KABANATA 2: DISIPULO

57 1 0
                                    

~--=[ Shiz ]=--~

Kinabukasan, nagising ako dahil nakalanghap ako ng isang masarap na amoy. Mukhang nagluluto ang ginoong nagligtas sa akin. Tanghali na pala, tila napahaba ang aking pagtulog. Sinubukan kong tumayo ngunit ramdam ko parin ang sakit sa aking braso dulot ng pag-atake ng leon kahapon.

Pero sa aking palagay ay maayos na aking kalagayan ko ngayon. Bahagyang bumalik ang lakas ko sapat upang ako'y makatayo at maglakad-lakad.

Gawa sa kahoy ang bahay na ito at sadyang napakatibay. Sumilip ako sa bintana at nakita na napalilibutan ito ng maraming puno. Kakaiba ang mga ito dahil ang mga dahon ay tila sumasayaw kahit wala namang hangin. Ang mga bunga nito ay malalaki at hindi ko kailanman nakita pa. Namangha ako.

Lumabas ako ng silid at nakita nga siyang nagluluto. Laking gulat ko nang may makita akong isang malaking inihaw na baboy-ramo sa ibabaw ng mesa. Kahalintulad nito ang pinangarap kong mahuli sa gubat.

"Magandang umaga po, ginoo."

"O, mukhang nanumbalik na ang lakas mo."

"Opo. Ngunit sa tingin ko ay kailangan ko pa pong magpahinga ng kaunti." Tinanggal ko ang telang nakabalot sa aking braso at sinuri ang aking sugat. Malalim nga ito at makikita ang ibang bakas ng kuko ng leon. Nilinis ko ito at muling binalutan.

"Matanong ko lang po. Saan po ninyo nakuha ang malaking baboy-ramo na ito?"

Sumagot ang ginoo, "Sa may gubat kung saan kita natagpuan. Naghahanap ako ng kakaibang prutas kanina ng makita ko ito."

Lumapit ako mesa. "Matagal ko na pong hinahanap ang hayop na ito. Minsan ko itong nakita sa gubat habang namimitas po ako ng mansanas. Kahapon, nagpunta po ako sa gubat upang hulihin ito ngunit dumating ang leon."

Kinuha ng ginoo ang palayok na may kumukulong sabaw at ipinatong sa mesa. "Sige. Kumain na tayo. Tiyak na masarap ito," pag-anyaya niya sa akin.

"Salamat po." Kumuha ako ng pinggan at humiwa ng karne ng baboy-ramo. Nang matikman ko ito ay ubod ng sarap. Hindi nga ito pangkaraniwan. Kakaiba ang lasa nito.

"Napakasarap po nito," sabi ko pagkatapos humigop ng sabaw.

"Siyang tunay. Matagal na panahon na rin noong huli akong may makasalo sa pagkain." Ngumiti siya at tumingin sa akin.

"Kayo lang po ba mag-isa sa bahay na ito? Nasaan po ang pamilya ninyo?"

"Hindi ko alam. Lumaki ako kasama ang isang estrangero. Kinupkop ako at tinuruan ng maraming bagay."

"Nasaan na po ang taong ito?"

Biglang lumungkot ang kanyang mukha at tumingin sa bintana. "Pumanaw na siya mga apat taon na ang nakalilipas."

"Paumanhin po," tugon ko. Bakas sa kanyang mukha ang pangungulila sa itinuring niyang ama.

Tumayo siya at inayos ang kasuotan. Katulad parin ito ng suot niya kahapon. "Siya nga pala. Pagkatapos mong kumain ay pupunta tayo sa sentro ng Shiz. Ibibili kita ng mga gamit mo." Pagkasabi niyon ay pumasok na siya sa kaniyang silid.

Napaisip ako. Bakit niya ako ibibili ng mga gamit ko? Gaano katagal ba akong mananatili rito at anong nais niyang ipagawa sa akin? Hindi ko pa naitatanong kung ano ang lugar na ito maging ang pangalan niya.

                       ____________________

Matapos kong kumain at makapag-ayos ay nilisan namin ang kaniyang tahanan. Nagalak ako dahil ito ang unang beses na makakakita ako ng ibang tao at makapunta sa isang lungsod.

Ang MaestroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon