Chapter 1

1.4K 10 0
                                    

Chapter 1

"ANO 'ka mo, Valentina? Magpapakasal na kayo ni Sir Liam?" Wari'y 'di makapaniwalang tanong ni Nanay Amy, ang ina ni Valentine.

Si Margarita naman na nakababata niyang kapatid ay tila nanlambot sa narinig. Si Lucas kasi agad ang pumasok sa isipan nito. Paano na lang tatanggapin ng binata na mag-aasawa na ang Ate Valen nito? 'Di pa naman lingid sa kaalaman nito na may gusto ang binata kay Valen habang ito naman ay may gusto sa binata. Komplikado.

"'Nay, Liam na lang. Mamanugangin n'yo na 'yong tao. At saka siya dapat ang magsasabi nito sa inyo pagdalaw niya bukas ng gabi. Pero dahil ayaw kong mabigla kayo, inunahan ko na siya."

"Sigurado ka ba sa desis'yon mong 'yan, ha, anak? Parang napakabilis naman yata. Ni hindi pa nga namin nakikita ang lalaking 'yan, eh." Napapailing na dagdag pa ng ina niya.

"Oo nga, Ate. Tama si Nanay, mas maigi siguro kung kilalanin n'yo muna ang isa't isa." 'Di na nakatiis si Marga at nakisabat na sa usapan. 'Di nakaligtas sa pandinig ni Valen ang panginginig ng boses ng kapatid.

"Oh ba't naiiyak ka na r'yan? Mag-aasawa lang ako. 'Di pa ako mamamatay. Ikaw talaga napakadrama mo." Niyakap niya ang kapatid na katabi niya lang na nakaupo sofa sa mumunting sala ng bahay nila.

Ang nanay niya naman ay lumipat sa tabi niya mula sa kaharap na bangko. Inakbayan siya nito.

"Natutuwa lang 'yang kapatid mo. 'Di ka na nasanay, eh, mababaw talaga ang luha n'yan. Maging ako ay natutuwa para sa'yo, anak. Matutupad na ang matagal mo nang pangarap."

"Nanay naman, eh. Bakit pati kayo umiiyak na rin." Tinukso ni Valen ang kaniyang ina na ngayo'y pinupunasan ang luha sa pisngi.

"Happiness of tears 'to, anak." Ngumiti ito nang matamis sa kaniya.

"Baka po happy tears o tears of joy, 'Nay?" Natatawang aniya.

Natawa na lang din si Marga.

"Kayo talaga, tinatawanan n'yo na naman ako. Parehas lang naman 'yon. Mga batang 'to, oh."

Hanggang sa sila nang tatlo ang nagtawanan.

"Kung talagang mahal n'yo ang isa't isa, aba'y 'di na ako tututol."

Mahabang katahimikan ang sumunod ro'n.

"Basta pangako ko sa inyo, kapag kinasal na kami ni Liam, hihilingin ko sa kaniya na doon na kayo patirahin sa palasyo para sama-sama pa rin tayo." Pakiramdam ni Valen nasa alapaap siya sa mga oras na 'yon.

"Maka-palasyo ka naman, Ate. Wala namang ganu'n dito bukod sa White Palace. Ambisyosa ka talaga." Pabirong komento ni Marga.

Umayos siya ng upo saka bumaling sa kapatid, "Dahil 'yon ang tama. Kaya tularan mo ako, matalino ka. Gamitin mo rin 'yang utak mo."

Napakunot ang noo ni Marga.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ah, wala 'yon, wala." Tumayo na siya. "Lumalalim na ang gabi. Matulog na kayo, kukuha lang ako ng katol sa tindahan. Ang dami na namang lamok, eh." Naiiling na aniya.

"Oh, siya sige at maglalatag na ako ng banig. Ako'y antok na." Humihikab na sabi ni Nanay Amy.

PALIBHASA'Y nasabi na ni Valen sa ina at sa kapatid ang tungkol sa kasal kung kaya't 'di na gaanong nabigla ang mga ito nang kausapin ni Liam.

Nasa sala sila ngayon at nagme-merienda. Nang dumating kasi si Liam ay marami itong dalang pagkain at pasalubong. Narito ito para mamanhikan. Mag-isa lang ito dahil wala naman na itong magulang. Binatilyo na ito nang maulila. Unang namatay ang ama nito na inatake sa puso, habang ang ina nito ay namatay dahil sa sobrang pangungulila sa yumaong asawa.

Samantalang ang mga kamag-anak naman nito ay nasa malalayong lugar. Ang iba ay nasa ibang bansa.

Nagulat pa nga si Nanay Amy kanina nang mapagbuksan ng pintuan at makita si Liam. Kung hindi pa nito nakita na katabi ng binata si Valen ay mapapagkamalan itong artista ng ina niya.

Sa gwapo ba naman kasi at tikas ni Liam, siguradong mahihiya sina Tom Rodriguez dito. Kung sa itsura lang naman, 'di ito lugi kay Valen. Mistisahin din kasi ang dalaga. Kaya nga Maynard ang apelyido nito dahil Amerikano ang ama nito. Habang si Marga ay pinoy ang ama. Half sisters lang sila kumbaga.

Ayun sa nanay niya nasa ilalim na ng lupa ang ama nila ni Marga. Mag-isang tinaguyod ni Nanay Amy ang magkapatid.

"Isa lang ang pakiusap ko sa'yo, hijo, pakamamahalin mo sana ang panganay ko."

"Maaasahan n'yo po, Mama." Nakangiting sabi ni Liam, ni hindi man lang ito nailang na tawaging mama ang ina ni Valen.

Ang sarap sanang pakinggan. Kulang na lang ay mangiwi si Valen. Alam niya kasing nagkukunwari lang ang binata. Kung alam lang ng nanay niya, wala naman talagang gusto sa kaniya ang binata.

Bagay na hindi dapat mahalata ng nanay at ng kapatid niya pati na rin ng ibang tao.

Basta ang alam niya, may lihim na motibo sa kaniya ang lalaki. Kung ano man 'yon, hindi niya pa alam. Saka na lang niya 'yon iisipin kapag nakasal na sila. Ayaw niya namang mapurnada ang katuparan ng mga pangarap niya.

"Bravo!" Pumapalakpak na wika ni Valen nang mapagsolo sila ni Liam sa sala.

"Para saan naman ang mga palakpak na 'yan?" Nakatikwas ang kilay na tanong ni Liam.

"Para saan pa? 'Di para sa mahusay mong pagganap. Akalain mo 'yon? Daig pa natin ang nasa pelikula sa husay nating umarte. Paniwalang-paniwala sila na mahal natin ang isa't isa."

Ngumisi si Liam. "Hindi lang sa oras na ito kailangan mong gumanap, my dear, maging sa mga darating pang okas'yon."

"I'm more than ready." Umupo siya sa tabi nito at ihinilig ang ulo sa balikat nito. "Basta ang gusto kong malaman ay kung tutupad ka sa kasunduan natin."

Ang kasunduang tinutukoy ni Valen ay ang pagbibigay nito sa kaniya ng luhong nais niya kapalit ng pagpapakasal niya rito. Kasama na roon ang engrandeng kasal na gaganapin sa lalong madaling panahon.

"Anyway, nakatakda ka nang maging Mrs. Liam Eduardo. Ang gusto ko, pagdating ng panahong 'yon ay handang-handa ka na. Alam mo na, bilang asawa ko ay ihaharap kita sa mataas na lipunang ginagalawan ko."

"Tapos?" Sumiksik pa siya kay Liam. Ito naman ay inakbayan siya at nilaro-laro ang mahaba niyang buhok paikot-ikot sa daliri nito saka padudulasin. Pagkatapos ay uulitin.

Larawan sila ng dalawang taong nag-iibigan.

"Kaya lubusin na natin para 'di ka mapahiya. Lalo na ako."

"Diretsuhin mo na."

"Kailangan mo nang mag-resign sa pinapasukan mong department store. Pagkatapos nu'n ay ikukuha kita ng tutor para malaman mo ang tamang pagkilos, pananamit at pagsasalita ng isang elitista."

Kung 'di lang nabanggit dati ni Liam na pinaimbestigahan siya nito, at kung 'di lang ito gwapo, iisipin niyang stalker niya ito na matagal nang may pagnanasa sa kaniya. Parang kikilabutan siya sa naisip.

Iba talaga ang nagagawa ng pera, napapadali nito ang lahat.

"Hindi mahihirapan ang kukunin mong tutor, madali akong matuto."

"Alam ko, ang iba nga ay 'di mo na kailangang pag-aralan dahil matagal mo na itong ginagawa. Yeah, social climber?" Tukso nito.

Umingos siya. "Social climber pala, ah?" Sa loob-loob niya, "Humanda ka kapag kasal na tayo. Susulitin ko lahat ng yaman mo."

Mabilis na natapos ang araw, hindi ininda ni Valen ang pagod dahil sa labis na kasiyahan. Sino bang hindi matutuwa? Malapit na siyang ikasal. Malapit na rin siyang makaalis sa mabahong looban ng kanilang lugar.

+++

Married to a BusinessmanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon