Chapter 2

1K 11 0
                                    

MABILIS na kumalat sa looban ang tungkol sa nalalapit na kasal nina Valen at Liam. Talaga nga naman kasing may pakpak ang balita. Isa pa, maraming tsismosa sa kanilang baryo kung kaya't 'di na kataka-taka 'yon.

"Ang suwerte naman ni Valentine. Balita ko bigtime ang mapapangasawa niya, at mukha pa raw artista!"

"Oo nga raw. Palibhasa maganda siya at saka sexy. Nakakainggit!"

"Sana makabingwit rin tayo ng kahit tatlong M man lang. Matandang mayaman madaling mamatay." Sabay nagtawanan ang mga ito.

"Bobo! Baka apat na M?" Mas lalong lumakas ang tawanan.

Nang minsang umuwi siya galing trabaho, malayo-layo pa lang siya narinig niya na ang pinag-uusapan ng mga ito. At tulad ng inaasahan, siya nga ang headline sa balita. Napailing siya, wala nang bago ro'n. Hanggang ngayon, bente kwatro oras pa rin ang tsismisan sa kanila.

Sa kabilang banda, natutuwa pa rin si Valen. Bakit nga naman hindi? Eh 'yon naman talaga ang gusto niyang mangyari, ang kainggitan siya sa kanilang baryo.

Nilagpasan niya na lang ang mga ito na nakataas ang noo at may ngiting tagumpay sa mga labi. Daig niya pa ang beauty queen kung makarampa sa lubak-lubak na daan. Balewala 'yon sa kaniya kahit pa may kataasan ang takong niya, sanay na sanay na kasi siya.

Sa isip niya, malapit na siyang lumisan sa lugar na 'yon. Tutal naman ay nakapag-resign na siya kanina at magiging epektibo 'yon pagkatapos ng buwang ito. Baka mas mapabilis na ang pagdaos ng kasal nila ni Liam. Lumapad ang ngiti niya. 'Di na siya makapaghintay pa. Kung puwede lang hilahin ang buwan ay gagawin niya, gano'n siya kadesperada.

"Tin!"

Napaigtad si Valen dahil sa pamilyar na boses na tumawag sa kaniya.

Si Lucas. Ito lang naman ang tumatawag sa kaniya sa palayaw niyang Tin.

Huminto siya saka nilingon niya ang pinagmulan ng boses. Si Lucas nga, ang masugid niyang manliligaw na kahit ilang beses na niyang ni-reject ay 'di pa rin sumusuko.

"Tin." Tawag ulit nito sa kaniya.

Bigla na naman ang pagsalakay ng kaba sa dibdib niya. Lagi namang ganito sa tuwing malapit ang lalaki. 'Di maikakaila na may gusto rin siya rito pero nunka siyang papatol rito.

Utak.

Utak dapat ang gamitin, hindi puso. Ayos lang sana kung mayaman ang lalaki, eh, wala sanang problema.

"L-Lucas," nautal pa siya sa pagsambit sa pangalan nito. Sa isip ay minura niya ang sarili. 'Di dapat mahalata nitong apektado siya sa presensiya nito.

Ngumiti nang mapait ang lalaki. "Congratulations. Ikakasal ka na pala."

Lumapit ito sa kaniya, siya naman ay napaatras dahil sa paglapit nito. Amoy alak ang lalaki at namumungay ang mga mata.

"T-Thank you. Sige, mauna na ako." Nagpatuloy na siya sa paglalakad. Pinigilan siya ng lalaki ngunit 'di siya nagpatinag. Sumunod naman ito sa kaniya.

"Tin, usap muna tayo. Saglit lang. Maawa ka naman oh!"

Kahit lasing ay maayos pa naman itong magsalita, kaya lang ay susuray-suray ito sa paglalakad. Napailing siya, isa pa ito sa ayaw niya sa lalaki. Mahirap na nga, lasinggero pa. Tama lang ang disesyon niya na 'wag itong sagutin.

"Wala tayong dapat pag-usapan, Lucas. Uuwi na ako, umuwi ka na rin. Lasing ka. Kailangan mong magpahinga."

Napangisi ang lalaki.

"Nakakatuwa naman na nag-aalala ka sa akin. Sinabi ko na nga ba't gusto mo rin ako eh."

Dahil do'n nainis na siya. Napairap siya sa hangin saka ito binalingan ng tingin sa tabi niya.

"Asa ka naman. Tigilan mo na nga ako't ikakasal na ako. Para malinawan ka, wala akong gusto sa'yo. Kailanman, 'di kita magugustuhan." At muli, dinurog niya na naman ang puso ng lalaki. Maging siya ay nakaramdam ng kirot sa sinabi niya. Sinungaling, akusa niya sa sarili.

Binilisan niya ang paglalakad. Ayaw niyang matsismis na may iba siyang kausap na lalaki. Baka umabot ang balita kay Liam at mabulilyaso pa ang lahat ng plano niya.

ILANG buwan ang nakalipas, sa wakas ay dumating na rin ang araw na pinakahihintay ni Valen—ang araw ng kasal nila ni Liam.

Walang pagsidlan ang sayang nararamdaman niya ngayon. Pakiramdam niya ay nasa alapaap siya kaya naman nang bumaba siya sa bridal car, matamis na ngiti ang nakapaskil sa mga labi niya.

Lahat humanga sa kagandahan niya nang magsimula na siyang maglakad sa aisle.

Lahat rin ay kumbinsido na totoong nagmamahalan sila ni Liam. Nakahusay naman kasi nilang gumanap na dalawa na para bang natural lang 'yon sa kanila.

Tulad ng gusto ni Valen, engrande nga ang kanilang kasal. Elegante ang dekorasyon sa simbahan. Maging ang mga bulaklak na palamuti ay pawang mga sariwa at halatang mamahalin. Idagdag pa ang red carpet na nilakaran niya.

Ngayon ay katabi na niyang nakaluhod ang groom na bakas sa mukha ang paghanga sa kaniya.

"You're the prettiest woman I've ever seen." Bagama't pabulong 'yon ay 'di 'yon nakaligtas sa pandinig niya. Napangiti siya sa papuri nito na siya nga namang tunay. Maging siya ay nagandahan sa sarili niya nang makita ang repleksyon sa salamin. Halos hindi niya makilala ang sarili. Nagmukha siyang Hollywood Star sa postura niya ngayon.

Inilapit niya ang sarili kay Liam saka bumulong. "Salamat. Ikaw rin, napakagwapo mo."

'Di naman na ito nagsalita pa pero nakita niya ang pagngisi nito. Nayabangan siya ro'n kung kaya't muntik pa siyang mapairap. Buti na lang napigilan niya. Nakinig na lang siya sa seremonyas ng pari.

NAPUNO ng palakpakan sa simbahan nang ilahad ng pari na ganap nang mag-asawa sila Valentine at Liam, sa mata ng batas at sa mata ng Diyos.

Naglapat ang mga labi nila at muli, nagpalakpakan na naman ang mga saksi.

"More, more!"

Hiyaw naman ng mga barkadang lalaki ni Liam. Masaya ang mga ito na sa wakas ay nag-asawa na rin ang pihikang lalaki sa kanilang grupo.

Hinagkan tuloy ulit si Valen ng asawa bilang pagsunod sa request ng mga ito.

Buti na lang kiss proof ang suot niyang lipstick. 'Di 'yon basta-basta mabubura at kakalat sa mukha nila. Tinugon niya naman 'yon nang walang alinlangan.

Tutal, asawa niya naman na ito, saka isa pa, mas lalo niya na dapat galingan ang pag-arte nang sa gayun ay walang makahalata na 'di sila tunay na nagmamahalan—na isang kasunduan lamang ang namamagitan sa kanilang dalawa.

(Note: See photos below. Nakuha ko lang ang mga ito sa google. Credits to the owner.)

)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Married to a BusinessmanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon