Nawawalang Anino

1.5K 58 19
                                    


Liwanag. Ito ang tanging naaaninagan ko. Nakabubulag na liwanag. Wala akong kalaban-kalaban nang balutin nito ang buo kong katawan. Naguumapaw ang liwanag sa pag-ibig. Sinakop ng nito ang aking diwa, maging ang aking kaluluwa.

Bakit ngayon lang kita nasilayan? Nasaan ka noong ako'y nagdurusa? Kung alam ko lang na magtatagpo tayo Liwanag, hindi na dapat ako nabuhay sa poot at lumbay.

Unti-unti akong inaangat ng Liwanag mula sa kinasasadlakang posisyon. Para akong musmos na inihehele sa duyan. Naglaho lahat ng takot sa puso ko. Napakapayapa ng pakiramdan.

Habang akay nito, napalingat ako sa ibaba at namukhaan ang babaeng nakahandusay sa pusod ng bangin. Dilat ang mga mata nito at nakatingin sa akin. Wari'y nanghihingi ng saklolong alam kong hindi darating. Tinitigan ko ng mabuti ang kaawa-awang nilalang. Gusto kong maiyak sa sinapit nito. Yakapin siya. Sabihin sa kanyang magiging maayos ang lahat. Na tapos na ang kanyang pagdurusa. Na hindi na siya masasaktan pang muli.

Ngunit kahit isigaw ko ang katotohanan ay hindi na niya ito maririnig pa. Natapos na siya. Walang tigil ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang ulo. Patuloy na dumidilig sa lupang kinahihimlayan niya. Habang isang malaking sanga ang dumaragan sa manipis niyang katawan.

Humigpit ang kapit ng liwanag sa aking bisig. Ramdam nito ang aking pagdadalamhati.

"Hayaan mo siyang mahimbing."  bulong nito.

Patuloy akong iniangat ng Liwanag. Pataas ng pataas sa ulap hangang sa tuluyan nang naglaho sa paningin ko ang kawawang babae.

Nagsalitang muli ang Liwanag. Sa tuwing kakausapin ako nito ay naglalaho ang pangamba sa puso ko.

"Magpaalam ka na sa kanya." utos nito.

Ipinikit ko ang aking mga mata.

"Paalam. Maiksi kong buhay. Hindi kita malilimutan."

Dinala ako ng Liwanag sa taas ng isang burol. Mula dito ay tanaw ang mala-paraisong tanawin na nag-hihintay sa ibaba. Makukulay na bulaklak, matatayog na puno, at malalagong halaman. Ang buong paligid ay punong-puno ng buhay.

Matitingkad na ilaw ang makikita sa alapaap kapag ikaw ay tumingala. Iba't-ibang kulay na bituin. Kumukutitap. Napakagandang pagmasdan. At kung ikaw ay makikinig ng mabuti, mababanaagan ang matamis na musika sa ihip ng hangin.

"Nasa langit na ba ako?" namamangha kong tanong sa sarili.

Humalakhak ang Liwanag. Malakas ito gaya ng kulog. Halos mabuwal ako sa pagkakatayo nang marinig ang boses nito.

"Ano po ang nakakatawa?" magalang kong tanong.

"Hindi ito ang lugar na hinahanap mo, Althea." malumanay na sagot nito.

"Kung gayon, nasaan po ako ngayon?" buong pagtataka ko.

"Nandirito ka ngayon sa lugar na ito."

"Sa lugar na ito? Saan nga po ito?" lalo akong naguluhan.

"Ang lugar na ito sa pagitan ng Paraiso at mundong kinagisnan mo." paliwanag nito.

"Ibig sabihin, hindi pa ko pumanaw?" nagtataka kong sagot. Imposible naman dahil kitang-kita ko kanina ang malamig kong bangkay na nakahandusay sa bangin.

Marahan akong tinapik ng Liwanag sa balikat upang makiramay.

"Ikinalulungkot kong ipaalam ngunit ubos na ang oras mo sa lupa. Dinala kita rito dahil hindi ka pa handang magpatuloy, Althea. May bumabagabag sa puso mo."

Napapikit ako nang mapagtanto ang lahat. Tama ang Liwanag. Hanggang sa mga oras na ito, siya pa rin and nasa isip ko. Ang laman ng puso kong tumigil na sa pagtibok.

Liwanag sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon