamay ay nakatabing sa kanyang bibig—sinusubukan sigurong itago ang ngisi niya—ang isa naman ay malapit sa kanyang dibdib, nagsisilbing suporta. Halos lumuwa ang mata niya sa pagtitig sa pinto, nag-aabang kung anong susunod na gagawin nung babae sa labas. Sa itsura niya ngayon, parang gusto niyang makitang basagin noong babae ang bintana ng bahay niya. Para siyang naghihintay na makita iyon.

          Wala na talaga sa katinuan ang matandang 'to.

          Bumuga ako ng hangin saka inalis ang paningin sa kanya. Nagkasalubong ang mata namin ni Owen, nakaupo na siya katabi noong dalawang lalaki na hindi ko pa rin alam ang pangalan.

         Lumapit ako sa kanila at nakiupo na rin. Saka ko pa lang naramdaman ang ngalay ng paa ko, naalala kong ilang oras din pala kaming naglakad.

          "Ma'am! Huwag!"

          Kasabay ng pakiusap ni Mary ay ang pagkabasag ng bintana. Napaatras ako sa kinauupuan sa gulat. Narinig kong may suminghap—o ako ata 'yon. Tangina! Hindi ko inaasahan na magagawa talaga noong babae mabasag iyong bintana!

          Sumisigaw na rin si Mary sa labas. Ilang saglit lang ay nakarinig na naman ako ng pagkabasag. Lumipad ang isang tipak ng bato sa paanan ni Warden. Napatingin ako doon.

          "WALA AKONG PAKIALAM KUNG AYAW MO AKONG PAPASUKIN—"

         Napaangat ang aking ulo nang mas lumakas at lumapit ang sigaw nung babae. Dumiretso ang mata ko sa bintana. Nakasilip doon ang mukha niya. Kita ko ang lahat ng detalye sa kanyang mukha dahil sa liwanag sa labas. Natulala ako, nakaawang ang bibig.

          "HINDI MALAKING KAWALAN 'TONG CONTEST MO! BALIW!"

          Nawala siya sa bintana pero nanatili pa rin doon ang mata ko nang ilang segundo. Hindi ako makapaniwala. Lahat ba kami rito ay gano'n kalakas ang loob laban kay Warden?

          Pinakatitigan ko ang mga makakalaban ko sa writing contest na ito. Gaya ko ay may pagkabigla sa kanilang mukha—pwera kay Owen na tamad ang mga mata, walang pakialam sa nangyayari at komportable pang nakasandal sa kawayang sofa.

          Si Emmett pati na 'yong dalawa ay mukhang matino. Hindi sila mukhang handang makipagbasag-ulo. Iyong isa ay mukhang bata pa, 'yong isa naman kutis mayaman ang kaputian. Pero maski ako rin naman, kung titingnan ay parang hindi ko kayang sabayan ang turnilyo sa utak ni Warden.

          Mahina na lamang akong napabuga ng hangin. Sana pagkatapos ng kompetisyon na 'to matino pa rin ang utak ko.

Litterateur's CurseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon