Kabanata 3

191 71 185
                                    

Kabanata 3

Sprain

Wala kaming ibang ginawa ni Kali sa nagdaang linggo kung 'di ay gumala sa buong academy.

Halos makabisado na rin namin ang pasikot-sikot sa buong lugar kaya't wala kaming naging problema t'wing maabutan kami ng curfew.

"Tumambay tayo sa likod ng academy mamaya ah? Nakakabagot na sa library eh!" bulalas ni Kali habang pabalik kami sa dorm galing cafeteria.

"Ikaw na lang pumunta, ayos na ako sa library." Inunahan ko siya sa paglalakad dahil kailangan kong makuha agad 'yong library card na naiwan ko sa dorm at nang mahiram ko na 'yong librong nakita ko kahapon.

"Napaka-kill joy mo talaga!" protesta ni Kali. Hindi ko na ito nilingon at nagpatuloy lang.

Sa Lunes na ang simula ng unang araw ng klase kaya't dagsa na ang mga estudyante ngayon. Kung tahimik sa mga hallway, sa field at cafeteria noong unang araw namin dito... ngayon ay napupuno na ito ng mga estudyanteng 'di magkamayaw sa pagdaldal. May mga sarili itong mundo't kung makapagkwentuhan ay aakalain mong ngayon lang nagkita.

Pinaghalong lakad at takbo na ang ginawa ko nang matanaw ang pinto ng aming kwarto. Ngunit agad din akong natigilan nang makita ang isang babaeng nakatayo lang sa tapat mismo ng aming kwarto. Tila may hinihintay ito at mukhang hirap sa bitbit na malaking bag.

"Hi! Kayo ba ang makakasama ko sa kwartong ito?" ani ng babae nang mapansin ako.

"Oo kami nga. Kanina ka pa ba nariyan?" tanong ni Kali na tumabi naman sa akin upang makita nang maayos ang babae.

Nanatili lang akong tahimik na inoobserbahan ang babae. Mukhang ordinaryong tao lang naman ito kaya't hindi ito magiging banta sa kaligtasan namin. Bukod sa maliit lang ito ay mukha siyang mahina at may sakit dahil ang putla ng labi at balat nito na aakalain mong kinukulang siya sa dugo.

Tss.

"Kakarating ko lang. Ako nga pala si Rosé." Nakangiti niyang inilahad ang kan'yang kamay sa akin.

Siniko ako ni Kali na para bang kinukumbinsi ako na kunin 'yon.

"Annistyn." Tipid ko itong nginitian at diretsong pinindot ang passcode para makapasok sa kwarto.

"Pagpasensyahan mo na 'yon ah! Ganiyan talaga siya eh. Ako nga pala si Kara Livia but you can call me Kali kapag close na tayo!" dinig kong sambit ni Kali habang abala ako sa pagkalkal ng gamit.

"Okay lang. She reminds me of someone though." Ngumiti siya sa akin nang lingunin ko ito.

"Baka matagalan ako sa library, mauna na kayong pumunta sa cafeteria mamayang dinner." Hindi ko na hinintay pa ang kanilang sasabihin at mabilis na umalis sa dorm.

Nang makarating ako sa library ay agad akong pumasok ngunit sinalubong ako ng matandang librarian. Mataman akong tiningnan nito mula ulo hanggang paa, marahil ay naaalala niya ako dahil sa araw-araw kong pagpunta rito kasama si Kali. Nakataas ang kilay nito bago tiningnan ang hawak ko.

Sa kabila ng katapangan na ipinapakita niya ay bakas sa mukha ang katandaan. Ang maayos na pagkakapusod ng puti nitong buhok ay lalong nagdepina sa istrikto at mataray nitong itsura.

Wala akong pakialam sa pananakot niya. Ang gusto ko lang ay makahanap ng lugar na payapa... 'yong walang maingay na Kali sa paligid. Itinaas ko ang kanang kamay ko na may hawak na library card.

Walang imik akong dumiretso sa loob at nilagpasan lang siya. Kahit nararamdaman ko sa likod ko ang mapanusok nitong tingin ay hindi ko na pinansin iyon.

Agad akong umakyat sa ikalawang palapag ng silid-aklatan. Kumpara kasi sa baba ay mas maraming libro rito. Base sa napupuna ko t'wing nagpupunta ako ay kaunti lang ang mga estudyanteng tumatambay dito upang magbasa. Mas marami kasing nakalaan na mga couches at lamesa sa ibaba kumpara rito.

VendettaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon