"SA WAKAS, makakapagpahinga na rin tayo!" sabi ni Valen saka siya pabagsak na humiga sa napakalambot na kama ng hotel. Ito rin ang hotel kung saan ginanap ang reception ng kasal nila ni Liam. Kahit pagod ay mababakas pa rin sa mukha niya ang sobrang kasiyahan. "Salamat, Liam.""For what?" sagot ng asawa niya na ngayon ay tinatanggal sa pagkakabutones ang polong suot.
Napabangon siya sa kama. Oo nga pala, honeymoon nila ngayon. "Goodbye Bataan na ba this?" Kinabahan tuloy siya sa naisip at nakagat ang kanyang labi. Ito na iyon, ano't anuman ang mangyari, nakahanda naman na siguro siyang ialay ang sarili rito. Tutal naman asawa niya na ito at bilang asawa, obligasyon niyang paligayahin ito, nang sa gayun ay wala itong masabi sa kanya.
Binasa niya ang nanunuyo niyang labi habang pinapanood ito. Nakabukas ang air-conditioning ngunit tila ba naiinitan siya sa mga naiisip at nakikita. Nakahantad na kasi sa kanya ang malapad at mabalbon nitong dibdib. Kung bakit ba kasi maghuhubad na lang ito, eh, nakaharap pa sa kanya. Ipinikit na lang niya ang mga mata.
"Di ka na sumagot."
"Ha? Ah, eh wala." Nakapikit pa rin siya nang sagutin ito. Naramdaman niya ang paglundo ng kama sa tabi niya, senyales na naroon na ang asawa. Huminga siya nang malalim kaya naman nanuot sa ilong niya ang mabango nitong amoy. Lalo tuloy siyang na-tense dahil sa sobrang lapit nito sa kanya.
"Turn off the lights when you're off to sleep." Mahina ang boses nito at tila pagod na pagod. Doon lang siya dumilat. Nang lingunin niya ito, nakapikit na ito at payapa ang paghinga.
"Tulog agad?" Nilapit niya ang mukha rito para silipin kung tulog na nga ba ito. Tinusok-tusok niya pa ang pisngi nito.
"Araaay! Ano ba, Liam?" Mahinang tili niya nang bigla nitong kagatin ang daliri niya. Tinampal niya tuloy ito nang mahina sa braso pagkaalis ng daliri sa bibig nito.
"Pagod ako, wag mo akong kalabitin. Bukas na lang, Hun." Nanunukso ang mga mata nito bagama't bahagya lang itong nakamulat. Sa tono nito, alam niyang nang-aasar ito at alam niya ang ibig nitong sabihin.
"Gago, bastos, ewww!" Dali-dali siyang tumayo at pumunta sa banyo. Narinig niya pa ang tawa nito bago pabalibag na sinara ang pinto.
Di niya alam kung maiinis siya sa pangbubuska ng asawa o kikiligin dahil sa ginamit nitong endearment sa kanya.
"Bwisit, Hun-Hun-in mo mukha mo!" mahina ngunit gigil na gigil na sabi niya.
Nawala nga ang init ng katawan niya, pinainit naman nito ang ulo niya. Sa huli, napagdesisyunan niya na lang na maligo para ma-refresh siya.
HINDI MAKATULOG si Valen kahit kanina pa siya nakahiga sa kama. Uminom na nga siya ng gatas at lahat ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Sumasakit na rin ang likod niya dahil sa malambot na kama, hindi siya sanay, hindi pa. Isa pa, parang ngayon lang nag-sink in sa kanya ang lahat ng nangyari.
May asawa na siya. Mayamang-mayamang asawa, at isa lang ang ibig sabihin n'on. Natupad na ang matagal na niyang pangarap.
Hindi na siya titira sa mabahong squatter na pinanggalingan niya. 'Di na niya maaamoy ang nakasusulasok na amoy ng looban. 'Di na siya maglalakad sa lubak-lubak na iskinita na nagpapasakit sa mga paa niya 'tuwing papasok at uuwi siya galing sa trabaho, bagkus marmol na ang nilalakaran niya, may carpet pa.
Ang saya-saya ng pakiramdam niya, ang gaan-gaan. Parang wala na siyang mahihiling pa. Bakit nga naman hindi, eh, buhay donya siya sa mansyon gaya ng kasunduan nila ni Liam.
Matamis siyang napangiti kasabay ng paghinga nang malalim. Nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng kwarto. Bumangon siya nang bahagya at isinandal ang likod sa headboard ng kama.
BINABASA MO ANG
Married to a Businessman
General FictionWarning: Mature-content Isang social climber si Valentine Maynard at aminado naman siya roon. She's a beauty and brain-at 'yon ang gagamitin niya para makamit ang matagal na niyang pinapangarap, ang mamuhay donya. Matutupad lamang 'yon kung papayag...