KABANATA 1: ESTRANGHERO

44 1 0
                                    

"Hoy Kib! Bumangon kana diyan!"

"Isa pa Kib! 'Pag hindi ka pa bumangon diyan, kakaladkarin na kita!"

Ayaw ko pang bumangon. Pakiramdam ko pagod na pagod parin ako. Tila ba'y hindi ako natulog kagabi. Umaga na naman. Kailangan ko nanamang magsibak ng kahoy at tulungan si Tiya Luz sa paghahanda ng agahan.

"Ano ba Kib?! Aakyat na ako diyan!" wika ni Tiya Luz na kanina pa naiinis. "Bababa na po. Saglit lang" sagot ko habang nagaayos ng sarili.

Halos araw-araw ko itong ginagawa. Kailangan kong gumising ng maaga upang tulungan ang tiya ko sa mga gawaing bahay tulad ng pagsisibak ng kahoy, pagiigib ng tubig mula sa balon, paghuhugas ng pinggan, pangangaso sa gubat, pagpitas ng mga prutas, paglalaba at marami pang iba maliban sa pagluluto.

Ganito ang sitwasyon naming mag-tiya tuwing umaga samantalang ang aking Tiyo Marco naman ay naghahanda upang magtrabaho. Isa siyang guro sa pamantasan ng bayan. Ang aking mga pinsang si Juan at Lani naman ay naghahanda rin sa pagpunta sa paaralan.

Matapos makakain ay agad silang gumayak upang umalis. "Inay, papasok na po kami," ani Juan. "O siya sige. Magiingat kayo mga anak ko," tugon naman ni Tiya Luz.

Sumunod din si Tiyo Marco sa kanila habang inaayos ang uniporme "Ako rin mahal, sabayan ko na ang mga bata."

Humalik sa pisngi ang aking tiya sabay sabing, "Magiingat ka mahal ko." Saglit pang nanatili sa bahay si Tiya Luz at nagayos naman ng kanyang mga gamit.

"O Kib, alam mo na ang mga gagawin dito sa bahay. Hindi na kita kailangang pagbilinan pa" mariin niyang sabi. "Aalis na ako." Sumagot ako ng "Opo" at lumisan na ang aking tiya. Isa siya sa mga katiwala ng isang mayamang angkan sa aming bayan.

Lahat sila ay nagtungo na sa kani-kaniyang gawain samantalang ako, naiwan na namang mag-isa. Ayos lang. Sanay na rin naman ako. Ulila na ako. Ang aking ina ay namatay noong ako ay isinilang. Ang aking ama naman ay iniwan ako sa aking Tiya Luz at nagtungo sa isang malayong lugar. Hanggang sa ngayon na ako'y labimpitong taong gulang na ay hindi pa siya bumabalik.

Lumaki ako sa piling ng pamilya ng aking tiya. Kinupkop nila ako, pinakain at tinuruang bumasa at sumulat ngunit ni minsan ay hindi nila ako pinadalo sa isang paaralan o ang makasalamuha man lang ang ibang mga kabataan sa aming bayan. Sa halip ay iniatang nila sa akin ang lahat ng gawain dito sa aming munting tahanan.

Madalas kong naiisip kung ano kaya ang nangyayari sa labas, anong klase ng mga tao ang naroroon, paano magkaroon ng kaibigan at kung ano ang kanilang mga ginagawa ng magkakasama. Gusto kong maranasan iyon kahit sandali lang. Marahil ay napakasaya nila. Gusto kong maranasan ang tunay na pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak. Gusto kong makita ang mundo na ipinagkait sa akin.

Ngayon ang aking kaarawan ngunit walang nakaalala. Mali. Ang dapat kong sinasabi ay hindi naman nila alam. Mas mabuti na iyon dahil alam ko namang walang magaganap na selebrasyon hindi katulad noong kaarawan ni Juan na nagpahanda ang tiya ng masasarap na pagkain. Hindi ko dapat iniisip ang bagay na ito. Dapat ay magpasalamat na lamang ako na ako ay nabubuhay pa sa mundong ito.

Ngayon ay araw ng Lunes. Isa sa mga gawain ko ngayong araw ay pangangaso sa gubat. Matapos kong mag-igib ng tubig ay hinasa ko ang aking sibat at naghanda.

Matagal ko nang minamanmanan ang isang baboy-ramo na hindi pangkaraniwan ang laki. Sinanay ako ni Tiyo Marco na humawak ng mga gamit-pangaso at manghuli ng ibat'ibang klase ng hayop.

Ang MaestroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon