Kabanata 1

11.1K 143 16
                                    

Sampung taon lang ako no'n nang unang tumibok ang aking puso. Bagamat hindi ko pa alam ang tunay na kahulugan ng pag-ibig subalit ramdam kong espesyal na sa akin si Lukas na mas matanda sa akin ng limang taon. Nagsimula lamang iyon sa paghanga o crush na kadalasan na napagdadaanan ng mga batang nasa puberty stage o iyong yugto ng pagdadalaga at pagbibinata ng isang tao.


Matangkad si Lukas sa edad niyang kinse. Kaya naman laman siya ng mga paliga ng basketbol sa aming baryo. Bagamat sunog ang balat sa mga gawaing bukid subalit di maitatangging may itsura siya kaya naman halos lahat ng mga dalaginding sa aming nayon ay lihim na humahanga sa kanya hindi lamang sa taglay niyang kapogian at galing sa paglalaro ng basketbol kundi sa angkin niyang kasipagan. Siya kasi ang katuwang ng Itay niya sa paghahanapbuhay sa kanilang pamilya.


Pagkagaling sa eskwela, deritso na iyan kaagad sa palayan para manguha ng kangkong na tumubo sa mga pilapil para ipakain sa inahin nilang baboy. Tuwing Sabado at Linggo, sumasama naman siya sa kanyang ama para tumulong sa mga gawaing bukid. Gaya ng pagtatanim ng palay o kaya'y pag-aani. Pag-aararo at pag-akyat ng mga puno ng niyog sa tuwing may nagpapakopra naming mga kapitbahay. Sa murang edad niya, lahat ng gawain ay pinapatos niya kaya naman ganun na kaganda ang hubog ng kanyang pangangatawan. Kailangan kasi niyang kumayod para makatulong na mairaos ang nagdarahop nilang pamilya.


Tulad ni Lukas, mahirap lang din ang pamilya namin. Magsasaka si Itay sa apat na ektaryang lupain na natatamnan ng palay at mga niyog na pag-aari ng isang konsehal sa aming bayan. Hati sa kabuuang ani ang kasunduan nila at iyon ang pinagkukunan namin ng ikabubuhay.


Matagal ko ng kilala iyang si Lukas kasi nga nasa iisang baryo lang naman kami subalit hindi naman kami magkaibigan. Iba kasi ang mga hilig niya. Gaya na lamang ng paglalaro ng basketbol na kung saan hindi ako marunong. Volleyball kasi ang kinahiligan kong isport kaya malabong magtagpo kami sa mga paliga. Kung sana naging straight lang din akong lalaki na kagaya niya siguro naging magtropa na kami at posible pang magkateam sa paglalaro ng basketbol. Kaya naman nagkasya na lamang ako sa mga panakaw na titig sa kanya sa tuwing naglalaro siya ng basketbol at walang damit pang-itaas. Grabe, sampung taon lang ako no'n pero ang galing ng manghalay ng aking isip. Pero hanggang doon lang naman iyon. Hindi ko kasi pinapahalata ang pagiging serena ko lalo na sa aking pamilya dahil natitiyak kong bugbog ang aabutin ko kay Itay. Ako pa naman iyong panganay sa aming tatlong magkakapatid kaya inaasahan na niyang ako iyong magiging kaagapay niya sa mga gawaing bukid.


"Mario, anak, pagkatapos ng klase mo mamayang hapon, puntahan mo si Lukas at ang Itay niya sa kanila. Sabihin mong magpapakopra tayo bukas!" Ang sabi ni Itay habang kumakain kami ng agahan. Pakiwari ko naman ay biglang lumuwa ang aking puso sa sobrang kaba at excitement kasi ba naman makikita ko na naman iyong crush ko. Iisipin ko pa lang ang sandaling pupunta ako sa kanila ay parang nagbablush na ako ng bonggang-bongga. Parang gusto ko tuloy sabihin kay Itay na, "Pwede bang ngayon na lang Tay?" Kung hindi lang sana ako mahuhuli sa eskwela. Ganoon nga siguro kapag umusbong ang paghanga sa puso mo para sa isang tao. Bawat minuto ay siya ang hinahanap-hanap ng iyong mga mata subalit kapag andiyan naman, bigla ka na lamang magtatago dahil nahihiya ka sa wala namang kadahilanan.


"Anak, ayos ka lang....?" Untag sa akin ni Itay sa gitna ng aking pananahimik habang nakatingala ako sa aming bubongan na yari sa nipa. Nakita kong sinulyapan naman niya ng sandali ang bubongan at, "...Anong tinitingnan mo diyan?"


"N-naku...wala ho Tay, may naisip lang ako!"


Hardin Ng Mga Gamu-gamoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon